Trahedya sa tambakan, huwag pagtakpan
Maraming umahon at nanligtas ng kapwa mangangalakal. Pero marami ang pinabayaan na. Inutusan pa raw ang mga trak na tabunan pa ng basura ang lugar kung saan marami pang naipit.
Alas dos pasado ng hapon noong Peb. 20, Biyernes, nang biglang gumuho ang bundok na basura sa loob ng Rizal Provincial Sanitary Landfill na kilala din bilang Green Leap Solid Waste Management, Inc. sa Rodriguez, Rizal.
No’ng oras na ‘yon, may isang libong nangangalakal ang nagtatrabaho sa site. Kuwento ni Jun, hindi niya tunay na pangalan, sa Pinoy Weekly, nalingat lang siya ng ilang saglit, at pagkalingon niya’y nangalahati na ang bilang nila. Naipit ang daan-daang kapwa mangangalakal at tatlong bulldozer sa pagguho ng bundok ng basura.
Agad niyang hinanap ang binata niyang anak. Matapos ang isang oras, natagpuan niya itong nakabaon hanggang leeg sa basura.
“Sunog ang likod at binti niya, dahil sa init ng basura. May mga kemikal na binubuhos doon e,” kuwento ni Jun sa Pinoy Weekly.
Maraming umahon at nanligtas ng kapwa mangangalakal. Pero marami ang pinabayaan na. Ayon sa mga eyewitness, inutusan pa raw ang mga trak na tabunan pa ng basura ang lugar kung saan marami pang naipit.
Kuwento ng ibang nangangalakal, hindi naman ngayon lang nangyari ang pagkakaipit ng kasamahan nila sa ilalim ng dumudulas na basura. Mas madalas na hindi na iniintindi ng manedsment ng landfill ang mga nadidisgrasya at nagpapatuloy na lang ng operasyon na para bang walang nangyari.

“Nasa libo kami,” paliwanag ni Jun nung nakaraang insidente. “Kaya hindi pa kumpirmado talaga kung ilang ‘yong nabaon. At hanggang ngayon, isa pa lang ang na-rescue.”
Kita sa video ng ilang netizen ang mismong pagguho. Bagama’t nagdeklara ang munisipyo ng Rodriguez na may tatlong kumpiramadong patay sa pagguho, ito raw ay dahil sa kakaunti pa lang ang nare-recover na bangkay. Paniwala ng mga saksi at maging mga progresibong grupo ng mga maralita, mahigit 50 pa ang nabaon at dapat bigyang kagyat na pansin.
Apat na araw matapos ang insidente, iniutos ng Department of Environment and Natural Resources ang suspensiyon ng operasyon sa anim na ektaryang landfill dahil daw sa “operational lapses” ng pasilidad. Kinumpirma rin ng mga awtoridad na may isang namatay at dalawang nawawala, habang tuloy-tuloy ang imbestigasyon.
Giit ni Mimi Doringo, secretary general ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), pinagtatakpan ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (ISWIMS), ang kumpanyang namamahala sa landfill, ang katotohanan.
“May gustong pagtakpan ang ISWIMS at iba pang awtoridad. Sinisingil namin ang kompanya at dapat inuuna niya ang proteksiyon sa mga nagtatrabaho roon,” ani Doringo.
Itinanggi naman ng ISWIMS na sinadya nilang tambakan ang iba pang nangangalakal. Bagkus itinigil daw ito agad at ngayo’y bukas sila sa kooperasyon sa mga opisyal na imbestigador.
Katulad din ng insidente sa Rizal ang Binali Landfill tragedy sa Cebu kung saan nasa 36 ang nasawi nitong Enero lang. At hindi pa rin siyempre nakakalimot ang mamamayan sa mahigit 200 na maralitang Pilipino na biktima ng Payatas tragedy noong taong 2000.
Para sa Kadamay, tila ba walang halaga ang buhay at katawan man lang ng pinakamahihirap sa ating bayan, na ultimo ang nagpupulot ng mga tinapong basura, tinatambakan na lang at ibinabaon pati sa limot.
Dagdag ni Doringo, “Marami ang tikom ang bibig dahil tinatakot ng mga foreman ng kompanya na magsalita tungkol sa nangyari.”
Mismong si Jun, takot magsalita dahil daw baka siya’y ma-ban sa landfill. Paano naman daw niya mapapagamot ang kanyang anak na sa ngayo’y hindi pa nga niya nadadala sa doktor para magpatingin dahil wala silang pambayad.

Gayunpaman, pinili nilang magtakip ng mukha at magbahagi pa rin sa publiko. “Natatakpan lang kasi hindi nalabas sa media kasi tinatakot kami. Kaya sa ngayon, dito na kami para maisawalat na katotohanan,” ani Jun.
Pinuna din ni Doringo ang pamahalaang lokal, na kagaya ng ISWIMS ay wala pang susing hakbang para sa rescue. Bagama’t ilang araw na ang lumipas, dapat umano’y maglunsad pa rin ng rescue operations sakaling may buhay pa sa naipit sa basura.
Para kay Doringo, mahirap pa raw magsalita nang tapos. Kung may posibilidad pang may kahit isang buhay sa gumuhong basura, dapat itong bigyang aksiyon.
Sinikap ng Pinoy Weekly, maging ang iba pang media outlet na kumuha ng pahayag at paglilinaw mula sa ISWIMS kaugnay ng umano’y kawalan ng aksiyon para mag-rescue ng mga natabunan na mga nangangalakal, pero tumangging magsalita ang kompanya.
Nasa 19 ektarya ang buong site ng landfill at tinatayang 30,000 na tonelada ng basura ang tinatanggap nito araw-araw mula sa 18 na magkakaibang siyudad, karamihan mula sa Metro Manila.
Bagama’t nakauniporme at rehistrado sa landfill ang mahigit 3,000 nangangalakal sa Rodriguez, hindi sila empleyado ng landfill. Sa katunayan, sila pa nga ang nagbabayad linggo-linggo ng P50 kada mangagalakal para lang makapasok at manguha ng plastic at bakal na dadalhin nila sa mga junkshop.
“Kulang na kulang na nga kinikita nila sa napakaselan na kabuhayan. Matindi rin ang epekto sa kalusugan at kabuhayan. Wala man silang mga maayos na gamit kagaya ng bota o guwantes para maghukay sa napakainit na basurang hinaluan na ng mga kemikal pampalambot,” ani Doringo.
Kuwento ni Jun, tila pangkaraniwan na itong bahagi ng kanilang hanapbuhay bilang mga nangangalakal sa landfill. Sa 14 taon niyang araw-araw na namamasukan dito, anim na beses na niyang nakitang nagkaroon ng ganitong aksidente. Pinakamatindi na itong huli.
Bandang alas sais nang gabi nitong Peb. 22, nanguna ang Kadamay at Bayan Muna Partylist sa paglulunsad ng isang candle lighting sa harapan ng gate ng landfill.
Panawagan nila, kaisa ng mga lokal, na huwag ipasara ang landfill kundi gawing priyoridad ang rescue at pagtitiyak ng kaligtasan ng mga nangangalakal.