Panunumpa ni Trump, sinalubong ng protesta
Sa unang araw ng pagbabalik ni Donald Trump sa White House, sinalubong ang kontra-mamamayang rehimen ng mga protesta ng mga mamamayan ng United States at Pilipinas.

Kaliwa’t kanang protesta ang sumalubong sa panunumpa ni Donald Trump bilang Ika-47 Pangulo ng United States nitong Ene. 20. Kinondena ng mga nagprotesta sa United States (US) at Pilipinas ang pagbabalik niya sa kapangyarihan na pinakamalaking banta ngayon sa pandaigdigang kapayapaan, katarungan at demokrasya, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Sa Maynila, nagmartsa papuntang US Embassy ang mga makabayang organisasyon. Nanawagan silang palayasin ang mga tropa, pasilidad at kagamitang militar ng US sa Pilipinas. Dapat din anilang itigil ng US ang paggamit sa bansa bilang lunsaran ng mga giyera sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Babala ng Bayan, paparamihin pa ni Trump ang puwersa at pasilidad militar ng US sa rehiyong Asya-Pasipiko, gaya ng sa Pilipinas. Naghahabol pa rin anila ang US na panatilihin at palawakin ang impluwensiya sa rehiyon sa pamamagitan ng pagkubkob sa mga karibal nitong China at Russia.
“Inaasahan na ring gantimpalaan ni Trump ang mga korap niyang alyado gaya ni [Pangulong Ferdinand] Marcos Jr. kapalit ng pagpayag nitong maglunsad ng mapang-upat na [mga] ehersisyong militar, mag-imbak ng mga [weapon] of mass destruction, at magtayo ng mga base sa buong bansa,” sabi ng Bayan.

Para kay Makabayan Coalition president Liza Maza, banta sa pambansang interes ng Pilipinas ang pagbabalik-poder ni Trump. Maaari aniyang magpatindi ng tensiyon sa West Philippine Sea (WPS) ang mga “hibang” na pahayag ni Trump.
“Ang siyam na base ng EDCA [Enhanced Defense Cooperation Agreement] dito, ang paparaming joint military at maritime exercises sa WPS, at iba pang interbensyon ng US para kubkubin ang China ay maari pang lumawak sa pagkapangulo ni Trump,” ani Maza.
Kayang-kaya aniyang mag-udyok ng higit na tensiyon at mang-upat ng giyera ni Trump sa rehiyon sa kapinsalaan ng ating soberanya at seguridad ng Pilipinas.
Sa kanyang inaugural speech, ipinangako ni Trump na babawiin ng US ang control sa Panama Canal, isa sa pinakamahalagang ruta ng kalakalan sa mundo. Nauna na rin siyang nagpahayag na balak niyang angkinin ang mga bansang Greenland at Canada. Ayon sa mga eksperto, bahagi ito ng pagkontra sa lumalawak na pampolitika at pang-ekonomiyang impluwensiya ng China.
“Alam na natin ang karakas nitong si Trump—hangal, macho-pasista, chauvinista. Matindi ang peligro na dala ni Trump sa national interest ng bansa at karapatan ng ating mga kababayan sa US,” sabi ni Maza.
Deportasyon
Nagprotesta rin ang mga Pinoy sa Washington D.C. at New York City para kondenahin ang plano ni Trump na malawakang deportasyon ng mga migrante sa US. Kinondena rin nila ang kawalang aksiyon ng gobyerno ng Pilipinas para protektahan ang mga Pinoy sa Amerika.
Nangako si Trump na ipapatupad ang “pinakamalaking deportasyon sa kasaysayan ng US” sa unang araw ng kanyang termino. Tinatayang aabot sa 11 milyong migrante ang maapektuhan kabilang ang mahigit 4.5 milyong Pinoy sa US.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), may 370,000 migranteng Pinoy sa US ang hindi dokumentado. Nauna na rin silang inabisuhan ng gobyerno ng Pilipinas na kusa nang umalis ng US.
“Kung wala talaga silang legal path, it is better they go na muna para makabalik sila dito at some point in time. Kasi kapag ma-deport ka, talagang hindi ka na makakabalik,” sabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez sa panayam ng Unang Balita.

