Kapirasong Kritika

Karen at Sherlyn, 20 taon pagkatapos


Dalawampung taon pagkatapos, marami sa mga salik sa salaysay na ito ang patuloy na humuhubog sa politika at kilusang masa.

Nitong Hunyo 26, 20 taon na mula nang dukutin sa Hagonoy, Bulacan at iwala ng militar ang mga aktibista at estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Sa darating na Disyembre, 15 taon na rin mula nang magtago sa mga awtoridad para umiwas sa pagkakakulong si General Jovito Palparan Jr. matapos makasuhan ng pagdukot sa dalawa. Sa Agosto naman, 12 taon na mula nang maaaresto si Palparan. Habang sa Setyembre, walong taon na mula nang mahatulan siyang maysala sa naturang krimen. Nakasuhan limang taon matapos mandukot, naaresto apat na taon matapos makasuhan at nahatulang maysala apat na taon matapos makulong—maiksi ang mga pagitan na ito sa tanaw ng 20 taon, pero parang napakatagal para sa mga nagmamahal at nagmamalasakit kina Karen at Sherlyn.

Matapos ang 20 taon, mainam magbalik-tanaw. Sino nga ba sina Karen at Sherlyn? Ano ang pampulitikang konteksto ng pagdukot sa kanila? At anu-ano ang iniluwal ng pakikibaka para sa paglitaw sa kanila at para sa hustisya? Mahalaga ang mga tanong na ito para makilala sila na sa maraming aspeto ay katulad ng marami, para maunawaan ang mga kalagayang ininugan ng pagdukot sa kanila na ang maraming salik ay nagpapatuloy ngayon, at para makita ang mga nakamit ng pakikibaka para sa paglitaw at hustisya sa kanila, hindi man sila naililitaw hanggang ngayon. Kolektibong proyekto ang pagsagot sa mga tanong na nabanggit, at isang tangka lamang sa pag-aambag ang narito.

Kapwa-aktibista sa UP si Sherlyn. Nakikita at nakakausap ko siya sa mga rali, piketlayn, pag-aaral at iba pang pagtitipon. Masayahin at palatawa siyang tao, puno ng sigla, o diwang palaban sa konteksto ng aktibismo. Sa mga kasabayan, sikat ang kuwento ng pagsayaw niya sa tuwa nang maitindig ang piketlayn ng welga ng mga manggagawa ng SM, bagay na ikinagalit ng mga guwardiya, kaya parang ginantihan siya noong binubuwag ang hanay. Nakipamuhay siya sa mga magsasaka ng Tungkong Mangga sa Bulacan na lumalaban noon sa pangangamkam ng lupa at panunupil ng private security at militar. Naging palagiang presensiya siya sa lugar, giya ng iba pang estudyanteng nagsasaliksik o aktibistang nakikipamuhay.

Pero ang nakasama ko talaga sa gawain ng pag-oorganisa nang ilang taon ay si Karen. Dahil mukha akong matanda at mukha siyang bata, binibiro kami batay sa sikat noong commercial ng McDo, “Ang paborito kong apo, si Karen.” Isang linggo bago siya dukutin, dumalo pa siya sa binyag ng anak ng isang kaibigan, tawa nang tawa at nakikipagbiruan gaya ng dating gawi. Dahil sa pagdukot sa kanya, maraming kasama sa aktibismo at kaibigan niya ang agad sumunggab sa mga mga alaala sa kanya, kaya nananatili pa rin siya sa isip at puso ng marami.

Laking-probinsya si Karen at ipinagmamalaki niya ito. Sabi niya, hindi maykaya ang pamilya niya, pero hindi rin kinakapos. Ang pakiramdam niya, espesyal ang alaga sa kanya nina Nanay Connie at Tatay Oca dahil siya ang bunsong anak na babae. Naisulat na ni Nanay Connie ang laging sinasabing paboritong ulam ni Karen, ang tinurbong manok. Kay Nanay Connie rin galing ang ang paboritong sabihin ni Karen sa mga kaibigan: Kapag gutom, kumain!

