Main Story

Tahimik na sa dagat, sakahan at palengke 


Ano pa ang kakainin ng mga Pilipino kapag hindi na kayang pasanin ng mga magsasaka, mangingisda at manininda ang krisis sa langis?

Sa Bacoor City, Cavite, higit isang buwan nang hindi pumapalaot si Bong Binosa. Malulugi siya kapag nangisda dahil sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo kaya paminsa’y naghahakot na lang siya ng basura sa barangay para may maipangkain.

Marami pang ibang mangingisda sa lugar nila ang pansamantala na ring tumigil. Talo kasi sila sa gastos sa diesel na puwedeng pumalo ng P1,500 kada palaot. Kaya kahit pa pangingisda na ang kinagisnan nilang kabuhayan, kailangan nilang huminto.

“Kapos, nahuhuli at pinipili lang ang napupuntahan ng pinangakong fuel subsidy ng gobyerno,” sabi ni Binosa na bise presidente rin ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas)-Cavite.

Nanawagan si Bong Binasa na tanggalin na ang buwis sa langis. Larawan mula sa Pamalakaya Pilipinas

Sa pagdinig sa Senado noong Abril 7, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Field Operations Service Director Lorna Calda na ang badyet ng DA para sa fuel subsidy ay nasa P100 milyon na maipapamahagi sa 14,400 magsasaka na makakakuha ng P5,000 at may 15,669 mangingisda naman ang makakakuha ng P3,000.

May 2.6 milyong rehistradong mangingisda sa mga dagat munisipal sa Pilipinas, ayon sa 2024 Philippine Fisheries Profile ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Ano ito DA-BFAR, pa-raffle at pasuwerte-suwerte na lang?” ayon sa Pamalakaya Pilipinas-Panay.

“Kung tutuusin, ang katiting na one-time, big-time na P3,000 sa subsidyo ay aabot lamang ng isang buwan, average limang litro sa isang linggo o 20 litro kada buwan, para sa isang mangingisda kung ikukumpara ang presyong P55 kada litro noon, sa halos P150 kada litro ngayon,” dagdag ng grupo.

Pumapatong itong kapos na tugon ng gobyerno sa dekada nang kapabayaan ng mga nasa poder. Nitong Pebrero, isinapubliko ng organisasyong Oceana ang pag-aaral na nagpapakita na kumikita lang ng nasa “P2,500 hanggang P7,000 kada buwan” ang mga mangingisda. Noong 2023, sa kanilang tala, may higit 353,000 pamilya ng mga mangingisda ang sadlak sa kahirapan.

“Ito ay national food security emergency,” sabi ni Von Hernandez, vice president ng Oceana. “Mangingisda ang naglalagay ng pagkain sa ating mga lamesa, pero sila ang nagugutom at naghihikahos.”

Bukod sa pagod, utang ang isa pa sa mga naiuuwi ng mga mangingisda at magsasaka. 

“Pataas na nang pataas ang mga bilihin at puhunan sa bukid. Ang natitira lang sa isang magsasaka ay utang, lalo na po kapag dumadaan ang kalamidad,” sabi ni Divina Velasco sa panayam ng Umani Productions nitong Marso. Nagmahal pa ang presyo ng maraming bilihin mula noon.

Ang benta niya sa huling ani, nasa P10 kada kilo lang ng sariwang palay at P15 kada kilo ng tuyo. Kapos ito sa puhunan na P40,000 kaya kailangan ulit mangutang.

Nilista ni Velasco ang patong-patong na gastos para sa farm inputs. “Gasolina, puhunan sa bukid, abono, guano, gamot, araro tsaka suyod. Talaga po kasi mga ‘yon ang ginagamitan ng krudo.”

Inaangkat ng Pilipinas ang kalakhan ng materyales para sa abono at nitrogen-based na mga urea fertilizer ang gamit ng kalakhan sa mga magsasaka. Nitong pagpasok pa lang ng Marso, nadagdagan na ng P500 kada 50 kilo ang presyo ng isang bag ng pataba

Dahil sa giyera ng United States at Israel sa Iran at ang kalaunang pagsara ng Strait of Hormuz, apektado ang suplay mula sa mga fertilizer plant sa West Asia. Madaragdangan ng 45 milyong tao sa buong mundo ang mahahatak sa kawalan ng seguridad sa pagkain kung hindi matatapos ang giyera sa Hunyo, sabi ng World Food Programme.

