Taripa ni Trump, ano ang epekto sa Pilipino?
Nagkumahog ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. para magmakaawa kay Donald Trump na pababain pa ang taripa, kapalit ang ibayong pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas sa pagpasok ng mga produkto at kapital ng United States.

Ginulat ni United States (US) President Donald Trump ang buong mundo sa paglalabas ng isang executive order (EO) na nagpapataw ng mas mataas na taripa sa mga produktong pumapasok sa Amerika.
Mula sa halos 3.3% na taripa sa panahon ni Joe Biden, itinaas ito ni Trump patungong 10% bilang pinakamababang posibleng ipataw. Sa isang iglap, isinara ni Trump ang pinakabukas na ekonomiya sa buong mundo dahil sa krisis na bumabalot sa imperyalistang bayan.
Pinakamalaki ang taripa sa mga produkto ng Mexico, Canada at China. Sa Pilipinas, nasa 17% ang bagong antas ng taripang ipinataw. Nagkumahog ang administrasyong Marcos Jr. para magmakaawa kay Trump na pababain pa ang taripa, kapalit ang ibayong pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas sa pagpasok ng mga produkto at kapital ng US.
Ngunit, ano nga ba ang taripa, para saan ito, at ano ang epekto ng mataas o mababang taripa sa ekonomiya ng Pilipinas at sa buhay ng karaniwang Pilipino?
Dumalo ang Pinoy Weekly sa isinagawang Alternative Classroom Experience ng Kabataan para sa Tribung Pilipino (Katribu) UP Diliman na pinamagatang “Trump, Tariffs, and Tanks: U.S. Imperialist Meddling in the Philippines” nitong Abril 29 at kinapanayam si Ibon Foundation executive director Sonny Africa upang mas maunawaan ang buong konsepto at konteksto ng nagaganap na “tariff war.”
Pinoy Weekly (PW): Ano ba ang taripa?
Sonny Africa (SA): Ang taripa ay buwis na ipinapataw ng isang bansa sa mga inaangkat na produkto mula sa ibang bansa. Halimbawa, kung porsiyento sasabihin, kung sa Pilipinas, kung nagpataw ng taripa ang Pilipinas ng 10% sa inaangkat na produkto, ibig sabihin, kung $100 ang pag-import halimbawa ng bigas mula sa ibang bansa, ‘yong $100 kapag binebenta na sa loob ng bansa $110 na ‘yan.
Iyong $10 na ‘yon, sa totoo lang ang nagbabayad noon ay ‘yong consumer. Halimbawa, ako ay importer ng bigas, nagpataw ng taripa, ako ‘yong magbabayad sa gobyerno ng 10% na iyon.
Ngayon, mayroon bang negosyante na gagamitin ang sariling pera niya? [Wala]. Ang tendency ng isang negosyante, anuman ang ipinapataw na taripa, ipapataw niya ‘yon doon sa merkado, ipapasa niya ‘yon sa consumer.
Sa kadulu-duluhan, kung hindi [babayaran] ng nag-import [ang taripa], [nagiging] buwis ‘yan sa bumibili ng produkto na ‘yon kasi ipapasa sa kanya ‘yun
PW: May epekto ba ang pagpapataw ng taripa sa presyo ng mga bilihin sa merkado, halimbawa na lang ang nararanasan natin sa pagdagsa ng imported na bigas?
SA: Oo. Kung mas mura ang produksiyon ng bigas sa Vietnam at Thailand dahil malaki ang subsidyo ng kanilang gobyerno [para sa mga magsasaka nila], kung tanggalin ang taripa sa imported na bigas mula Thailand at Vietnam, ang tendensiya doon gagawing mas mura ang bigas sa Pilipinas.
Ang problema, kung ang mga magsasaka natin mababa pa ang antas ng produksiyon nila, mahal pa ang cost of production nila, at mahal ‘yong bigas nila, at ipagtabi mo ‘yong murang bigas ng Thailand at Vietnam sa mahal na bigas ng Pilipinas, ang tendensiya ng merkado, bibilhin niya ang mas murang imported na bigas kaysa ang mahal na bigas ng bansa.
Ang magiging takbo niyan, ‘yong mga magsasaka dito baka huminto na sa pagsasaka kasi lugi sila. Sa gayon, mahalaga ang taripa na proteksiyonan tayo, taasan ang presyo ng bigas mula sa Thailand at Vietnam, para ang Pilipino, bibilhin pa rin ang lokal na bigas.