Ayon kay Karen, ang paborito niyang gawin sa kanilang lugar sa Zambales ay tumambay, makipagkantahan at makipag-inuman sa barkada niya sa tabing-ilog, habang naliligo rin dito. Marami siyang kaibigan mula sa UP na dinala niya doon na natuwa sa pagligo sa ilog at pag-picnic sa gilid.

Noon, iniisip ni Karen na sa pagiging laking-probinsya nagmumula ang mga ugali niyang hindi niya nakikita sa mga kasabayan na galing lungsod. Maaga siya matulog at maaga ring magising. Maaga siya sa mga kitaan at pagpupulong. Lagi siyang malay sa oras, ayaw na may ‘di natutuloy na plano o nasasayang na panahon. Palalinis at palasinop siya sa bahay. Tumampok ang mga ugali niyang ito dahil nakukunsumi talaga siya kapag nakikita niya, lalo na sa mga kapwa-aktibista, ang kabaligtaran ng mga ito.

Seryoso sa pag-aaral si Karen. Mahal niya ang kurso niyang Sosyolohiya. Sa mga pag-aaral sa labas ng klase, isinasalang niya sa talakayan ang mga konsepto at ideyang pinagdidiskusyunan sa klase. Nang nakipamuhay siya ng magsasaka sa Central Luzon, may sulat siyang nagsasabing “pakapa-kapa approach” pa rin siya sa gawain doon. Gusto niyang maging sakto-sa-oras at mahusay ang mga aktibidad para makapaglaan ng oras sa pag-aaral. Dinidibdib niya ang mga puna ng mga guro sa mga papel o eksamen niya. 

Sa mata ng iba, laging seryoso si Karen. Hindi siya nahihiya o natatakot na magtanong o magkomento, at kahit magalang ay may dating na mataray. Ito siguro ang dahilan kung bakit may ilan na kinagiliwan siyang asarin o loko-lokohin. Noong una, nahirapan si Karen sa mga pang-aasar, pero nang lumaon, natuto na rin siya. Naisip niya na ang gusto lang ng mga nang-aasar ay palabasin ang masayahing bahagi niya—maharot kapag gusto, wagas ding tumawa at hindi makahinga kapag nagbubungisngis. Diyan din siguro nagmumula iyung ginawa siyang “Flying Sexy Girl” sa isang sayaw ng kanyang organisasyong UP Praxis—ibinabato-bato sa ere.

Simple manamit si Karen, t-shirt at maong na pantalon, sandalyas o rubber shoes. Noong panahong iyun, iyong mga estudyanteng babae sa kampus, unti-unti nang nagsusuot ng mga damit na may spaghetti strap at katulad. Bumili si Karen ng isang halter blouse at maraming gabi niyang sinusukat ang damit. Natatawang paulit-ulit niyang tinatanong ang mga kasama sa bahay kung ayos lang ba na isusuot na niya ito sa kampus. Sumisigaw pa ng “Londeh!” o “Orteh!” ang mga kunsintidor din namang kasama sa bahay.

Napag-uusapan na rin lang ang landi, naranasan din ni Karen ang magdalaga sa kampus. Mabilis siyang mapaibig at marami siyang crush. Binabasag ng mga aralin sa klase at ng aktibismo ang piyudal-patriyarkal na mga pananaw, at madalas nag-iisip si Karen kung magtatapat sa kanyang crush. Komo kinagigiliwan siya ng marami, alam yata ng lahat kapag may bagong crush si Karen. Ang una niyang crush na alam ng lahat ay si LD, mula sa organisasyon niya sa Socio, at ganoon ang mga tipo ni Karen—boy next door. Hindi yata para kay Karen ang bad boys.

Bilang aktibista, purong puso para sa masa at pakikibaka si Karen. Kapag nag-iikot ang mga aktibista sa mga dormitoryo noon sa gabi para mag-imbita sa mga protesta, siguradong sa Sampaguita dormitory ay may isang kuwarto kung saan may papalakpak at sisigaw ng “Tama iyan!” Si Karen iyon. Wala siyang pinipiling gawain; basta may oras siya, darating siya sa kitaan. Dala-dala niya sa gawain ang lahat ng mabubuti niyang katangian, na maraming kapareho sa tinatawag na “proletaryo.” Napapagod man ang katawan, masaya lagi ang diwa niya.

