Gawa-gawang kaso vs aktibista sa Batangas, Panay, ibinasura
Malaya na ang mga aktbista at manggagawang pangkaunlaran na sina Josephine Porquia at Pauline Joy Banjawan matapos ibasura ng mga korte ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanila.
Nakalaya na sina Migrante Philippines Panay coordinator Josephine Porquia noong Hulyo 11 at urban organizer Pauline Joy Banjawan noong Hulyo 6 matapos ibasura ng mga korte ang ilan sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
Kinaharap ni Porquia ang mga kasong illegal possession of explosives habang may nakabinbin pang kaso ng rebelyon laban sa kanya sa Mambusao Regional Trial Court sa lalawigan ng Capiz.
Samantala, napawalang sala naman si Banjawan sa kasong falsification of documents sa Sto. Tomas Municipal Trial Court (MTC) sa Batangas bagaman nakahayin pa rin ang kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa organizer.
“Ang mga insidenteng ito ay hindi magkakahiwalay at bahagi ng mas malawak na pattern ng panunupil ng estado na ang pinupuntirya ay ang mga mahihirap pati na rin ang mga aktibista at organizer na nakikipag tulungan sa mga grassroots at marginalisadong komunidad,” ani Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule.
Ilegal na dinakip noong Abril 2 ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army at pulisya si Porquia sa Pavia, Iloilo bagaman wala ang kanyang pangalan sa mandamyento de aresto habang inaresto naman si Banjawan noong Abril 26, 2025 ng 59th Infantry Battalion sa Sto. Tomas City, Batangas.
Kinondena ng Gabriela ang pagkakadakip sa parehong kababaihan. Anila, ang Armed Forces of The Philippines, Philippine National Police at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay ang mga pangunahing makinarya ng gobyerno sa pagtatanim ng ebidensiya at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso.
“Sila ay hindi kailanman at hindi magiging mga kriminal. Sila ay mga development worker na inialay ang kanilang buhay sa pag-angat ng mga komunidad sa laylayan,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Pahayag ng Panay Alliance Karapatan, madalas sampahan ng estado ang mga aktibista ng non-bailable na kasong illegal possession of firearms, explosives and ammunition upang mapanitili silang nakadetene nang matagal.
“Nangunguna sila sa kanilang mga pamilya at komunidad sa paghingi ng pananagutan mula sa Estado, matapos ang nangyari sa kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag ni Palabay.
Patuloy na nanawagan ang Gabriela at Karapatan na ibasura ang mga natitirang kaso kontra sa dalawang aktibista.