“Malupit at manhid” ang pahayag na ito ni Romualdez ayon sa Malaya Movement, samahan ng mga migranteng Pinoy sa US. Itinatanggi kasi anila nito ang katotohanang 7,500 Pilipino araw-araw ang napipilitang mangibang-bansa dahil sa kawalan ng trabaho sa Pilipinas. Ito ang nakikita nilang dahilan kung bakit isa sa apat na Pinoy sa US ay ‘di dokumentado.
“Nilalantad lang ni Romualdez ang pagpapabaya ng gobyerno ng Pilipinas sa responsibilidad nitong protektahan ang sariling mamamayan,” sabi ng Malaya.
Dagdag pa ng grupo, mapanlinlang ang pahayag ni Romualdez dahil pinagmumukhang madali ang proseso ng migrasyon sa US. Mahigit 4.3 milyon pa anila ang nakabinbin na kaso ng dokumentasyon noong 2023 at ang proseso ay maaaring tumagal ng ilang dekada.
Nanawagan naman ang Bayan-USA ng katarungan para kina Dhenmark Francisco at Jovi Esperanza, dalawang Pinoy nursing assistant na ilegal anilang inaresto ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) noong Okt. 24, 2024 at nakakulong pa rin hanggang ngayon.
Kontra-manggagawa
Nangangamba naman ang mga manggagawa sa business process outsourcing (BPO) sa magiging epekto ng mga ipatutupad na polisiya ni Trump sa mga patakaran at karapatan sa paggawa.
Ayon sa BPO Industry Employees Network (BIEN), magdudulot ng kakulangan sa lakas paggawa ang malawakang deportasyon lalo na sa ilang bahagi ng US na nakadepende sa mga migranteng manggagawa.
Kahit anila ipalit ang mga lokal na manggagawang Amerikano, bulnerable pa rin sila sa mababang sahod, kawalan ng overtime pay at iba pang paglabag sa karapatan sa paggawa gaya ng pag-uunyon at malayang pagpapahayag, dahil sa mahabang rekord ni Trump ng pagiging kontra-manggagawa.
Banta rin sa karapatan ng mga manggagawa ang rekord ng paglabag sa karapatan sa paggawa ng mga pinakamalalaking bilyonaryong nasa likod ng administrasyon ni Trump.
Tinustusan ng pinakamalalaking bilyonaryo sa mundo ang magarbong seremonya ng inagurasyon ni Trump na umabot sa mahigit $200 milyon ayon sa tala ng Public Citizen. Kabilang sa mga may pinakamalalaking donasyon sina Mark Zuckerberg ng Meta, parent company Facebook at Instagram, at Jeff Bezos ng e-commerce company na Amazon.
Bibigyan naman ng posisyon sa gabinete ni Trump si Elon Musk, may-ari ng SpaceX, Tesla at X (dating Twitter), na kinikilalang pinakamayamang tao sa mundo.
Nakatakda namang magpataw ang administrasyon ni Trump ng mas mataas na taripa sa mga inaangkat na produkto sa US. Itataas ng 60% ang taripa ng mga produkto mula China, 25% mula Mexico at Canada, at 10% sa iba pang bansa.

Ayon sa BIEN, magdudulot ito ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at lalo pang pagbaba ng halaga ng sahod ng mga manggagawa.
“Kahit tatanggap ang Pilipinas ng mga outsourced na trabaho, maghahanap pa rin ng mas murang lakas-paggawa ang mga kompanya ng US, na magpapababa naman sa sahod ng mga manggagawa sa BPO dahil sa patakaran ng pababaan ng sahod (race-to-the-bottom),” sabi ng BIEN.
May banta rin anila ng malawakang tanggalan sa mga low-service na trabaho sa Pilipinas, kabilang ang BPO, dahil sa paggamit ng artificial intelligence (AI) ng maraming kompanya.
Umabot sa 700 ang naitalang protesta sa US na sumalubong sa unang araw ng muling panunungkulan ni Trump ayon sa ulat ng Truthout. Tema ng mga protesta ang pagkondena sa pag-upo ni Trump at panawagan para sa panlipunang pagbabago.
“Hinihikayat namin ang lahat ng mga Pilipino na makipagkaisa sa mga [mamamayang] Amerikano sa paglaban sa kontra-manggagawa, kontra-migrante at kontra-mahirap na mga polisiya ng papalabas at papasok na gobyerno ng US,” sabi ng Bayan.