Mangangalahig sa Rizal, nanganganib sa kabuhayan, pananakot ng militar
Mahigit isang buwan na hindi nakapagtrabaho ang mga residente bilang mga mangangalahig o mangangalakal dahil sa pagsara ng landfill sa Rodriguez, Rizal matapos gumuho noong Peb. 20.
Nagsagawa ng relief operations ang Samahang Operasyong Sagip (SOS) at iba pang mga civil society organization (CSO) noong Marso 15 sa mga komunidad na naapektuhan ng pagguho sa Rizal Provincial Sanitary Landfill sa Rodriguez, Rizal noong Peb. 20.
Dumadausdos ang kabuhayan ng mga residente ng Barangay San Isidro mula noong ipinagbawal sila ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (ISWIMS) na mangalahig sa tambakan ng basura tatlong araw matapos ng insidente. Ayon sa mga awtoridad, may tatlong kumpirmadong patay sa pagguho.
Mahigit isang buwan na hindi nakapagtrabaho ang mga residente bilang mga mangangalahig o mangangalakal dahil sa pagsara ng landfill. Lumala ang kanilang pag-inda dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin dulot ng pag-atake ng United States at Israel sa Iran.
“Nahihirapan talaga kami ngayon sa hanapbuhay dahil [sa landfill] sa lahat umaasa,” sabi ng asawa ng isang mangangalahig na si Sally, hindi niya totoong pangalan.
Bilang isang barangay health worker, hindi rin sapat ang P2,500 kada buwan niyang suweldo. “Maganda sana kung may matutunan kaming mga alternatibong paraan o ibang trabaho para hindi lahat ay iasa sa pangangalahig,” dagdag niya.
Bagaman ibinukas na muli ang landfill sa mga mangangalahig nitong Marso 24, nananatili ang mga peligrosong kondisyon nila sa trabaho.
Ayon kay Leslie Leydia ng Bagong Alyansang Makabayan Rizal, “Walang occupational health and safety standards para sa mga mangangalahig. Marami ring takot na mga mangangalahig dahil, sabi nila, kapag nanawagan sila para sa hustisya, lalong isasara ang landfill so mawawalan sila ng kabuhayan.”

Dagdag sa takot ng mga residente ang lumalaking presensya ng 80th Infantry Batallion of the Philippine Army (IBPA) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa mga maralitang komunidad sa Rodriguez.
Noong Marso 16, isang araw pagkatapos ng relief operations, nagbahay-bahay ang mga elemento ng 80th IBPA at NTF-Elcac ang ilang mangangalahig sa Barangay San Isidro at kinuwestiyon ang mga residente tungkol sa mga grupong nagorganisa ng aktibidad.
Ilang beses ding nagimbita ang militar para sa mga “awareness seminar,” namahagi ng mga anti-communist leaflet, at ipinagparangya ang isang tarpaulin na may mga litrato ng mga diumano’y miyembro ng New People’s Army (NPA).
Nitong Marso 29, pumasok ang anim na 6×6 truck ng militar sa Kasiglahan Village sa karatig na Barangay San Jose. Ayon sa ulat ng mga residente, nagpakalat ang mga sundalo ng black propaganda laban sa mga lokal na samahan ng maralita, ni-red-tag ang mga residente at isinisi sa kanila ang pagkamatay ng ilang kasapi nila sa isang engkwentro laban sa NPA.
Hindi bago ang ganitong pananakot sa Kasiglahan Village, na kumaharap sa matinding surveillance, harassment, at pamamaslang ng mga lider-maralita nito noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinundena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) Rizal ang paggapang ng 80th IBPA sa mga sitio at purok ng Rodriguez sa halip na magbigay ng ayuda sa mga residenteng apektado sa pagguho ng landfill.
Binanatan din nila si Eric Simogan, ahente ng NTF-Elcac, dahil sa pangunguna nito sa pagredtag ng mga CSO na naglunsad ng relief operation at tumulong sa pagpatambol ng panawagan ng mga mangangalahig na makabalik sa kanilang kabuhayan.
Nanawagan sila sa mga human rights organizations at sa lokal na pamahalaan ng Rodriguez para sa agarang suporta at pagtaguyod ng karapatang pantao ng mga maralita.