Noong kampanya para sa unang partylist ng kabataan, ang Anak ng Bayan, noong eleksiyong 2004, halos hindi na umaalis ng Payatas si Karen at mga kasamahan. Dito niya nakita ang mahigpit na pagyakap at pagtulong ng masang maralita sa mga aktibista. Napakaraming balangay ang nabuo nila, at Quezon City ang may pinakamaraming boto para sa naturang partylist sa Metro Manila. Naging madali na para sa kanya, matapos ang maiksing pakikipamuhay noon sa Bulacan, para magpasyang doon kumilos. 

Bilang kaibigan, matapat siya, sa pakahulugang loyal at honest. Uunawain ka niya, at papanigan pa nga, pero sasabihan ka rin kung saan ka nagkakamali. Palakuwento siya, at kapag problema ang paksa, madalas umiyak. Marami rin namang panahon ng walang katuturang harutan at tawanan. Wala siyang masamang tinapay kahit kanino. Noon, pagkatapos ng mga pahatinggabing pulong, uuwi siya at mga kaibigan sa bandang Tandang Sora. Dadaan muna sa isang grocery kung saan bigla na lang silang maglalaro ng taguan. Bawal ang maingay kahit sigaw na sigaw na dahil papaalisin ng guwardiya. Todo ang tuwa ni Karen sa mga larong iyon.

Mahal na mahal niya ang mga magulang niya. Nakukuwento niya ang mga tunggalian sa pamilya tungkol sa pagiging aktibista. Noong una, nahihirapan siya dahil ang tendensiya niya ay sumigaw, magalit o maiyak. Ayaw niya ng mga ganitong reaksiyon, dahil gusto niyang maggiit sa mga magulang habang ipinapakitang mahal niya sila. Nang lumaon, lalo na noong nagpasya siyang pumunta sa Bulacan, nakuwento niyang nahanap na niya ang mahinahon at mapagmahal na timpla. Kapag matagal na hindi nakakauwi, gaya noong kampanya sa Payatas, tatahimik siya minsan at maiiyak pa nga, dahil nami-miss na raw niya ang nanay at tatay niya.

May isang kaibigan na kapag naririnig ang kantang “Think of Laura” ni Christopher Cross ay si Karen ang naaalala. Maraming totoo sa kanta tungkol kay Karen, tampok iyung “Taken away so young/ Taken away, without a warning.” Pero totoo rin iyong “Think of Laura/ But laugh, don’t cry/ I know, she’d want it that way.” Hindi pa iyong mismong atas na tumawa at huwag umiyak, kundi iyong tuparin ang kagustuhan niya. At sigurado ang mga kaibigan at kasama niya, na kahit sa katindihan ng tortyur na dinanas niya, naghuhumiyaw ang dalisay na puso ni Karen ng hustisya—para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at para sa sambayanang Pilipino. Patuloy tayong manindigan at makibaka para sa malayang bukas, siguradong iyon ang gusto niya. 

Ano-anong kalinawan ang ibinibigay sa atin ng punto-de-bista ng 20 taon sa pagsusuri sa pagdukot at pagwala kina Karen at Sherlyn?

Sa isang banda, madali silang idugtong sa mahabang ng pakikibaka ng sambayanang—laban sa kolonyalismong Espanyol, Amerikano at Hapones at laban sa neokolonyal na Estadong sunud-sunuran sa US, lalo na sa lantad na diktadurang anyo nito. Pagpapatuloy sina Karen at Sherlyn ng kasaysayan ng mga nakapag-aral na sumangkot sa paglaban para sa tunay na demokrasya at kalayaan—may pambansang kalayaan, naghahari ang sambayanan at malaya ang nakakarami sa pagsasamantalang pang-ekonomiya—at sa gayo’y sumanib sa nakakaraming magsasaka, manggagawa at maralita. Malinaw naman kung saan nakadugtong ang mga dumukot sa kanila—ang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo at ang militar nito, na noon pa man ay ikinukumpara na sa diktadurang Marcos, na sa panahon naman nito ay ikinukumpara sa pananakop ng mga Hapon sa bansa.

