Libo-libong migrante, nahaharap sa deportasyon sa administrasyong Trump


Mahigit 20 Pilipino ang nakatanggap na ng deportation orders habang nasa 80 pa ang nasa proseso ng deportasyon na epekto ng bagong polisiya ni Donald Trump para labanan umano ang “illegal immigrants.”

Sa kabila ng tatlong buwan pa lang sa puwesto, agresibo na ang kampanya ng administrasyon ni US President Donald Trump laban sa mga migrante, ayon sa ulat ng Migrante USA.

Mahigit 20 Pilipino ang nakatanggap na ng deportation orders habang nasa 80 pa ang sumasailalim sa proseso ng deportasyon. Isa ito sa mga epekto ng bagong polisiya ng administrasyong Trump na naglalayong labanan umano ang tinaguriang “illegal immigrants.”

Ayon sa Migrante USA, ginagawa umanong “scapegoat” ng administrasyon ang mga migrante upang pagtakpan ang krisis sa ekonomiya at kawalan ng trabaho sa bansa. Sa ilalim ng mga executive order ni Trump, itinuturing na “banta sa seguridad” ang mga migrante—kahit pa sila ay may legal na dokumento.

Pinalawak din umano ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) ang kanilang operasyon sa mga dati nang “off-limits” na lugar gaya ng mga paaralan, ospital at simbahan. Dahil dito, maraming migrante ang natatakot na lumabas ng kanilang mga bahay.

Lumalabas din sa panayam na maging ang mga may green card ay hinuhuli at binabantaan ng deportasyon dahil sa mga “petty crimes.”

Sa halip na protektahan, pinayuhan pa ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas ang mga Pilipino sa US na magsagawa ng “voluntary departure,” bagay na tinuligsa ng Migrante USA bilang anyo ng pagkukunsinti sa patakaran ng US.

Panawagan ng grupo ay agarang aksiyon at diplomasya upang palayain ang mga Pilipinong nakadetine sa US at pagpapatupad ng makabuluhang programa sa kabuhayan upang hindi na mapilitang mangibang-bansa ang mga Pilipino.

Panoorin ang ALAB Alternatibong Balita sa AlterMidya YouTube Channel.