Pampagising sa gobyernong walang kibo
Lubog na ang kabuhayan ng mga pumapasadang jeepney drayber at iba pang manggagawa sa sektor ng transportasyon dahil sa krisis sa langis, ngunit nananatiling walang makabuluhang aksiyon ang gobyerno sa epekto ng giyera sa Kanlurang Asya sa mamamayang Pinoy.
“Pangulong Bongbong Marcos, sinuportahan kita noong eleksiyon 2022, pero ngayon binabawi ko na!” pahayag ni Glenford Rosales sa harapan ng mga nakatipon na mamamahayag at taumbayan sa Cubao, Quezon City nitong Marso 26.
Isa siya sa mga lider ng tipunan ng mga drayber ng Transport Network Vehicle Services (TNVS). Proud Ibanag, taga-Norte raw siya. Pinakita pa niya sa mga nakatipon ang lumang picture niya kasama ang pangulo.
Kaisahan ng paniningil
Nagkaisa ang mahigit isang dosenang grupo ng mga TNVS, rider at iba pang samahan sa transportasyon isang transport strike nitong Marso 26 hanggang 27 sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).
Nasa 87 na sentruhan ng tigil-pasada ang naitayo sa unang araw sa buong bansa at sa lahat ng mga mayor na siyudad, bago nagmartsa ang libo-libong manggagawa sa transport patungong Mendiola Street sa Maynila sa ikalawang araw.
Giit ng mga grupong nagsama-sama sa ilalim ng No to Oil Price Hike Coalition, nagdeklara man ng State of National Energy Emergency si Marcos Jr., wala pa ring ginagawa ang gobyerno para pigilan ang sumisirit na presyo ng langis.
“Emergency raw sabi ng pangulo, pero napakabagal niyang gumalaw at pinapabayaang magdusa ang mamamayan,” bira ni Mody Floranda, presidente ng Piston. “Sa oras na ito, pwede na siyang maglabas ng executive order para kontrolin ang presyo pero iniiwasan niyang gawin.”
Kuwento ni Rosales sa Pinoy Weekly, halos 70% ng arawang kita ang nawala sa mga TNVS driver. Masuwerte na raw ang makapag-uwi ng P500 sa 12 oras na biyahe. Para naman sa mga tsuper ng dyip, nasa P200 na lang ang naiuuwi, sangkatlo ng dating kinikita.
Para sa mga TNVS at iba pang mga transport worker, nagsimula sumidhi ang pagkamuhi nila sa gobyernong Marcos Jr. noong binawi ang dapat sana’y P1 fare hike para sa mga jeepney sa simula ng Marso 19.
Bagama’t sa mga ride-hailing app naman nakabatay ang kanilang kabuhayan, ayon kay Rosales, “‘Yon sana ang nagbigay sa amin ng kakapiranggot na pag-asa na makabangon din kami. Pero presyo pa rin ng gasolina ang itinaas.”
Pakiramdam ng lider na “parang susubuan ka sana ng masarap na pagkain, sabay babawiin.”
Hindi pinansin ng Malacañang ang pagkilos at pawang mga pangungutya ang pinaabot ng mga opisyal sa transport at pulisya dahil raw sagabal pa sa publiko ang tigil-pasada.
Pero bumuhos ang suporta sa welga mula sa mga komyuter at iba pang sektor. Hindi daw stranded ang mga komyuter dahil nasa mga strike center sila, sabi ng PARA Commuter’s Network.
Muli ring binuhay ang Community Pantry na inisyatiba ni Patreng Non sa iba’t ibang dako ng Metro Manila para makaalwan kahit papaano sa mga drayber at tsuper. Mga kapwa hirap sa krisis ang nagdadamayan.
Krisis lumalala, gobyerno tulala
Sa pagtatapos ng Marso, pumalo na sa P140 kada litro ang diesel habang nasa P107 ang gasolina. Pumapangalawa ang Pilipinas sa Singapore sa may pinakamahal na mga produktong petrolyo sa buong Timog Silangang Asya. Pero apat na beses naman na mas malaki ang basic pay sa Singapore kaysa sa Pilipinas.
Sa Pilipinas rin ang pinakamabilis ang pagsirit ng presyo ng langis na nasa 55% sa loob ng apat na linggo, ayon sa isang tala ng Global Petrol Prices sa kalagayan ng 150 na bansa. Pero sa diesel, halos doble o higit pa, dahil sa lingguhang pagtaas ng presyo.