Totoo ang lahat ng ito at nakakapagpadali ng pagpapaliwanag sa mga namumulat. Pero isa sa pangunahing pangangailangang ideolohikal ng pakikibaka ngayon ang paglalagom, ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, at ang kanilang talaban. Hindi lang dahil ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ang kaluluwa ng Marxismo o nagbibigay-buhay dito, ayon na rin kina Lenin at Mao, kundi dahil sa mga pagbabago sa kalagayang iniiralan ng pakikibaka na humuhubog dito at hinuhubog nito. Napakahalaga ng “ating pagsisikap na maging tapat at makatotohanan sa paglalarawan ng kalakasan at kahinaan, kapwa ng mga puwersang humahadlang sa pagbabago at ng mga puwersang naghahangad ng pagbabago,” sabi nga ni Ramon G. Guillermo sa makabuluhan niyang artikulong “‘Mas Lulubha ang Ating Lagay, Kung Hindi Tayo Naniniwalang Pwedeng Baguhin ang Buhay’: Ang Kongkretong Pagsusuri sa Kongkretong Kalagayan” (2024).

(1) Gaya ng kanilang mga kasabayan, pinanday sina Karen at Sherlyn ng EDSA II at ng pagsigla ng kilusang masa bago at pagkatapos noon. Sa isang banda, nariyan ang kilusang ilang taon nang nagpapatibay ng mga batayang prinsipyong progresibo, bumubwelo para palakasin ang sarili, isulong ang mga kampanya at pakikibakang masa, at buuin ang pinakamalawak na pagkakaisa laban sa pinakamakitid na kalaban. Sa kabilang banda, nariyan ang paborableng kalagayan. Sabi ng ekonomistang si Winnie Monsod noon, hindi malaki ang ibinagsak ng Pilipinas noong Asian Financial Crisis ng 1998 dahil hindi pa talaga umaangat ang ekonomiya kumpara sa ibang bansa. Nagsulong pa ang presidente, si Joseph Estrada, ng magastos na todo-gera laban sa Moro Islamic Liberation Front o MILF. Kumitid ang kakayahan ng gobyerno na magpondo ng serbisyong panlipunan, at sintomas ang kaltas sa badyet ng UP at ng sektor ng edukasyon. Kumitid din ang kakayahan ng rehimen na manuhol ng mga alyadong politiko. Napulsuhan ng paksiyon ng naghaharing uri na kinatawan ni Arroyo ang potensiyal na magbuo ng malapad na pagkakaisa laban kay Estrada at lumaban dito.

Sa ganyang kalagayan, nagbukas ang mga tulay palabas sa klasrum at paaralan. Sa ibang panahon siguro, mas tatatak sa mga mag-aaral ng Sosyolohiya ang mga kaisipan nina Durkheim o Weber, pero si Marx ang tumatak kay Karen at sa mga kasabayan, gaya ng laman ng isang t-shirt nila noon. Paano nga naman magpopokus ang mga atletang Pinoy gaya ni Sherlyn sa pag-aaral, pagpapalakas at paghahanda kung kapos na ang suporta ng pamahalaan ay ninanakaw pa? Sa tinakbo ng mga pangyayari, nalantad ang kabulukan ng gobyerno, at hindi lang sa pagkaltas ng badyet sa mga serbisyong panlipunan at sa mga mansiyon at katiwalian ni Estrada, kundi lalo sa pagsisikap ng Senado na protektahan siya—ang pagharang sa pagbukas sa ikalawang envelope sa paglilitis sa kanya sa impeachment. Dito pumasok ang halaga at lakas ng protestang lansangan, ng kilusang masa, na sumusulong noon, at nakapagpataas ng kompiyansa sa mga progresibong prinsipyo ang tagumpay sa pagpapatalsik ng pangulo.

(2) Noong bago sila dukutin, alam na nina Karen at Sherlyn ang panganib na dala ng pagtatalaga kay Palparan sa Gitnang Luzon; sinasabi ito halimbawa ni Karen sa ilang ka-text. Noong 2006, ilang taon nang naghahasik ng lagim ang tinaguriang “Berdugo ng Mindoro” sa Timog Katagalugan at Silangang Visayas. Sa pagitan ng pagpakat niya sa dalawang rehiyon, nadestino siya sa Iraq, bilang bahagi ng pagsuporta ng Pilipinas sa giyerang agresyon doon ng US. Napauwi sa Pilipinas si Palparan noong 2004 matapos sumalubong ang rehimeng Arroyo sa kondisyon ng mga milisyang Iraqi na bumihag sa migranteng Pilipinong manggagawa na si Angelo dela Cruz. Kakatwa, kalahok si Karen sa isang protesta sa Plaza Miranda para sa pagpapalaya kay dela Cruz na kapansin-pansing dinahas nang husto ng pulisya. Sa protestang iyon din nagmula ng memorableng bidyo na kinatampukan ni Carol Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) noon, habang tinutubig ng pulisya. 

