Korte sa Benguet, pinaboran ang kompanyang mina
Nais ng Crescent Mining and Development Corporation na magsagawa ng mineral exploration sa 533 ektarya ng lupa sa Mankayan, Benguet bilang bahagi ng kanilang pinaplanong large-scale mining project.
Inilabas ng Regional Trial Court Branch 64 sa Abatan, Buguias, Benguet ang 72-hour temporary restraining order na pumapabor sa inihaing petition for injunction ng Crescent Mining and Development Corporation (CMDC).
Itinatakda ng kautusan ang mga pinangalanang residente ng Mankayan at ang mga iba pang taong kumikilos kasama nila na huwag hadlangan ang akses at exploration activities ng CMDC sa loob ng 72 oras, habang nakabinbin pa ang pagdinig sa Hulyo 13.
Inatasan din ng korte ang mga respondent na magsumite ng kanilang sagot sa loob ng 30 araw mula sa pagtanggap ng inihaing summons.
Nais ng CMDC na magsagawa ng mineral exploration sa 533 ektarya ng lupa sa Mankayan bilang bahagi ng kanilang pinaplanong large-scale mining project.
Tinututulan naman ng mga residente ang proyekto simula pa noong 2022 dahil sa anila’y banta nito sa kanilang kabuhayan at kapaligiran.
Dagdag nila, hindi sinunod ang Free, Prior and Informed Consent (FPIC), na isang mahalagang rekisito sa paggamit ng ancestral domain ng mga katutubo.
Noong Hunyo, nagsimulang magtayo ng barikada ang mga residente nang malamang magsisimula ng magdala ng drilling equipment ang korporasyon.
“Pinatutunayan ng pagbabarikada ng mga katutubo ang kolektibo nilang pagtatanggol sa kanilang lupang ninuno, sa kabuhayan at sa susunod na henerasyon,” pahayag ng KAIABANG-Cordillera People’s Alliance Benguet sa Ingles.
Noong parehong buwan din, pormal na iniatras ng ilang mga residente at may-ari ng lupa sa Barangay Bulalacao ang kanilang pagsuporta sa proyekto.
Sa pamamagitan ng mga sinumpaang salaysay ng pagbawi, sinabi nilang nilagdaan lamang nila ang mga naunang manifesto na may petsang Ago. 9, 2025 at Mayo 28, 2026 sa paniniwalang tumutukoy lang ang mga ito sa mga naunang proyekto ng korporasyon. Ibinunyag din nilang nakalimbag na ang kanilang mga pangalan sa dokumento bago pirmahan ang mga ito.
“Nanawagan kami para sa agarang suspensyon at tuluyang pagpapatigil ng exploration project ng CMDC sa Mankayan. Nananawagan kami sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na pakinggan ang pagtutol ng mga apektadong komunidad, igalang ang karapatan ng mga katutubo, at siguraduhing walang magpapatuloy na exploration o mining activity nang walang tunay na FPIC,” dagdag ng grupo.