Hesukristo, Palestino | 5 banal na pook sa Palestine sa ilalim ng Zionistang okupasyon


Ngayong Semana Santa, alamin natin ang ilan sa mga banal na pook sa Palestine, sa gitna ng henosidyo, okupasyon at digmaan.

Mula kapanganakan sa Bethlehem, hanggang pagpako sa krus sa Jerusalem, marami sa mga mahahalagang lugar sa buhay ni Hesus ang matatagpuan pa rin sa Palestine.

Para sa mga Kristiyano, banal at sagrado ang mga lugar na ito. Ang mga pook na pinaniniwalaang saksi sa kapanganakan, pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus, itinuturing na buhay na simbolo ng pananampalataya. 

Pero ang mga lugar na karaniwang nababasa sa Bibliya, madalas ngayong nababanggit sa balita dahil sa nagpapatuloy na henosidyo ng Israel laban sa mga gaya ni Hesus na Palestino.

Apektado na rin ang pagsasabuhay ng pananampalatayang Kristiyano sa tumitinding karahasan at pananakop ng Zionistang estado sa mga teritoryo ng Palestine.

Ngayong Semana Santa, alamin natin ang ilan sa mga banal na pook sa Palestine, sa gitna ng henosidyo, okupasyon at digmaan.

Larawan mula sa seetheholyland.net

Tumatawid sa kahabaan ng lungsod ng Jerusalem, kabisera ng Palestine na kontrolado ng Israel, ang Via Dolorosa, na pinaniniwalaang ruta ng kalbaryo ni Hesus. Para sa mga Katoliko, ang paglalakad sa 14 na Daan ng Krus dito ay hindi lang rituwal kundi pakikiisa at pagsasabuhay sa paghihirap ni Kristo.

Tuwing Semana Santa, libo-libong deboto ang dumadayo at nagtitipon dito para magpenitensiya. Sa panahon ding ito, kapansin-pansin ang tambak na pulis at sundalo ng Israel. May mga checkpoint at limitasyon sa paggalaw. Naiulat rin ang mga kaso ng pangha-harass at pananakit ng mga Zionistang settler sa mga mananampalatayang Kristiyano.

Sa isang banda, patuloy ang debosyon. Sa kabilang banda, banta sa pananampalataya ang kontrol ng Israel.

Larawan mula sa seetheholyland.net

Isang UNESCO World Heritage Site at isa sa pinakamatandang simbahan sa mundo, itinayo ang Church of the Nativity sa pinaniniwalaang lugar ng kapanganakan ni Hesus at ng Kristiyanismo sa Bethlehem. Itinuturing itong isa sa pinakasagradong lugar para sa mga Kristiyano at dinarayo ng libo-libong deboto tuwing Kapaskuhan (Dis. 25 para sa mga Katoliko at Ene. 7 para sa mga Orthodox). 

Nasa okupadong teritoryo ng West Bank ang Bethlehem. Kinokordonan ito ng kongkretong pader at guwardiyado ng mga checkpoint ng Israel. Hindi laging garantisado ang pagdalo sa misa, kahit tuwing Pasko, lalo na para sa mga Kristiyanong Palestino. Kailangan nilang dumaan sa maraming inspeksiyon at kumuha ng permit, na kadalasa’y hindi rin ibinibigay.

Noong Disyembre 2025, muling idinaos sa simbahan ang tradisyonal na Pampaskong kapistahan, na ilang taong natigil mula nang ilunsad ng Israel ang giyerang henosidyo laban sa Palestine.

Larawan mula sa seetheholyland.net

Sa paanan ng Mount of Olives sa Silangang Jerusalem, matatagpuan ang Hardin ng Gethsemane. Nakatayo ngayon dito ang Church of All Nations na pinaglalagyan ng “Rock of Agony,” batong pinagdasalan ni Hesus bago siya arestuhin. 