Tawag-pansin dahil bukod-tangi si Palparan noon: hambog na nagsasalita sa midya tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa—o, sa tuso niyang paliwanag, “binibigyang-inspirasyon”—niya. Wala pa yatang opisyal-militar sa ranggo niya na naging ganoon kaprominente sa pagpapahayag ng buhong na kapasyahang durugin ang insurhensiya sa paraang marahas at marumi. Saan nagmula ang kompiyansa niya? Hindi siguro maipapaliwanag iyon ng suporta lang ng anumang paksiyon lang ng naghaharing uri sa bansa. Nagmula iyon sa “war on terror” ng US matapos ang makasaysayang atakeng 9/11. Sa unang bahagi nito, lantad ang kapasyahan nitong tanggalan ng anumang karapatang pantao ang mga itinuturing nitong terorista, kahit pa humabol paglaon ang United Nations para tiyakin ang mga karapatan kahit habang nilalabanan ang terorismo (Jayson Lamchek, Human Rights-Compliant Counterterrorism, 2018). Pinalabas na terorista ang mga tunay na rebolusyunaryong grupo para pagmukhaing lehitimo ang idawit ang mga legal na organisasyong inaakusahang prente nila; sinamantala ang giyera kontra-terorismo para paigtingin ang giyera kontra-insurhensiya.

(3) Pero tumugma rin ang “war on terror” ng US sa interes ng mga naghaharing uri sa bansa, sa pamumuno ng rehimeng Arroyo. Matapos ang EDSA II, kumilos sila para pahupain ang ibayong lumakas na kilusang masa at maging rebolusyunaryong kilusan. Matapos paugain ang naghaharing sistema sa paglaban sa rehimeng Estrada, kumilos ang naghaharing paksiyong Arroyo na ibalik ang kaayusan at patatagin ang suporta kapwa ng US at militar. Walang planong tuparin ang mga pangakong sinakyan nito—laban sa korupsiyon at panunupil, halimbawa—para makahanay ang kilusang masa, nagpatupad ang rehimeng Arroyo ng matinding panunupil na naka-target sa kilusang masa at rebolusyunaryong kilusan—habang kinakanlong at iniiwasang iantagonisa ang mga paksiyon ng naghaharing uri, mula sa aral sa martial law ni Marcos. “Matatag na Republika” ang islogan ng rehimen sa panahong ito, katha ng reaksiyunaryong si Rigoberto Tiglao, na naging propagandista ng rehimen ni Rodrigo Duterte. Umigting ang ekstrahudisyal na pagpaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Lalong tumindi ang panunupil ng rehimeng Arroyo nang ito na ang naging puntirya ng People Power, na naunang sinakyan nito para malagay sa kapangyarihan. Isang taon bago dukutin sina Karen at Sherlyn, Hunyo 2005, pumutok ang eskandalong “Hello, Garci” at lumakas ang panawagan ng pagbibitiw ni Arroyo o pagpapatalsik sa kanya. Maraming maniobra ang ginawa ng rehimen, kasama na ang pagpanig sa pamilya Marcos, kahit dating kalaban ng pamilya Macapagal, matapos bumaklas at lumaban ang pamilya Aquino. Sinuwerte rin si Arroyo sa paglakas ng isang salbabida ng ekonomiya, ang call center o business process outsourcing, sa panahon niya. Pinauso ng rehimen ang pagsusuring pagod na ang mga Pilipino sa EDSA, o “People Power fatigue” habang malinaw na itinuturing itong layunin na kinakamit, kasama na ang panunupil sa kilusang masa. Ang gusto nila ay patatagin ang demokrasyang elite; ibig sabihin, anumang tunggalian sa pagitan ng mga paksiyon ng naghaharing uri ay hindi na dapat humantong sa EDSA, kundi sa halalan. Isang buwan matapos dukutin sina Karen at Sherlyn, pinuri mismo ni Arroyo si Palparan sa kanyang State of the Nation Address.