“Tumataas ang gastos sa langis at abono. Dahil dito, napipilitan ang maliliit na magsasaka na hindi na magdilig, magbawas ng tanim o tuluyang malugi,” sabi ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) secretary general Ronni Manalo sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture nitong Abril 8.

Screengrab mula sa panayam ng Umani Productions

Ibinahagi rin ni KMP chairperson emeritus Rafael Mariano sa House of Representatives ang reyalidad ng patubig sa Pilipinas. Aniya, aabot sa P75 litro ng diesel kada ektarya ang kailangan para mapaandar ang mga water pump, hand tractor, at harvester sa produksiyon ng palay. Dito pa lang, mauubos na ang subsidyo na P5,000, kung pinalad na mapabilang sa ilang libong magsasaka lang na makatatanggap ng ayuda.

Kaya hindi nakakagulat, bagaman nakakapanlumo, na may mga magsasakang iniiwan sa sakahan para mabulok ang aanihin sana na mga pananim.

“Kapag inani namin, lalaki lang ang pagkalugi dahil sa labor, transportasyon at gastos sa packing. Wala na kaming kinikita. Kaya nagdesisyon na kaming hindi na lang mag-harvest,” sabi ni Romeo Wagayan mula Benguet sa panayam ng Reuters.

Para sa mga pananim na inani na, hirap rin silang maibyahe ito pababa. Mababa ang bili sa mga magsasaka at talo pa sila sa gastos sa langis para sa mahabang byahe.

“Wala kaming magawa,” sabi ni Wagayan.

Kaya naman paulit-ulit ang panawagan ng mga tanggol-magsasaka at iba pang kilusan na kontrolin na ang presyo at tanggalin ang buwis.

“Dapat kontrolin ang presyo ng langis, abono, at iba pang agricultural inputs. Alisin ang excise tax at VAT (value-added tax) sa produktong petrolyo at magpatupad ng price ceiling kung kinakailangan,” sabi ng KMP.

At bukod sa tingi-tinging subsidyo, nanawagan rin sila para “tiyakin ang sapat na patubig, binhi, abono at iba pang suporta. Bilhin ang palay sa presyong mas mataas sa P20 kada kilo.”

Hindi na nakakayanan ng mga mangingisda ang pumalaot at katakot-takot na ang gastos kaya hindi na makapag-ani ang mga magsasaka. Paano pa makakarating sa mga pamilihan ang produktong Pilipino?

Halos 24 oras nang bukas ang tindahan ni Aling Boninay sa Commonwealth Market para maghabol ng kita at makabawi man lang sa pambayad ng pwesto. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Sa panibagong puwesto ng mga gulayan sa Commonwealth Market sa Quezon City ibinahagi ni Aling Boninay ang agarang epekto ng taas-presyo ng mga produktong petrolyo sa mga katulad niyang tindera sa palengke.

Kababalik niya lang sa pagtitinda matapos ang 10 taon bilang overseas Filipino worker (OFW) sa United Arab Emirates. Kuwento niya, umuwi siya dahil sa giyera ng US at Israel sa Iran at muling nagsimula sa maliit na puhunan para maitawid ang pang-araw-araw. Ramdam daw agad sa palengke ang epekto ng giyera.

Napilitan na rin siyang magtaas ng presyo ng paninda. Sa pagtatapos ng Marso, ang kamatis mula P12 hanggang P15 kada kilo ay P24 na; ang sibuyas mula P40 ay naging P60; at ang kalamansi mula P70 ay umabot sa P90.

Kasabay nito, kumonti ang bilang ng kanilang mga mamimili. Mula sa dating humigit-kumulang 30 mamimili kada araw, nasa 12 hanggang 15 na lang ang bumibili ngayon.