Sa pananampalatayang Kristiyano, ang lugar na ito ay simbolo ng sakripisyo, pagsunod at pananampalataya sa gitna ng paghihirap.

Bukas sa mga namamanata ang hardin pero nakapailalim sa mahigpit na kontrol at presensiyang militar ng Israel. May mga ulat ng pananakot at pag-atake sa mga Kristiyanong institusyon sa lugar.

Larawan mula sa seetheholyland.net

Nasa Bundok ng Zion sa Jerusalem ang Cenacle o Upper Room. Sa silid na ito pinaniniwalaang naganap ang “Huling Hapunan” ni Hesus at kanyang mga apostol. Dito nagmula ang sakramento ng Eukaristiya ng mga Katoliko.

Matagal nang pinagtatalunan ang pamamahala sa Cenacle. Nasa ibaba kasi nito ang sinasabing libingan ni Haring David, at isa ring sagradong lugar para sa mga Hudyo. Dati itong nasa pamamahala ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng mga Franciscano mula ika-14 siglo hanggang 1552.

Nang maagaw ng Israel ang pamamahala sa lugar, ginawa itong gusali ng gobyerno, sa halip na lugar ng pagsamba. Nilimitahan ang mga aktibidad ng mga Kristiyano sa pana-panahong misa tuwing Huwebes Santo o pagdalaw ng Santo Papa.

Larawan mula sa Getty Images via Canva

Itinuturing na sentro ng pananampalatayang Kristiyano ang Church of the Holy Sepulchre. Dito ipinako sa krus, namatay, inilibing at muling nabuhay si Hesus. Nasa loob ng simbahan ang Golgotha at ang libingan ni Kristo.

Tuwing Semanta Santa, hinihigpitan ng Israel ang mga aktibidad at pagpasok ng mga deboto sa naturang Simbahan, at katabi nitong Al Aqsa Mosque, ikatlong pinakabanal na lugar sa Islam. Madalas ding maiulat ang karahasan laban sa mga Kristiyano, lalo na ng mga Palestinong Kristiyano sa paligid ng simbahan.

Kasabay ng pagsalakay sa Iran noong Peb. 28, tuluyang isinara ng Israel ang Church of the Holy Sepulchre at Via Dolorosa. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ipinagbawal ang mga aktibidad sa panahon ng Kuwaresma sa Jerusalem. Ipinagbawal din ang mga pagdiriwang ng Eid Al-Fitr ng mga Palestinong Muslim sa Al Aqsa.

Palestinong Kristiyano sa labas ng isinaradong Church of the Holy Sepulchre sa Jerusalem. Larawan mula sa National Catholic Reporter

Hindi na lang teritoryo at mga lupain ang inaagaw at kinokontrol ng Zionistang estado ng Israel, kundi pati buhay at pananampalataya ng mga Palestino. Tinatayang may mahigit 50,000 Kristiyano sa Palestine na kalakhan ay Greek Orthodox at Romano Katoliko, na pinakamatandang grupo ng mga Kristiyano sa mundo.

Mula 2024 hanggang 2025, nakapagtala ng mahigit 200 kaso ng karahasan laban sa mga Palestinong Kristiyano sa Jerusalem, karamihan naganap sa limang banal na pook na ito. 

Ang mga banal na lugar sa Palestine, hindi lang bahagi ng kasaysayan, kundi ng nagpapatuloy na paglaban ng mga Palestino para sa kalayaan. Para sa mga Palestinong Kristiyano, ang pananampalataya ay hindi hiwalay sa kanilang araw-araw na karanasan ng panggigipit, diskriminasyon at henosidyo sa ilalim ng Israel.

Bawat Kristiyano, nag-aasam na makapunta sa mga banal na pook sa Palestine. Pero sa ating pamamanata ngayong Semana Santa, ang mahalagang tanong ay hindi na lang kung saan naglakad si Hesus, kundi kung sino pa ang malayang maglakad sa lupang pinabanal ng kanyang presensiya.