Dalawampung taon pagkatapos, marami sa mga salik sa salaysay na ito ang patuloy na humuhubog sa politika at kilusang masa: ang pagpapatatag sa demokrasyang elite laban sa dati nitong instrumentong People Power, ang naka-target na panunupil sa kilusang masa at Kaliwa sa balangkas ng kontra-terorismo, ang hanayan ng mga paksiyon ng naghaharing uring Arroyo at Marcos at maging Duterte, ang halaga ng paborableng obhetibong kalagayan para sumulong ang kilusang masa, at iba pa.

Pero hindi lang hinuhubog ang kilusang masa at Kaliwa sa pangkalahatan ng konteksto nito; may diyalektikal na talab ito sa naturang konteksto, at sa lipunan sa kabuuan. Ang sabi ng mga mananaliksik ng mga kilusang panlipunan, masalimuot ang pagtukoy at pagtiyak sa mga epekto, resulta o iniluwal ng mga kilusang ito. Maaaring ang isang tinutukoy na epekto ay iniluwal din ng ibang salik, gaya ng paggalaw ng isang paksiyon ng naghaharing uri. Kailangan ng mga kongkretong patunay para masigurong ang isang bagay ay idinulot nga ng mga kilusang panlipunan, gaya ng kilusan para sa paghahanap kina Karen at Sherlyn, at para sa paghahanap ng katarungan para sa kanila.

Ang pagsasampa ng kaso noong 2011 laban kay Palparan at mga tauhan, ang kadugtong na pagdakip at pagkulong sa kanya noong 2014, at ang paghatol sa kanilang maysala noong 2018 ay iniluwal ng naturang kilusang panlipunan. Una sa lahat, sila Nanay Connie at Nanay Linda ang nagsampa ng kaso, sa tulong ng mga abogado ng bayan at maraming progresibong organisasyon, tampok ang grupong Karapatan. Ikalawa, pinrotektahan at sinuportahan ng naturang kilusan si Raymond Manalo, ang magsasakang aktibistang naging susing testigo laban kay Palparan, mula nang makatakas siya sa pagdukot ng militar.

Hindi makakabawas sa pagkilala sa tapang at integridad ng mga korte na kilalaning nagbigay ng paborableng kalagayan ang pagpapalit ng rehimen mula kay Arroyo patungo kay Noynoy Aquino. Maging sa pagpapalit na ito ay nag-ambag, maaaring bahagya, ang kilusang naghanap kina Karen at Sherlyn. Isang Aquino ang ipinalit ng mga mamamayan sa isang tinagurian noong bagong Marcos, at hindi lang dahil sa katiwalian, kundi maging dahil sa mga paglabag sa mga karapatang pantao. At isa ang kaso nina Karen at Sherlyn sa mga pinakamatunog na kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Arroyo. Sa pagtutulak ng kilusan para ilitaw sina Karen at Sherlyn, nasubaybayan ni Leila de Lima, tagapangulo ng Commission on Human Rights sa panahon ni Arroyo at kalihim ng Department of Justice ni Aquino, ang kaso. Nag-ambag din ang naturang kilusan sa paglalantad kay Palparan at sa mga krimen niya.

Umani rin ng katunggaling reaksiyon mula sa ‘di inaasahang panig ang pakikibaka para ilitaw sina Karen at Sherlyn. Dahil sa pagsisikap niyang palitawin ang ugnayan ni Karen sa UP at sa gayon ay sa Departamento ng Sosyolohiya, pinagkaitan ng tenure o permanenteng posisyon si Propesor Sarah Raymundo, isang guro na hinahangaan ni Karen, ng naturang departamento. Sa kabila ng pagsapat ni Raymundo sa mga pamantayan, kumilos ang ilang propesor sa departamento at kolehiyo para ipagkait ang tenure na nauna nang ipinagkaloob ng departamento sa kanya. Maaalala ang naikuwentong gigil ni Propesor Walden Bello sa isang pulong, “Ang punto dito, may estudyante tayo na dinukot ng militar!” Matapos ang mahabang labanan, lumipat ng departamento si Raymundo at nagkamit ng tenure. Mas siya ang makakapagsabi ng naging epekto sa kanya ng nangyari, pero nanatiling matatag ang radikal niyang paninindigan sa iba’t ibang usapin, kasama na ang kabulukan ng neoliberal na akademya, at tiyak na isang salik na nag-ambag diyan ang pagkakait ng tenure ng departamento dahil ginawa niya ang tama.

