Magsasaka

Tunay na reporma sa lupa, susi sa seguridad sa pagkain

Matagal nang panawagan ng mga magsasaka ang tunay na reporma sa lupa at pagpapaunlad ng lokal na produksiyon para sa sapat at murang suplay ng pagkain ang mga Pilipino, pero kinakamkam pa ang kanilang mga lupang sakahan.

Protesta ng mga magsasaka nitong Mar. 24, 2025 sa Department of Agriculture sa Quezon City para igiit ang mga karapatan ng mga magbubukid sa sariling lupang sakahan at suporta sa lokal na produksiyon. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Sariling lupa ang pangarap ng bawat magsasaka—isang hiling na maaari nilang pagyamanin, pagtaniman, at gawing pamana sa susunod na henerasyon. Sa bawat butil ng pawis na pumapatak sa lupa, may dalang pag-asang balang araw hindi na sila luluhod at magmamakaawa sa mga panginoong maylupa. 

Ngunit sa kasalukuyang sistema, nananatiling mailap ang kanilang simpleng pangarap, dahilan upang patuloy silang lumaban para sa isang tunay at makatarungang reporma sa lupa.

“Ito, sa mga lolo ko pa ito. Pang apat na generation na ako,” ani Jose Bernardino, mas kilalang “Ka Popoy” sa Brgy. Krus na Ligas sa Quezon City. Ikinuwento niya kung paano sila takutin at palayasin ng administrasyon ng University of the Philippines (UP) sa lupang matagal na nilang sinasaka.

Si Jose “Ka Popoy” Bernardino, isang magsasaka sa Brgy. Krus na Ligas, Quezon City. Kyla Gerodias/Pinoy Weekly

Balak pa raw ng UP na tayuan ng bike lane malapit sa sakahan kung saan ilang bahagi ng lupang sinasakahan nila ang maapektuhan. 

“Sabi ko tututulan namin. Isang [panggigipit] na naman sa ‘min ‘yan, liliit ‘yong [sakahan] namin. Para talagang kinukulong kami,” sambit ni Ka Popoy. 

Dagdag pa niya, “Na isyuhan na kami ng Notice of Coverage noong 2006, ang kasunod na non Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na e. Pero bakit hindi na maibigay sa amin?” 

Sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) o Republic Act 6657, ang Notice of Coverage ang unang hakbang sa pagsasailalim ng isang lupang agrikultural sa reporma sa lupa. Saklaw nito ang pantay na distribusyon sa lahat ng uri ng lupang agrikultural. Sinasabi rin ng batas na may karapatan ang lahat ng magsasaka na magkaroon ng sariling lupa.

Tunay na reporma sa lupa pa rin ang patuloy na ipinapanawagan ng mga magsasakang nagbubungkal ng lupa sa bansa. Hanggang ngayon, iilang panginoong maylupa at malalaking multinasyonal na korporasyon pa rin ang kumokontrol sa ekta-ektaryang lupain na dapat naipamahagi na sa mga magsasaka.

Ilang administrasyon na ang nagdaan at nangako ngunit napako lahat ng ito. Kinakamkam pa rin ang mga lupang sinasaka at pinagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka.

Hindi tumitigil ang land use conversion sa mga kanayunan partikular sa Gitnang Luzon. Inaagaw ang kanilang mga lupain upang mas palawakin ang mga daan at pagtayuan ng malalaking negosyo.

Dahil sa pagpabor ng pamahalaan sa mga malalaking korporasyon, lumiliit ang lupang agrikultural at pinapatay nito sektor ng agrikultura. Dahil dito, humihina ang lokal na produksiyon at patuloy na naghihirap ang mga magsasakang pagtatanim ang pangunahing hanapbuhay.

Ayon sa kasalukuyang datos na inalisa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) mula sa Census on Agriculture and Fisheries (CAF), tinatayang 82,269 na ektarya ang nabawas sa mga sakahan sa Gitnang Luzon noong 2012 hanggang 2022, mula 446,126 na ektarya tungo sa 363,906.

Si Amihan secretary general at Gabriela Women’s Party second nominee Cathy Estavillo sa protesta ng mga magsasaka ng Gitnang Luzon sa Department of Agriculture sa Quezon City nitong Mar. 24, 2025. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Hindi na lang simpleng kawalan ng lupa [ang problema] kundi ang tumitinding land use conversion at land grabbing dulot ng polisiya ng mga nagdaang gobyerno, higit lalo ng gobyernong Marcos [Jr.], ‘yong Build Better More na talagang very rampant nationwide lalo sa karatig ng Maynila,” ani Cathy Estavillo, isang magsasaka at ikalawang nominado ng Gabriela Women’s Party.

Pinangangalandakan ng adimistrasyong Marcos Jr. na matagumpay ang pagpapamahagi ng lupa sa mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at New Agrarian Emancipation Act (NAEA).

