Hinggil sa ‘Munich’
Nakatuon ang “Munich” sa Operation Bayonet, isang patagong serye ng asasinasyon na ipinatupad ng Mossad, ang intelligence agency ng Israel.
Nagkaroon ako ng pagkakataong mapanood ang “Munich” (2005) ni Steven Spielberg sa ika-50 anibersaryo ng Land Day, isang paggunita sa pakikibaka ng mga Palestino sa pangangamkam ng lupa ng Israel noong ika-30 ng Marso, 1976. Dahas ang itinugon ng mga puwersang Israeli sa pagmamartsa at protesta ng mga Palestino na nagresulta sa pagkamatay ng anim na sibilyang Palestino at pag-aresto sa daan-daan pa.
Nakatuon ang “Munich” sa Operation Bayonet, isang patagong serye ng asasinasyon na ipinatupad ng Mossad, ang intelligence agency ng Israel. Ang operasyon ay bilang tugon sa naganap na pagdukot at pagpatay ng armadong grupong Black September sa 11 atletang Israeli na kalahok sa 1972 Summer Olympics sa Munich.
Matingkad ang moral dilemma na sinusubukang suysuyin ng pelikula ni Spielberg na isinulat ni Tony Kushner, mandudulang tanyag sa obrang “Angels in America”. Kababakasan din ang “Munich” ng tensiyon sa pagitan ng pananaw ni Kushner, na kritikal sa Zionistang proyekto, at ni Spielberg, na may pagtangan sa liberal na Zionismo.
Pinili ni Spielberg na gamitin ang estruktura ng political thriller sa pagbabanghay ng pelikula. Dito, binaybay ang pagkilos ng grupo ng ahente ng Mossad sa pangunguna ni Avner (Eric Bana).
Nakapaloob sa katauhan ni Avner ang moral na dilemma na kaakibat ng atas sa grupo. Kaagapay ng pagsuong ng kanyang grupo sa pagpaslang sa mga lider ng mga militanteng organisasyong Palestino ay ang pagbuo ng kanyang pamilya.
Binagtas ng pelikula sa gayon ang unti-unting pag-uusisa ni Avner sa kanyang nilalahukang proyekto at sa malawakang dahas na pinaiiral ng bansang kanyang pinagsisilbihan.
Isang tagumpay ng pelikula na ilatag ang Operation Bayonet sa anino ng marahas na kasaysayan ng Zionistang karahasan sa Palestina. Bagama’t walang tuwirang reenactment ng kasaysayang ito, naihabi sa mga diskursibong diyalogo sa pelikula ang tadhanang Palestino.
Matingkad sa bahaging ito ang pagkakaugnay ng tahanan at tinubuang-lupa bilang sityo ng tunggalian sa pelikula. Ang paghihiganti ng Operation Bayonet at maging ang masaker sa mga atleta sa Munich ay kapwa bahagi ng marahas na kasaysayan ng pagkamkam ng lupa at malawakang ethnic cleansing na nagsilbing pundasyon ng estado ng Israel bilang “Jewish homeland.”
Isang tagumpay ng pelikula na ilatag ang Operation Bayonet sa anino ng marahas na kasaysayan ng Zionistang karahasan sa Palestina. Bagama’t walang tuwirang reenactment ng kasaysayang ito, naihabi sa mga diskursibong diyalogo sa pelikula ang tadhanang Palestino.
Mula sa mga café at apartment sa Italya at Pransya, nagkaroon ng palitan ang mga tauhan, kung paanong binomba ng Israel ang daan-daang refugee sa mga kampo sa Lebanon bilang tugon sa masaker sa Munich, kung paano umiiral ang diyalogo ng dahas sa pagitan ng mga Hudyo at Arabo. Lambong ng lagim ang tadhanang Palestino sa mga tauhang nasa maginhawang sulok ng Kanluraning mundo.
Marahil isa sa pinakanakaaantig na tagpo ay ang pag-uusap ni Avner at ni Ali, isang kasapi ng Palestine Liberation Organization. Dito, inilatag ng Palestino kung paanong ginagamit ng mga Zionista ang Holocaust guilt sa marahas na konsolidasyon ng Israel.
Sinubukang maliitin ni Avner ang sentimental na pagkakabigkis ng mga Palestino sa lupa. Itinanong niya sa kausap, “Do you really miss your Father’s olive trees? Do you honestly think you have to get back all that, that nothing, that chalky soil and stone huts? Is that what you really want for your children?”
“It absolutely is,” tugon ni Ali.
Sa tugong ito, inilakip ang sentimyento ng sambayanang tinuruang gumamit ng karahasan ng Israel. Kung may naituro sa atin ang mga kaganapan ng Oktubre 7, ang tahanang marahas na kinamkam ay marahas ding babawiin.