“Tumumal talaga. Halos wala nang bumibili,” ani Boninay.

Hindi lang lumiit ang kita, lalo ring lumalaki ang lugi. Kapag hindi naibenta ang gulay, nabubulok ito at napipilitan silang ibenta na lang sa mas murang halaga kinabukasan.

Hindi lang sa gulayan nararamdaman ang epekto. Ayon kay Aling Mabel, tindera ng baboy, lumiit din ang kinukuha ng kanilang mga suki.

“Dati umaabot sa 10 kilo ang binibili, ngayon ay madalas tatlo hanggang anim na kilo na lang,” ani Aling Mabel.

Kadalasang bumibili sa kanila ang mga nagtitinda ng barbecue at may karinderya, mga negosyong apektado rin ng pagtaas ng presyo. Mismong ang DA, nangangamba na umabot sa P500 kada kilo ng karneng baboy.

Mga lumang gulay mula sa paninda ni Aling Boninay. Aniya, binebenta pa rin niya ito sa "bargain" na halaga para hindi masayang. Joanna Robles/Pinoy Weekly
Mga lumang gulay mula sa paninda ni Aling Boninay. Aniya, binebenta pa rin niya ito sa “bargain” na halaga para hindi masayang. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Ganito rin ang sitwasyon sa bentahan ng manok. Ayon kay Aling Evangeline, 15 taon nang nagtitinda, bumaba ang dami ng kanilang benta. Mula sa dating 300 manok kada araw, nasa 200 na lang ang naibebenta at kung minsan ay hindi pa nauubos. Umaabot sa 450 piraso ang binibili niya kada araw, kaya napipilitan na lang siyang iyelo ang mga hindi naibebenta.

Daing rin ni Aling Evangeline, ang pagtaas ng presyo ng iba pang gastusin tulad ng plastik. Mula P400, umaabot na raw ito sa P550. Kung dati ay nakakabili siya ng tatlong balot ng plastik sa halagang P500, ngayon ay dalawa na lang ang kanyang nabibili. Sa panayam sa Pinoy Weekly noong panimula ng Abril, tumaas din ang presyo ng manok mula P140 kada kilo naging P160 hanggang P165.

Sa gitna ng ganitong kalagayan at tumitinding krisis, hindi maiwasan ng mga tindera na magtaas ng presyo.

Hindi lang sa mga tindera nararamdaman ang bigat ng pagtaas ng presyo pati sa loob ng mga tahanan ay ramdam ang krisis.

Si Ate Cherry, isang magulang at online seller na nakikitinda rin minsan sa palengke, ang nagbahagi ng kanyang karanasan. May tatlo siyang anak, kabilang ang isang senior high school student, habang ang kanyang asawa ay isang security guard na kumikita ng humigit-kumulang P955 kada araw. 

“Ayon talaga ‘yong mahirap, ‘yong pagtaas [ng mga presyo] ngayon,” aniya. “Kasabay nito ‘yong pagtaas [ng presyo] ng bilihin sa palengke, lalo na ‘yong basic needs.”

Aniya, ang presyo ng bigas na dati’y nasa P40 kada kilo ay umaabot na ngayon sa P54 hanggang P55 para sa mas mababang kalidad. “‘Yong dati P50 per kilo, masarap na siya. Ngayon parang old stock na, mabuhaghag.”

Malaki rin ang itinaas ng LPG, mula P900, umaabot na raw sa P1,500. Dagdag pa rito ang gastusin sa pamasahe, pagkain at araw-araw na pangangailangan ng kanyang mga anak.

“Kung lahat ‘yon sabay-sabay na magtaas at ‘yong sahod ng asawa ko nasa P955 lang, hindi na siya sumasapat sa gastusin,” ani niya. “May high school at senior high [kami], ‘yung pamasahe at everyday na basic needs nila, problema mo ‘yon.”

Bukod pa rito, pinapasan din nila ang ng upa sa bahay, pati na ang pagtaas ng singil sa kuryente at tubig.

Sabi niya, “malaki ang epekto sa akin bilang nanay. Parang halos lahat tayo apektado dahil sa giyera.”