Editoryal

Asahan ang gitgitan at giyera kay Trump


Ipinagmumukha man ng administrasyon ni Trump na hindi na ito makikialam sa ibang bansa pero ang totoo, itutuloy pa rin ng Amerika ang pagbibigay ng pondo sa militar ng Pilipinas at iba pang kaalyadong bansa tulad ng Israel. Mukhang mas interesado ang pangulo ng Amerika sa direktang agresyon.

Alam nating maraming Pilipino sa United States (US) ang sumuporta sa pagkapangulo ni Donald Trump. Malamang marami sa atin, may kamag-anak pa nga sa abroad na bumoto sa kanya. Sa unang tingin, maaaring sabihin ng karaniwang nagmamasid na mukhang agarang kikilos si Trump para magkaroon ng pagbabago.

Mismong mga tagasuporta rin ni Rodrigo Duterte ang nagsabi, kaya daw sila maka-Trump, dahil parang katulad din niya ang “mahal naming Tatay Digong.”

At kagaya ni Duterte, sa likod ng posturang kayang-kaya niyang sagutin ang lahat ng problema, nariyan ang interes na marahas at mapanganib sa mamamayan. Para sa Pilipinas, hatid ni Trump ang higit pang pag-uudyok ng giyera at pagmamalupit sa migranteng Pilipino.

Ilang buwan pa lang siyang nakabalik sa puwesto, tampok na agad ang pagbawi niya sa pondo ng United States Agency for International Development (USAID). Halos $300 milyon ang nakalaan para sa Pilipinas taon-taon mula 2001.

Sa matagal na panahon, kasangkapan ang USAID upang magpabango ang US sa buong mundo at para ‘di masyadong pansinin ang mga krimen nito sa panghihimasok sa iba’t ibang bansa tulad ng Pilipinas at mga bansa sa Amerika Latina at Gitnang Silangan.

Pansinin n’yo, halos hindi na nga napag-uusapan ang direktang pagmamanipula ng gobyerno ng Amerika sa social media ng Pilipinas kaugnay ng impormasyon sa mga bakuna ng China.

Ang reyalidad sa Pilipinas, nagagamit pa ang USAID para kumbinsihin ang publiko na mabuting bansa ang US kahit pa nandarambong sa likas na yaman ng bansa, nang-aabuso ang kanyang mga sundalo, nagtutulak ng giyera at promotor ng mga patakaran sa ekonomiya para gatasan ang mamamayan.

Ipinagmumukha man ng administrasyon ni Trump na hindi na ito makikialam sa ibang bansa pero ang totoo, itutuloy pa rin ng Amerika ang pagbibigay ng pondo sa militar ng Pilipinas at iba pang kaalyadong bansa tulad ng Israel. Mukhang mas interesado ang pangulo ng Amerika sa direktang agresyon.

Nauna nang nagpahayag si Trump na nais niyang mag “take over” sa Gaza, Palestine. Sa gitna ng walang tigil na pambobomba ng Israel sa Gaza, habang sinusuportahan ito ng US, mabuti raw kung angkinin na lang ng Amerika ang lupain. Aba, parang kagaya din ng mga dating kolonyalistang mananakop!

Kung ikukumpara sa nakaraang administrasyon, ngayon masasabi natin na mas mabagsik itong kay Trump at tiyak na mas maraming buhay ang nakataya sa mga giyerang pinapaypayan niya.

Ang imperyalismo o ‘di direktang pagkontrol sa mundo ng iilang mga makapangyarihang bansa, lalo na ang US, ay palagiang nangangahulugan ng giyera. At ang administrasyong Trump ay ‘di hamak na masahol na imperyalistang estado.

Dahil sa panibagong mga restriksiyon sa kalakalan ni Trump sa China, lalo niyang pinasisidhi ang gitgitan ng dalawang bansa. Sagot naman ng China, handa raw sila sa giyera sa ekonomiya at “kahit iba pang giyera.” At tiyak, Pilipinas ang gagamitin ng US na pambala sa kanyon.

Masahol din para sa mga Pilipinong naghahanapbuhay sa US. May humigit-kumulang 350,000 na undocumented o walang papeles nating kababayan ang nasa Amerika. Silang mga kumakayod lang para sa mga pamilya nila, pinagkaitan ng visa extension o minaltrato ng amo kaya napilitang magtago.

Mula nang muling maupo si Trump nitong Enero, tuloy-tuloy ang pag-hunting at pagpapa-deport sa mga walang papeles na migranteng manggagawa, kabilang ang mga Pilipino. Kasama ng polisiya na ito ang rasistang pagtingin sa mamamayan mula sa mga mahihirap na bansa.

Imbis na suportahan ng Embahada ng Pilipinas sa US, sabi pa ni Ambassador Jose Manuel Romualdez, kamag-anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mag “self-deport” na lang daw.

Girian at pahamak sa mga migranteng Pinoy ang hatid ni Trump. Masahol pa, hindi natin maaasahan si Marcos Jr. na ipagtanggol ang kapwa niya, bagkus lalo pa niyang ilalagay sa alanganin bilang tuta ng Amerika.

Si Trump, kagaya ni Duterte, walang pakundangan at mapanupil. At kagaya ni Duterte, darating din ang araw ng paniningil.