Buhay na umiikot sa buhay
Nagsisilbing lunas sa matinding krisis ang daan-daang taong pamamaraan ng malalim na pag-ugat sa lupa.
Sentro sa Gulay Pa More Sagada Ikaduwa (Ikalawa) mula Hunyo 12 hanggang 14 ang pagkatuto, pagprotekta sa katutubong kasaganahan at pagtaguyod ng agroecological practices. Tinutugunan ng pagtitipong ito ang matinding hamon ng nagbabagong klima at pinapalakas ang food sovereignity ng mga komunidad.
Nagsimula ang malapistang pagtitipon noong 2024, bilang unang pagdiriwang sa bansa na nagbibigay-pugay sa mga katutubong pananim. Namayagpag ang diwa nito sa mga komunidad sa tulong ng mga lokal na grupo at organisasyon.

Sa harap ng mga delegado sa ilalim ng toldang napapalamutian ng mga banderitas, sinabi ni Celine Murillo, isang biodiversity advocate at “green-fluencer,” na “buhay ang kultura, kalupaan at pagkain” sa Sagada. Nagsama-sama sa pagtitipon ang mga magsasaka, kabataan, artisano at environmentalist upang magbahaginan ng mga karanasan hinggil sa sistema ng pagkain at kalikasan.

Parte ng pagdiriwang ang pagdayo ng mga delegado sa market day ng Sagada tuwing Sabado. Dito, namili ng mga sariwang prutas at gulay tulad ng mangga at saging. Sa loob naman ng kampuhan, naglatag ang mga delegado ng isang “honesty market” tampok ang mga likhang-kamay, mga sulatin at iba pang lokal na produkto tulad ng muscovado sugar.

Umakyat sa mga bundok at kagubatan ng Madongo sa hilagang Sagada ang mga kalahok bilang bahagi ng gawain. Nakapag-trail walk ang mga dumalo upang mamitas ng mga ligaw na kabute at matuto ng tradisyonal na pamamaraan ng preparasyon ng kape.

Ipinapasa ni Marco Lobregat, co-author ng librong “The Mushroom Explorer’s Guide to the Cordilleras”, sa mga delegado ang mga wild mushroom na kanilang nakuha mula sa kagubatan para suriin.

Bumuo ng mga pangkat ang mga kalahok para sama-samang mamalengke, mamitas ng kabute at makapagluto ng mga putahe gamit ang mga naani para sa kanilang cultural jam at hapunan sa komunidad.

Maingat na sinusuri ni Grail Bomowey, 56, isang lokal na magsasaka at tour guide, ang mga pananim sa kanyang masaganang hardin. Mayroon siyang mahigit 150 klase ng pananim na inaalagaan nang walang anumang sintetikong abono o kemikal.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-alam sa elevation at uri ng lupa upang maprotektahan ang mga halaman mula sa matinding init na dala ng global warming. Pinatunayan niyang posibleng magkaroon ng masaganang kabuhayan kahit minimal ang input sa pagtatanim.

Ibinida ng isa sa mga kalahok, suot ang kuwintas na may tatak na “GPM,” ang mga bagong pitas na maliliit na kamatis at dahon mula sa kanyang organikong taniman. Ligtas kainin nang hilaw ang kanyang mga inaning gulay tulad ng sweet peas at asparagus.
Nagsisilbing lunas sa matinding krisis ang daan-daang taong pamamaraan ng malalim na pag-ugat sa lupa. Hindi basta-basta mabubunot ng makasarili at mapanakop na puwersa ang ganitong mga katutubong kaalaman.
Ipinapaalala ng Gulay Pa More na hindi lang alaala o tanda ng nakaraan ang mga ganitong praktika, kundi epektibong sagot sa kasalukuyan.
Sumasalamin ang diwa ng gawaing ito sa malalim na pagninilay ni Vince Lorbis, isa sa mga kalahok sa tatlong araw na pagtitipon, “Dati akala ko ang buhay ay umiikot lang sa pera. Posible pala ang buhay na umiikot sa buhay.”