Migrante

Bagsik ni Trump, tinik sa migranteng Pinoy

Sa muling panunungkulan ni Donald Trump sa White House, muling binuhay ang mga rasista at kontra-migranteg patakaran para umano protektahan ang Amerika. Mas mabangis ang mga atake sa mga karapatan ng mga migranteng komunidad. Iniwan naman sa ere ni Ferdinand Marcos Jr. ang mga kababayang inaresto at ipiniit.

Hanapbuhay ang nagtutulak sa maraming Pilipino na makipagsapalaran sa ibayong dagat, bitbit ang pag-asang makamit ang mas maunlad na kinabukasan. Bagaman malaki ang ambag nila sa pagsagip sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas, hadlang ang kontra-migranteng patakaran ni United States (US) President Donald Trump sa kanilang inaasam na maginhawang buhay.

Pitong buwan na mula nang muling manungkulan si Trump simula noong Ene. 20, 2025 at naging sunod-sunod ang hakbang ng pamahalaan ng US laban sa mga migrante, lalo na sa mga komunidad na Latino at Asyano.

Noong Hul. 4, 2025, nilagdaan ni Trump ang One Big Beautiful Bill Act, bahagi ng kanyang “America First” agenda. Layon nitong bawasan ang pondo sa serbisyong panlipunan para dagdagan ng rekurso ang Immigration and Customs Enforcement (ICE) at pagpapataw ng 1% buwis sa mga remittance sa Pilipinas ng mga Pilipino-Amerikano at overseas Filipino worker (OFW).

Kilala ang ICE sa marahas at mahigpit na pamamaraan sa panghuhuli ng mga migranteng walang dokumento. Pero umaani rin ng puna ang ahensiya dahil kadalasang nadadamay rin sa kanilang operasyon ang mga migranteng may maayos na papeles upang manatili at maghanapbuhay sa US.

Ayon sa Migrante USA, pinalawak ng ICE ang operasyon sa mga dating itinuturing na “off limits” gaya ng simbahan, paaralan at ospital. Dahil dito, maraming Pilipino ang nangangambang lumabas o magtrabaho.

Ayon kay Minda, hindi niya tunay na pangalan, ng Samahan Caregivers Association, labis ang takot ng mga OFW sa tumitinding pagmamanman na maaaring humantong sa paglabag ng kanilang karapatan.

Dagdag niya, iniulat kamakailan na binigyan ng access ang ICE sa datos ng mahigit 79 milyong Medicaid enrollees o mga tumatanggap ng ayuda na maaaring gamiting batayan sa pagsubaybay sa mga migranteng komunidad.

Batay sa pag-aaral ng University of California, Los Angeles (UCLA), mula Pebrero hanggang Mayo 2025, tumaas nang triple ang bilang ng mga Asyanong inaresto ng ICE kumpara noong 2024, mula sa halos 700 hanggang umabot sa mahigit 2,000.

Nakapagtala ang California ng pinakamataas na bilang ng mga inaresto na aabot sa 19%, samantalang ang Texas at New York ay kapwa nakapagtala ng 11%. Nangunguna ang limang bansa sa Asya, kabilang ang China, India, Vietnam, Laos at Nepal na may pinakamaraming pinagmulan ng inaresto na umabot sa 79%. Nasa ikapitong puwesto ang Pilipinas sa talaan.

Sa kabilang banda, ayon sa datos ng ICE, mayroong 3,772 Pilipino na may pinal na kautusan ng deportasyon.

Simula Abril 2025, mahigit 100 Pilipinong seafarers mula sa mga cruise ship ang nadetine at na-deport, batay sa ulat ng Samahan Caregivers Association. Linaw nila, ligal ang kanilang work visa, malinis ang rekord, at walang kasong kriminal.

Ibinahagi ni Minda ang mga taktikang ginagamit ng ICE sa paghuli ng mga OFW at iba pang migrante, kabilang ang mga green card holders.

Hinuhuli umano sila sa mga port of entry ng bansa, gamit ang mga lumang kaso, kahit pa ito’y na-dismiss o na-expunge na. Bagaman natapos na ng ilan ang kanilang sentensiya, patuloy silang binabansagang “mga kriminal” ng administrasyong Trump.

Ani Minda, target ngayon ng agresibong kampanya ang kahit sinong migrante, anuman ang kanilang katayuan. Taliwas ito sa kampanya ni Trump na pag-deport ng “worst of worst.”

Ayon naman kay Nerissa Allegretti, pangulo ng National Alliance for Filipino Concerns (Nafcon), isinagawa ang marami sa mga aresto nang walang warrant.

Batay sa pinakahuling datos ng NBC News, 52% lang ng mga naaresto ng ICE ang may kaugnayan sa kasong kriminal. Ang natitira’y mga non-violent offender, kabilang na ang mga migranteng ilegal na pagtawid sa border ang kasalanan.

