Anim na taon ng Rice Liberalization Law, palpak


Sa tala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, tumaas ang import dependency ng bansa mula 14% nung 2018 patungkong 23% sa 2022. Dahil sa naturang batas, isa sa tatlong Pilipino ang nakaranas ng kagutuman noong 2024.

Sa Araw ng mga Puso at ikaanim na taon ng pagsasabatas ng Republic Act 11203, mas kilala bilang Rice Tariffication Law o Rice Liberalization Law, nagprotesta ang mga magsasaka sa Department of Agriculture (DA) sa Quezon City dahil sa kawalan ng nararapat na tugon sa suliranin sa bigas.

Binatikos nila ang ahensiya at tinuya bilang “Department of Importation” dahil sa pagpapahintulot ng batas sa malimit na pag-aangkat ng bigas sa halip na suportahan ang lokal na pagsasaka.

“Palpak” anila ang batas at panawagan nilang ibasura na ito at bigyan ng makabuluhang suporta sa lokal na agrikultura.

“Inuuna pa ng gobyerno ang tubo ng mga pribadong trader at importer kaysa tiyakin ang pagkain at kapakanan ng magsasakang Pilipino. Lalong lumala ang gutom at pagkalugmok dahil sa rice liberalization,” batikos ni Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan National Federation of Peasant Women at ikalawang nominado ng Gabriela Women’s Party.

Sa tala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, tumaas ang import dependency ng bansa mula 14% nung 2018 patungkong 23% sa 2022. At dahil sa naturang batas, isa sa tatlong Pilipino ang nakaranas ng kagutuman noong 2024.

Nitong buwan lang nagdeklara ang DA ng “food security emergency” para umano makontrol ang presyo ng bigas sa pamilihan.

“Nag-announce tayo ng food emergency last week, [at] sa ngayon ay marami nang [pamahalaang lokal ang] nag-signify ng intent. Lumalabas kasi sa procedure, may documentation na kailangan na gawin,” ani DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Ayon kay Laurel, mahigit 50 na pamahalaang lokal ang nagsabing nangangailangan sila ng karagdagang suplay ng bigas.

Dahil sa utos ng ahensiya, makakapagbenta ang National Food Authority (NFA) ng stock ng bigas sa mga pamahalaang lokal at iba pang ahensiya mula sa mga warehouse nito.

Hirit ng mga grupo ng magbubukid, ito ang dati nang pinapagawa sa NFA, bakit ngayon lang ito ipinatutupad.

Duda naman si Bayan Muna Partylist second nominee Ferdinand Gaite kung nakakatulong nga ba ito o tila panakip butas lang sa problema sa presyo ng bigas. Baka naman katuwiran lang aniya ito para sa higit pang importasyon.

Kung talagang nasa tamang direksyon ang patakaran sa agrikultura tungo sa P20 kada kilo ng bigas, bakit biglang kailangang magdeklara ng emergency, tanong ni Gaite.

“Hindi solusyon ang emergency powers. Ang solusyon ay pagpapalakas sa lokal na agrikultura at proteksiyon sa magsasaka,” ani Gaite.