Ito ang kailangang masapol na punto, ‘yong pagprotekta ng lokal na bigas ng Pilipinas, hindi dapat mahinto doon. Dapat protektahan at gastusan ng Pilipinas, ng gobyerno, para gawing mas mura ‘yong bigas sa Pilipinas.
Iyon ang naging problema sa mahabang panahon, may proteksiyon [dahil may ipinapataw na taripa], pero walang suporta [sa magsasaka]. Nanatiling mahal ‘yong [sarili nating bigas].
Naging dehado dito, una, ang consumer, mahal ang bigas sa lokal na pamilihan, pero ang magsasaka, dehado din siya dahil hindi siya makapagkompetensiya sa mas murang bigas mula sa ibang bansa.
PW: Ano ang dapat ikabahala ng mga Pilipino sa mas mataas na taripang ipinataw ng US sa mga produktong ine-export natin?
SA: Magiging problema ang pagpataw ng US ng taripa sa atin kung ‘yong Filipino manufacturer na nagbebenta sa U.S. patawan ng taripa, mas mahal na ‘yong kanyang produkto sa US baka hindi na bilhin.
Kaso, ‘yon nga ang punto namin, kung titingnan ‘yong ine-export ng Pilipinas sa US, mayorya noon ay hindi gawa ng Pilipino. Mayroon bang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas?
Marami sa mga export natin ay semiconductors, sa batas na ipinasa ni Trump, exempted ‘yong semiconductors. So, kung may epekto ba, unang-una, wala dahil exempted siya, pangalawa hindi naman Pilipinong kompanya ang nagpo-produce ng [semiconductors] na iyan, malamang dayuhang korporasyon ‘yan.
Kung titingnan ‘yong ipinataw na taripa sa Pilipinas, hindi puwedeng lahatin ‘yun. Titingnan natin dapat sino ang nagpo-produce para sa US at ano ang ipinapataw na taripa. Kung gawa ng Amerikano, Hapon o sino pang dayuhan, walang epekto sa atin ‘yon, may epekto ‘yon sa mga dayuhang nakapuwesto sa export processing zones natin, na baka exempted pa nga malamang sa hindi ‘yan.
Ang mas siguro puwedeng tingnan, ‘yong iilang mga Pinoy na genuinely may pino-produce at ine-export doon. Ang naiisip kong halimbawa ay coconut oil, isa sa malaking export ng Pilipinas ‘yan. Kung ‘yan gawing mas mahal sa US, lumiit ang benta ng coconut oil sa US, hindi malulugi, pero bababa ang benta niya sa U.S. Kung sobrang laki ng pagkitid ng merkado niya sa US, kung sobrang laki ng kabawasan sa kita niya doon, baka malugi siya, mag-downscale siya ng production [at mag-resulta ng tanggalan sa mga manggagawa].
Iyong pasabog ni Trump na mga taripa, hindi pa iyon pinal. Ang dami pang negosasyong magaganap doon. Mahirap husgahan ang taripa na iyon dahil hindi pa sigurado kung magtatagal iyon.
PW: Ano ang inyong masasabi sa tugon ng administrasyong Marcos Jr. at ano ang dapat niyang ginawa?
SA: Mas delikado ‘yong aktitud ng gobyerno na tatanggalin ang taripa natin, una sa US, tapos susunod pati sa ibang mga bansa. Ganoon kakitid mag-isip ang gobyerno natin. Sa nakaraang apat na dekada, ang feeling ng gobyerno ang pinakamagandang patakaran ay ang magtanggal ng taripa, kaya binababa.
Ang problema, binaba ang taripa sa bigas at iba pang bagay na [inaangkat] natin, pero walang suporta sa [lokal na produksiyon] natin, kaya ang nangyayari doon, nalugi ang mga lokal na negosyo natin.
Unang-una, maling-mali ang balangkas na mag-tariff war, walang saysay ‘yon sa proteksiyon ng Pilipinas, lalong-lalo na’t wala tayong pantapat sa produksiyon nila.
Ikalawa, usapin ito ng ano ba ang dapat gawin ng Pilipinas para palakasin ang lokal na agrikultura at industriya. Kung magmumula ang Pilipinas doon, kailangan niyang gawin magtaas ng taripa at magbigay ng suporta sa lokal na agrikultura at industriya.
Sa ganoong pagkukumbina lang ng proteksiyon at suporta, mapapalakas ang lokal na ekonomiya, maging mas mura ang pagkain, magkaroon ng masiglang industriyang Pilipino, lumikha ng trabaho, teknolohiya, produktibidad, kita at iba pa.