May mga mamamahayag na tumampok sa pagsubaybay sa kaso nina Karen at Sherlyn. Pangunahin sa kanila si Patricia Evangelista na nagsulat sa wikang Ingles at naglathala sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer. Kapansin-pansin naman, para sa mga mambabasa ng Filipino sa progresibong pahayagang Pinoy Weekly, si Kenneth Roland A. Guda. Maraming nagkamalay sa isyu nina Karen at Sherlyn, lalo na sa pagtortyur ng militar sa kanila, sa pamamagitan ng mga sulatin ng mga mamamahayag na ito. Maaaninag sa kanilang mga sulatin ang epekto ng pagdukot at mga sumunod na pangyayari sa kanilang kamalayang panlipunan at pampolitikang paninindigan, at naging pagkakataon ang kaso para pahusayin ang kanilang pamamahayag, gamit ang creative non-fiction, hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao. Sa ganito, napatatag at nahasa sila para iulat at isulat ang isa pang bugso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa, gera sa droga at paghahari ni Duterte. Makikita ito sa “Some People Need Killing” (2023) ni Evangelista at “Presinto Uno at Iba pang Kwento sa Bingit” (2025) ni Guda.

Marami pang buhay ang naapektuhan ng kampanyang Karen-Sherlyn. Sa isang Facebook post, sinabi ni Krissy Conti, abogado ng bayan at opisyal ng National Union of People’s Lawyers (NUPL)-National Ccapital Region, na kaya niya piniling maging abogado, at abogado ng bayan, ay dahil sa kaso nina Karen at Sherlyn, na kaibigan niya at kasamahan sa aktibismo sa UP. Tulad nina Evangelista at Guda sa itaas, siguradong nag-ambag ang pagsangkot ni Conti sa kaso nina Karen at Sherlyn sa kapasyahan at kakayahan niyang lumaban sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Duterte. Si Conti ngayon ang isa sa mga abogado ng mga pinaslang ng giyera kontra-droga, tumatayong Assistant to Counsel para sa International Criminal Court sa makasaysayang paglilitis sa dating pangulo. 

Ilang tampok na halimbawa lang ang nabanggit. Sigurado, marami pang mga iskolar ng bayan, aktibista at karaniwang mamamayan ang namulat o lalong namulat sa mga isyung panlipunan dahil sa pakikibaka para ilitaw sina Karen at Sherlyn, at mula diyan ay nagpasyang manindigan at makibaka. Napakaraming tula, sanaysay, blog at Facebook posts ang nasulat ng napakarami bilang ambag sa kampanya. Kakatwa, kahit ang panunupil at paglabag sa karapatang pantao na walang ibang layunin kundi pahupain ang pakikibaka ng mga mamamayan ay ‘di sinasadyang nagdudulot ng pagkamulat at patuloy na paglaban ng mga mamamayan.

Mahirap sigurong isiping magaganap ang lahat ng ito kung hindi kagyat na nanindigan at aktibong naghanap sina Nanay Connie at Nanay Linda sa mga nawawala nilang anak, kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng pagwala, gaya ni Jonas Burgos, isa pang organisador ng mga magsasaka sa Central Luzon, at ng ekstrahudisyal na pagpaslang. Sa mahusay at matatag na suporta ng Karapatan, Hustisya, NUPL at iba pang organisasyon sa loob at labas ng Bayan, naging tuloy-tuloy ang paghahanap kina Karen at Sherlyn at ang paggigiit ng katarungan para sa kanila. Napakahalaga rin, siyempre pa, ang suporta ng maraming kapwa iskolar ng bayan nina Karen at Sherlyn, at mamamayang naninindigan para sa karapatang pantao at hustisya.