Kung ikukumpara naman sa mga karatig bansa kagaya ng Malaysia, Indonesia, Thailand at Vietnam, mahigit doble ang ginagastos sa langis ng karaniwang Pilipino.
“Ordinaryong tao ang pumapasan ng krisis, samantalang tuloy-tuloy ang pagpapayaman ng mga oligarko,” bira ni Amihan Mabalay, tagapagsalita ng Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI Network).
Kamakailan, naitala ang makasaysayan na P15.6 bilyon na kinita ni Ramon Ang sa Petron para sa 2025. Tumataginting na P209.8 bilyon na ang net worth ng bilyonaryong dating kroni ng ama ni Marcos Jr.
Giit ng Ibon Foundation, dapat magkaroon na ng wealth tax ang mga may labis-labis na yaman kagaya ni Ang. Kung bubuwisan si Ang, ayon sa Ibon, may dagdag P12.4 bilyon na pondo ang gobyerno para sa mamamayan at may matitira pang P197 bilyon si Ang.
“Matagal na naming sinasabi ito, nung pandemic pa, na dapat buwisan ang mga bilyonaryo,” paliwanag ni Ibon Foundation executive director Sonny Africa. “Kahit ang maliit na tax sa kanila, makakalikom ng nasa P500 [bilyon] hanggang P600 bilyon sa revenue.”
May anim na panawagan ang No Oil Price Hike Coalition: kontrolin ang presyo ng langis; i-rollback sa P55 kada litro; tanggalin ang excise tax at value-added tax sa langis; ipatupad ang fare hike at dagdag-sahod; isabansa ang industriya ng langis; at itigil na ang pag-atake ng United States at Israel sa Iran.
Pero ni isa sa mga ito’y ‘di binibigyang pansin ng gobyerno. Nakatutok lang ang administrasyon at Department of Energy sa pagkuha ng suplay ng langis. Ayon sa ilang eksperto, lalong mahihirapan ang publiko kung pag-aangkat lang ng langis ang iintindihin ng pamahalaan.
Ayon kay Emmanuel Leyco sa isang panayam sa Al Jazeera, chief economist sa Credit Rating and Investors Services Philippines at Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), habang abala paghahanap sa suplay ng langis si Marcos Jr, “damang-dama ng mamamayan ang kumakalam na sikmura dahil sa di mapigilang pagsirit ng presyo.”
Hindi lang pandaigdigang krisis sa langis ang dahilan kung bakit mas matindi ang pagsirit ng presyo sa Pilipinas.
Ayon sa Ibon, pinapalala ito ng kombinasyon ng mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at pagbagsak ng halaga ng piso na lumampas na sa P60 kada dolyar.
Dahil lubos na nakaasa ang bansa sa inaangkat na langis, bawat paghina ng piso ay direktang nagpapamahal sa krudo at sa mga produktong umaasa rito.
Dagdag pa rito ang epekto ng mga buwis sa langis. Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, may ipinapataw na excise tax na umaabot sa P10 kada litro sa gasolina at P6 kada litro sa diesel.
Sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike, nagiging dagdag pasanin ito sa mga tsuper at mamamayan. Ayon kay Leyco, bagaman mas malaki ang konsumo ng mayayaman, ang krudo na ginagamit ng mahihirap ay direktang nakatali sa kanilang kabuhayan, tulad ng sa jeepney at tricycle na ipinampapasada.
Samantala, nanatiling kontrolado ang presyo sa mga bansang tulad ng Indonesia at Thailand dahil sa mas aktibong subsidyo at regulasyon ng kanilang mga pamahalaan.
Sa Pilipinas, dahil sa deregulasyon ng industriya nananatiling hawak ng malalaking kompanya ng langis ang presyo habang limitado sa pagmamanman ang papel ng gobyerno.
Sa halip, umaasa ang pamahalaan sa tinatawag nitong “direct assistance” tulad ng subsidyo at ayuda sa piling sektor. Ngunit para sa maraming drayber, na may libo-libong hindi naisama sa mga listahan ng ayuda, panakip-butas lang ito sa patuloy na pagkalugi. Habang linggo-linggong tumataas ang presyo ng diesel, mabilis ding nauubos ang anumang tulong na ibinibigay ng gobyerno.
Sa huli, malinaw na hindi tinutugunan ng kasalukuyang mga hakbang ang ugat ng krisis. Habang nakatuon ang pamahalaan sa pagtiyak ng suplay at pagpapanatili ng operasyon ng merkado, patuloy namang pasan ng mga tsuper at karaniwang Pilipino ang bigat ng krisis at tumitinding gastos sa araw-araw na pamumuhay.