Isa si Maximo Londonio, green card holder at residente ng Olympia, Washington, sa mga naging biktima ng agresibong operasyon ng ICE. Ipinanganak sa Pilipinas at lumipat sa Amerika sa edad na 13, matagal na siyang naninirahan sa bansa at may sarili ng pamilya.

Si Maximo Londonio (gitna), kasama ang anak na si Beayanca (kaliwa) at asawang si Cynthia sa isang virtual press conference noong Hulyo. Screencap mula sa Zoom video

Pagkarating mula sa tatlong linggong bakasyon, agad siyang hinarang ng Customs and Border Patrol sa Seattle-Tacoma Airport at dinetine nang limang araw. Inilipat siya sa Northwest Detention Center kung saan nawalan siya ng komunikasyon sa pamilya.

Sabi ng mga opisyal sa kanya sa wikang Ingles, “Hindi ka sangkot sa anumang krimen, pansamantalang detensiyon lang ito bilang bahagi ng administratibong proseso.”

“Kung kailan ka puwedeng tumawag sa pamilya mo, maligo o kumain—lahat ay ayon sa oras nila,” ani Londonio sa wikang Ingles tungkol sa kalunos-lunos na kalagayan sa kulungan.

Madalas ring hindi dumarating ang pagkain sa tamang oras at ibinibigay lang ito sa pamamagitan ng maliit na butas. Pinagbawalan din siyang madalaw ng pamilya at kalaunan ay inilipat sa segregation, isang mas mahigpit na uri ng pagkakakulong.

Sabi ng kanyang anak na si Beayanca sa wikang Ingles, “Habang nakakulong, naranasan ng aking ama ang diskriminasyon at naging biktima ng racial profiling.”

Inilarawan ni Londonio ang karanasan na para bang muli siyang pinarusahan sa kasalanang pinagbayaran na niya noon.

“Naalala ko noong nakulong bilang kabayaran sa aking nagawang krimen 22 taon na ang nakararaan, pero hindi ko maintindihan kung bakit kailangang pagdaanan ko muli iyon,” aniya.

Kamakailan, bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa US kung saan nakipagpulong siya kay Trump upang talakayin ang usaping pangkalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.

Matapos ang pagbisita, binatikos siya ng mga progresibong grupo dahil sa kanyang pananahimik sa kapakanan ng mga OFW at mga migranteng Pinoy sa US. Iginiit naman ni Marcos Jr. na walang puwang para buksan ang ganoong talakayan.

Nagsagawa ng rally sa harap ng White House ang mga aktibistang Pilipino-Amerikano sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa United States. Larawan mula sa Bayan USA

Ayon sa Migrante USA, habang ipinagtatanggol ng ibang bansa ang kanilang ekonomiya laban sa tariff war ni Trump, ibinebenta ng administrasyong Marcos Jr. ang Pilipinas sa US.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, binigyang-diin ng grupo na ang mga paglabag sa karapatan ng mga migranteng Pilipino ang sumasalamin sa tunay na ugnayan ng rehimeng Marcos Jr. at Ambassador Jose Manuel Romualdez, na anila’y nagpapakatuta sa administrasyong Trump.

Ikinuwento ni Ligaya Jensen sa ulat ng Bulatlat ang kanyang anim na taong detensiyon, kung saan ni minsan ay hindi siya dinalaw, kinumusta o tinulungan ng Konsulado ng Pilipinas. Aniya, walang ginagawa ang pamahalaan para sa kapakanan ng mga migranteng Pilipino.

Ganoon din ang karanasan ni Londonio, “Nandiyan ang Tanggol Migrante [Movement] at ang unyon ko na tumindig sa tabi ko at tumulong makahanap ng abogado, kahit sa totoo lang, pakiramdam ko’y trabaho dapat iyon ng Embahada ng Pilipinas.”

Isa si Londonio, kasama si Lynn Dixon, sa iilang nakalaya sa tulong ng kanilang komunidad, isang responsibilidad na, ayon sa kanila, dapat ay ginagampanan ng gobyerno ng Pilipinas.

Hinihiling ng Tanggol Migrante Movement ang agarang diplomatikong aksiyon upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga migranteng Pilipino, pati na rin ang suporta para sa mga pamilyang naapektuhan.

Anila, mas pinipili pa ng gobyerno ni Marcos Jr. ang makasariling interes imbis na magbigay ng nararapat tulong para protektahan si Londonio at iba pang Pilipinong nasa detensiyon sa Amerika.

“Hindi namin sinasabing wala kayong ginawa, ngunit bigo kayong kumilos nang may malasakit, pananagutan at agaran para sa inyong mga kababayan,” sabi ng grupo.