Para sa KMP at marami pang grupo ng magsasaka, mapanlinlang ang mga batas at programang ito upang masabi na mayroon silang ginagawa upang tugunan ang kanilang mga problema.

Mahalaga ang gampanin ng tunay na reporma sa lupa para sa seguridad sa pagkain ng basna. Ngunit taliwas ang solusyon ng gobyerno para sa “Food Security Emergency” na ideneklara ng Department of Agriculture (DA).

“Napakalaki nung koneksiyon ng usapin ng food security do’n sa kawalan ng lupa ng ating mga magsasaka,” saad ni Estavillo.  

Malaking kabalintunuan ang pahayag ng DA sa solusyon sa problema ng seguridad sa pagkain, dahil importasyon ang nakikita nilang solusyon dito. 

Malinaw na makikita ang epekto nito sa produksiyon at presyo ng pagkain. Kung walang sariling lupa ang mga magsasaka, mahihirapan silang pagyamanin ang lupang agrikultural at tuloy-tuloy na tamnan ang lupang sakahan para sa pagkain ng mamamayan. 

Ani ni Estavillo, “Sa tagal na nating nag-i-import, nakita natin na hindi ito ‘yong solusyon, para mapababa yung presyo ng bigas. Higit sa lahat hindi ito ‘yong solusyon para sa attainment ng ating kasiguraduhan sa pagkain.”

Paliwanag ni Estavillo, dapat gobyerno ang bumili ng palay, kamatis, sibuyas at mga gulay sa presyong hindi malulugi ang mga magsasaka para matiyak na hindi sinasamantala at pinagkakakitaan ng mga pribadong sektor ang mga produkto nito. 

Kilala sa tawag na “Krunali Farm” ang kapirasong palayan sa Brgy. Krus na Ligas, Quezon City, ang isa sa mga natitirang lupang agrikultural sa Kamaynilaan. Kyla Gerodias/Pinoy Weekly

Isang epekto ng importasyon dito ang presyo ng kamatis noong Disyembre na umabot sa P250 kada kilo dahil umano sa mataas na demand at kulang na suplay.

Gayunpaman, kamakailan lang nang biglang bumagsak ang presyo nito sa P15 hanggang P20 kada kilo dahil sa sobra-sobrang ani. Labis itong nakaapekto sa mga magsasaka dahil sa matinding pagbaba ng presyo at ngayo’y hirap maibenta sa mas mataas na halaga.

Maraming nagtataka kung paano nagkaroon ng ganitong kalaking agwat sa presyo sa loob lang ng ilang buwan na nagpapakita ng pabago-bagong kalagayan ng pamilihan ng gulay sa bansa. 

Kung ang mga pribadong sektor ang magtatakda ng presyo para sa mga magsasaka, mananatiling mababa ang kikitain ng mga magsasaka at papatungan naman ng mataas na halaga ng mga trader.

Sa ganitong kalakaran, higit na tataas ang presyo ng pagkain sa merkado at sa importasyon lang iikot ang solusyon ng pamahalaan para tugunan ang lumiliit na ani ng lokal na agrikultura na nagdudulot ng matinding pagkalugi ng mga magsasaka.

Ang panawagan ng mga magsasaka na bigyan ng priyoridad ang lokal na produksiyon upang matiyak ang food security ng bansa. Hindi maaaring umasa sa importasyon dahil ang presyo nito’y nakadepende sa pandaigdigang merkado. 

“Kailan man hindi tayo makakaasa sa importasyon dahil ang nagtatakda sa presyo ng importasyon ay ‘yong world market at kasabay n’yan, paano kung wala ng bansa na puwede tayong makapag-import, e ‘di gutom na ‘yong aabutin ng mga mamamayang Pilipino,” babala ni Estavillo.

Patuloy ang mga pangako ng lahat ng nagdaang administrasyon ngunit hindi pa rin nakakamit ang tunay na reporma sa lupa tungo sa seguridad sa pagkain.

Matagal na itong ipinaglalaban ng mga magsasaka hindi lang para sa sariling kabuhayan, kundi para sa karapatan nila sa lupaing kanilang binubungkal at bigyang solusyon din ang lumalalang krisis sa pagkain.

“Ang kailangan natin sa pamahalaan ay talagang bigyan ng importansiya at gawing priyoridad ang pagpapalakas sa ating lokal na produksiyon para ma-ensure ang pagkain ng mamamayang Pilipino,” giit ni Estavillo.

Hanggang patuloy ang pagluhod ng pamahalaan sa mga malalaking korporasyon at panginoong maylupa, hindi makakamtan ang tunay na pag-unlad ng agrikultura at ang kalayaan ng mga magsasaka.

Patuloy na lalala ang kagutuman sa bansa dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas at karne, isda at gulay. Kailangan ng tunay na reporma sa lupa para sa kagyat na ginhawa ng mga Pilipino.