Makulay na tradisyon ng Eid’l Fitr sa Pilipinas


Narito ang ilang tradisyon ng mga kapatid nating Pilipinong Muslim tuwing sasapit ang “kapistahan ng pagwawakas ng pag-aayuno.”

Papalapit na naman ang Eid’l Fitr. Para sa nakakarami sa Pilipinas, marahil isa lang itong regular holiday, isang araw na walang pasok sa trabaho at eskuwela. Subalit para sa mahigit 7 milyong Muslim nating kababayan, ito ang pinakabanal at pinakamasayang araw ng taon.

Matapos ang halos isang buwang taimtim na pag-aayuno, pagdarasal at sakripisyo sa buwan ng Ramadan, ang Eid’l Fitr ang nagsisilbing matamis na gantimpala para sa kanilang disiplina. Bagaman nakadepende sa kalikasan at siklo ng buwan ang pagtukoy sa eksaktong petsa nito, hinding-hindi nito matitibag ang diwa ng pagdiriwang.

Narito ang ilang tradisyon ng mga kapatid nating Pilipinong Muslim tuwing sasapit ang “kapistahan ng pagwawakas ng pag-aayuno.”

Nagsisimula ito sa pagmamasid sa langit sa ika-29 na araw ng Ramadan. Dahil lunar ang kalendaryong Islamiko, nakasalalay ang pagwawakas ng Ramadan sa paglitaw ng bagong buwan.

Sa Pilipinas, binabantayan ito ng iba’t ibang mga religious council tulad ng Bangsamoro Darul-Ifta’ at National Commission on Muslim Filipinos (NCMF). Kapag sumilip na ang manipis na hugis ng bagong buwan at nakumpirma ito, mabilis na ikinakalat ang masayang balita.

Ito ang dahilan kung bakit tila may hiwaga at pananabik sa paghihintay ng opisyal na holiday dahil ang tunay na selebrasyon ay nakadepende sa kalikasan at hindi sa nakalimbag na kalendaryo.

Bago sumapit ang oras ng dasal sa umaga, obligadong magsagawa ng ghusl o ritwal ng paglilinis ng katawan ang bawat Muslim. Bahagi ng tradisyon ang pagsusuot ng pinakamaganda at madalas ay bagong damit. Biglang nagiging makukulay ang mga kalye sa Kamaynilaan (tulad sa Quiapo, Maynila at Taguig City) at sa Mindanao.

Nagniningning ang mga kababaihan sa kanilang  magagarang hijab at abaya, habang pormal na pormal naman ang mga kalalakihan sa malilinis nilang thawb o mahabang damit na may mahabang manggas at abot hanggang paa. 

Sinasabing tila isang “met gala” ang Eid’l Fitr sa ganda ng mga bihis na sumisimbolo ng malalim na paggalang sa banal na araw.

Bago ang mismong panalangin ng Eid, tinitiyak ng bawat pamilya na nakapag-abot na sila ng zakat al-fitr. Isa itong magandang anyo ng kawanggawa kung saan namimigay  ng pagkain o pera para sa mga mahihirap.

Layunin nito na walang sinuman sa komunidad ang magugutom sa araw ng pista. Sa munting halagang ito, nangingibabaw ang pagkakapantay-pantay—na ang saya ng pista ay para sa lahat, mayaman man o mahirap.

Pinakamahalagang bahagi ng umaga ay ang pagtungo sa mosque o sa mga malalawak na espasyo para sa salat al-fitr. Sa Kamaynilaan, nagiging dagat ng mga deboto ang Rizal Park at Golden Mosque sa Maynila, Quezon Memorial Circle sa Quezon City at Blue Mosque sa Taguig City.

Libo-libong tao ang nakayuko sa lupa para sa isang maikling dasal at sermon o khutba sa pagitan ng alas-sais hanggang alas-siyete ng umaga. Umaalingawngaw ang mga paalala tungkol sa pasensiya, pag-ibig at pagpapanatili ng mga mabubuting gawi na natutuhan noong Ramadan.

Pagkatapos ng dasal, biglang sasabog ang saya sa komunidad na tahimik at taimtim. Masiglang nagbabatian ang mga tao ng “Eid mubarak! (Maligayang pista!)”

Panahon ito ng mahihigpit na yakap, at kadalasan, pagluha habang humihinging tawad sa mga nakaraang pagkakamali. Oras ito ng rekonsilyasyon, pagkakataong ibaon ang mga alitan sa pamilya at magsimulang muli nang may malinis ang kalooban.

Pag-uwi sa bahay, dito na magsisimula ang enggrandeng kainan. Literal na nakabukas ang mga pinto ng tahanan para sa mga kapitbahay, kamag-anak at maging sa mga hindi Muslim.

Tampok ang mga paboritong putahe na kinakasabikan ng lahat tulad ng Tiyula Itum, isang itim na beef soup mula sa mga Tausug na niluto sa sinunog na niyog; Piaparan, manok na niluto sa gata ng niyog at dilaw na luya na sikat sa mga Maranao; at Tinagtag, malutong at matamis na pagkain ng mga Maguindanao na gawa sa dinurog na malagkit na kanin at asukal.

Matapos ang isang buwan na walang pagkain at inumin mula madaling araw hanggang paglubog ng araw, ang bawat subo ng pagkain sa araw ng Eid ay itinuturing na biyayang siksik, liglig at umaapaw.

Lalong nagiging espesyal ang araw na ito para sa mga bata dahil sa pagbibigay ng hadiya o regalo. Namimigay ng mga malulutong na perang papel o kendi ang mga nakakatanda, nagtuturo sa mga bata na ang pista ay nangangahulugan din ng pagiging bukas-palad. Sa labas ng mga bahay, makikita ang mga bata na masayang naghahambing ng kanilang mga natanggap na regalo.

Inilalaan ang natitirang bahagi ng araw, na minsan ay umaabot pa ng tatlong araw, sa pagbisita sa mga mahal sa buhay. Nagtitipon ang mga pamilyang Muslim sa isang bahay upang magkuwentuhan at magsaya. Para sa mga nakatira sa malalayong lugar o sa Maynila, ito ang oras para tawagan ang mga pamilya sa probinsiya.

Hindi lang tungkol sa masasarap na pagkain o bakasyon sa trabaho ang Eid’l Fitr sa Pilipinas. Isa itong buhay na paalala ng ating napakayamang kultura, malalim na pananampalataya at tatag ng komunidad ng ng ating mga kapatid na Muslim. 

Sa pagkilala sa tradisyong ito, mas napalalalim natin ang respeto at pagkakaisa bilang mga Pilipino, anuman ang relihiyon.

Kaya sa susunod na makasalubong mo ang kapitbahay o katrabahong Muslim sa araw na ito, huwag mag-atubiling bumati ng “Eid Mubarak!”