Alyansa kontra militarisasyon sa Marikina, itinatag
Nagkakaisang inilunsad ng mga residente ng Marikina City ang alyansang Marikeños for Good Governance and Peace noong Hulyo 15 bilang pagtutol sa lumalawak na presensiya ng militar.
Nagkakaisang inilunsad ng mga residente ng Marikina City ang alyansang Marikeños for Good Governance and Peace noong Hulyo 15 bilang pagtutol sa lumalawak na presensiya ng militar sa kanilang mga komunidad.
Tampok sa programa ang pirmahan sa pahayag ng alyansa laban sa deployment ng 12th Civil Military Operations (CMO) Battalion ng Philippine Army sa siyudad.
Kabilang sa nagsalita si Sheila Alano, ina ni Alyssa Alano, isang kabataang Marikeña na pinatay sa operasyong militar sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.

“Dahil sa ginawa ng militar sa anak ko, may rason kami para kuwestiyunin ang presensiya ng mga sundalo dito. Araw-araw iniisip namin kung paano makamit ang hustisya. Hindi naman puwedeng hayaan na lang natin na mang-red-tag nang mang-red-tag ang militar,” sabi ni Alano.
Kaugnay nito, iniulat ng mga residente ng Agora Compound 2 sa Barangay Sto. Niño ang kaso ng red-tagging ng 12th CMO kay Alyssa Alano bilang panakot sa komunidad na patuloy na lumalaban para sa kanilang katiyakan sa paninirahan.
Para kay Elizabeth Maynigo, pangulo ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Agora Compound 2, banta sa kanilang mga tahanan ang mga sundalo.

“Hindi natural ang presensiya ng militar sa komunidad, lalo na kung naninindigan ang komunidad para sa kanilang karapatan. Kung tumitindig ka para sa laban sa paninirahan at sinasabing serbisyo ito ng militar, kailangan isipin kung ano ang kapalit ng tulong ng militar,” ani Maynigo.
Hindi lang sa Marikina City nakikita ang ganitong padron, ayon kay Gabrielle Vistan, coordinator ng Karapatan National Capital Region (NCR).
“Padron ito ng militarisasyon na una nang naobserbahan sa ibang siyudad ng NCR. Pakitang-taong programa ang ginagamit ng militar para makapasok sa komunidad at palawakin ang kanilang presensiya,” saad ni Vistan.

Aniya, kapareho ng Marikina City ang mga naunang ulat sa Tondo, Maynila at Caloocan City matapos ideklara ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang NCR bilang “ground zero” ng programang kontra-insurhensiya noong Pebrero.
Dagdag ni Vistan, mandato ng mga sibilyang institusyon, at hindi ng militar, ang pagbibigay ng mga serbisyong panlipunan sa mga komunidad.
Patuloy ang panawagan ng alyansa sa pamahalaang lokal ng Marikina City na ipahinto ang operasyon ng 12th CMO Batallion sa siyudad at bigyang priyoridad ang karapatan ng mga Marikeño, lalo na ang katiyakan sa paninirahan ng mga residente.