Migrante

Hambalos sa karapatan ng mandaragat na Pinoy sa US


Ayon sa Migrante USA, nasa 120 kaso ng detensiyon, interogasyon at deportasyon ng mga seafarer ang kanilang naitala sa mga pantalan sa silangang baybayin ng US sa nakalipas na mga buwan.

Sa tuwing dumarating sa mga pantalan ng United States (US) ang mga cruise ship, hindi lang trabaho ang iniisip ng mga Pinoy seafarer. May pangamba rin na baka iyon na ang huling pagkakataon na makapagtrabaho sila sa barko dahil makakaharap nila ang ahente ng Immigrations and Customs Enforcement (ICE) na puwede silang ipa-deport, o mas malala, ikulong.

“May mga taong nag-iimpake na ng kanilang mga maleta dahil iniisip nilang baka sila na ang susunod.” Ganito inilalarawan ni Adrian Reantaso ng Tanggol Migrante sa WYP Radio ang takot na nararanasan ng mga Pilipinong crew member tuwing may inspeksiyon ng mga operatiba ng ICE.

Ayon sa kanya, may mga marino na ring pinipiling magbitiw sa trabaho bago matapos ang kontrata dahil sa pangambang maaresto o ma-deport ng ICE.

“Kung magbibitiw ka, makakauwi kang ligtas at may visa ka pa. Pero kapag inaresto ka, tapos na,” sabi ng isang crew member na kinilalang si Vince.

Para sa maraming migranteng manggagawa, ang bawat inspeksiyon sa barko ay hindi na lang bahagi ng trabaho kundi isang sandaling maaaring magdulot ng pagkawala ng kanilang kabuhayan.

Protesta ng mga seafarer sa tapat ng Department of Foreign Affairs noong Nob. 10, 2025. Larawan mula sa International Seafarers Action Center

Hindi lang iilang insidente ang mga kasong ito. Ayon sa Migrante USA at sa mga kaalyansang organisasyon nito, mahigit 120 na kaso ng detensiyon, interogasyon at deportasyon ng mga seafarer ang kanilang naitala sa mga pantalan sa silangang baybayin ng US sa nakalipas na mga buwan.

Hiwalay pa rito, sinabi ng International Seafarers Action Center (ISAC) na tinatayang 150 Pilipinong marino ang ipina-deport ng US mula Enero 2025.

Kabilang sa mga insidenteng ito ang pagdetine sa 18 Pilipinong crew member ng cruise ship na Carnival Sunshine sa Virginia noong Hul. 2025. Noong Setyembre ng parehong taon, apat na Pilipinong crew member ng barkong Carnival Pride ang idinetine habang nakadaong ang barko sa Port of Baltimore sa Maryland na kalauna’y pinaalis mula sa bansa.

Ayon sa The Pilipino Workers Center, marami sa mga manggagawang ito ang hindi nabigyan ng legal na representasyon o maayos na pagdinig bago sila ipa-deport.

Sa ilang kaso, sinabi ng mga opisyal ng ICE na nakatanggap sila ng impormasyon na ang ilang crew member ay may hawak o nakapanood ng child sexual abuse materials. Sa iba pang pagkakataon, may dala raw na ilegal na droga ang crew o may mga isyu sa mga dokumento nila sa imigrasyon.

Ngunit mariing itinatanggi ng mga manggagawa at ng mga migranteng organisasyon ang mga paratang na ito. Anila, marami sa mga Pilipinong seafarer ang napaalis mula sa US nang walang pormal na kasong isinampa laban sa kanila.

Karaniwang pumapasok sa US ang mga crew member ng cruise ship gamit ang C-1 o D visa na direktang nakatali sa kanilang kontrata sa trabaho.

Ibig sabihin, kapag nabawi ang visa ng manggagawa ay nawawala rin ang kanyang trabaho.

Para sa mga OFW na umaasa sa kita sa ibang bansa upang suportahan ang kanilang pamilya sa Pilipinas, ang deportasyon ay hindi lamang usapin ng imigrasyon kundi ng kabuhayan.

Si Atty. Edwin dela Cruz sa pulong-balitaan ng International Seafarers Action Center noong Okt. 20, 2025 patungkol sa deportasyon at detensiyon ng mga Pilipinong marino. Charles Edmon Perez /Pinoy Weekly

Ayon kay Edwin dela Cruz, pangulo ng ISAC, maraming Pilipinong marino ang nagsabing sila ay tinatakot at pinipilit ng mga opisyal ng imigrasyon.

Sa ilang kaso, sinabi ng mga manggagawa na pinipilit silang pumirma ng voluntary withdrawal ng kanilang visa na nagreresulta sa agarang deportasyon.

Ayon kay dela Cruz, kung tumanggi ang mga manggagawa, tinatakot umano silang kakasuhan, ikukulong nang hiwalay o pagmumultahin ng hanggang P250,000.

“Pinaparatangan sila ng mga opisyal ng iba’t ibang paglabag upang takutin sila,” ani dela Cruz.

Dahil sa takot, marami sa mga manggagawa ang napipilitang pumirma sa dokumento upang makabalik na lamang sa Pilipinas kahit wala namang pormal na kasong isinampa laban sa kanila.

Bagaman maraming naitalang kaso sa sektor ng maritime workers, iginiit ng Migrante USA na mas malawak ang epekto ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon sa US dahil sa tuluyang pagtaas na bilang ng mga kaso ng interogasyon, pagdetine, at deportasyon sa mga Pinoy seafarers. 

Mariin ding kinondena ng Migrante USA ang umano’y kakulangan ng agarang aksyon mula sa pamahalaan ng Pilipinas, dahil ang Philippine Embassy sa Washington at ang consular section nito ay “kinilala lamang ang pagtanggap” sa ulat hinggil sa deportasyon ng mga seafarer.

Naghain naman ang mga tanggol-migrante ng diplomatic protest laban sa mga deportasyon at isang imbestigasyon sa mga pamamaraan ng mga awtoridad sa imigrasyon ng US. Sa mga demand letter na ipinadala ng mga seafarer, hinihiling nila ang legal na tulong mula sa Department of Foreign Affairs, at ang dagdag tulong pinansyal mula sa Department of Migrant Workers na nagkakahalaga ng P50,000 kada manggagawa.

Kahit makuha nila ang pinansyal na tulong, hindi ito sapat kung ikukumpara sa nawalang kabuhayan at sa posibilidad ng sampung taong pagbabawal sa muling pagpasok sa US matapos mabawi ang kanilang visa.

Ang sitwasyon ng mga Pilipinong seafarer ay nakaugat sa mas malawak na kalagayan ng migrasyon ng paggawa. Ayon sa Tanggol Migrante, humigit kumulang 30% ng mga seafarer sa buong mundo ay Pilipino.

Para sa maraming Pilipino, ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay daan para sa sahod na mas mataas kaysa sa makukuha sa Pilipinas. Patuloy nilang ipinaglalaban ang isang pangarap kung saan may sapat na trabaho at disenteng sahod sa sariling bayan upang hindi na mapilitang mangibang bansa ang mga manggagawa.

Sa ngayon, habang patuloy ang mga inspeksiyon sa mga barkong dumarating sa mga pantalan ng US, nananatili ang pangamba sa hanay ng mga Pilipinong seafarer. Ang bawat pagdating sa isang dayuhang pantalan ay hindi lang bahagi ng trabaho kundi posibleng simula ng pagkawala ng kanilang kabuhayan.