Puhunang hindi na babalik


Malaking problema para sa mga magsasaka, manininda, at mga mamimili ang pabago-bagong presyuhan ng gulay sa La Trinidad Vegetable Trading Post na itinatakda ng mga middleman.

Problema pa rin ng mga magsasaka, mamimili, at nagtitinda sa probinsya ng Benguet ang pabago-bagong presyo ng gulay na dulot ng komplikadong proseso ng kalakalan sa La Trinidad Vegetable Trading Post (LTVTP).

Sa pag-aaral ng Agricultural Credit Policy Council, tinatayang 150,000 tonelada ng gulay ang naipapadala mula sa Benguet papunta sa Maynila kada taon.

Sa bagsakan tulad ng LTVTP, 40% hanggang 60% ng ani ang sumasailalim sa repacking, pero 10% hanggang 15% ang hindi pumapasa sa quality standards.

Bagaman mahalaga ang imprastraktura at financial innovations para mabawasan ang gastos sa transaksyon, nanatiling hadlang ang kasalukuyang sistema ng kalakalan.

Ayon sa mga magsasaka, may mga panahong bumababa ang presyo dahil sa sistema sa bagsakan. Ang mga middlemen lang anila ang nagpapasya sa presyo ng mga ibebenta nilang gulay.

“Nakakaapekto ‘yong sistema sa akin, minsan mababa ang tawad ng mga mamimili… Wala naman kaming magawa, ‘yong mga middlemen ang kumikita,” ani Christina Dolinn, 20 taon nang nagsasaka at  nagbebenta ng gulay sa Benguet. 

Hindi lang isa, kundi apat na middleman ang pagdadaanan ng mga gulay sa LTVTP. 

Proseso

Nagsisimula ang proseso sa pagdadala ng mga magsasaka sa ibebentang gulay sa LTVTP. Hindi agad didiretso ang mga gulay sa mga nagtitinda sa palengke. Kailangan munang humanap ng magsasaka ng disposer na hahanap ng mga mamimili.

“Mababa ‘yong kuha sa amin ng gulay, ‘yong target naming P15 ay nagiging P7 na lang kaya nakakalungkot talaga,” sabi ni Natan Martin, limang taon nang magsasaka mula sa Buguias, Benguet. 

Pagsusuri sa mga gulay kung pasado na ang mga ito sa quality standards at para mabigyan ang mga ito ng nararapat na presyo. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Kapag nakahanap na ng mamimili ang disposer, sunod na silang mag-uusap ng magsasaka tungkol sa presyo.

“Tatanungin ng magsasaka ang disposer kung gusto niya ba ang presyo, tsaka na kami magbabalot at maglilinis. P500 sa isang karga ang kita namin,” ani Raizo Blin, isang taon nang por dia (packer) na dating estudyante.

Mga por dia na ang sunod na mamamahala sa mga gulay. Lilinisin at ibabalot ang mga ito kapag may presyo nang napagkasunduan ang magsasaka at disposer.

Pagkatapos, bibilangin na ito ng tracer na ililista naman ng dispatcher. Saka pa lamang ito makakarating sa mga mamimili. 

“Talagang nababarat kami, pero wala kaming magagawa. ‘Yun kasi ang patakaran ng mga middlemen, sumusunod lang kami kaysa naman hindi namin maibenta ang gulay,” ani Christina.

Ang mga gulay sa kamay ng mga por dia na diretsong dadalhin sa mga retailer at sa merkado. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Utang

Ikinalulugi ng mga magsasaka ang mababang presyuhan ng mga disposers. Pero walang magawa si Natan. Kailangan niyang magpatuloy sa pagsasaka dahil ito ang pamana ng kaniyang magulang. 

“Kahit na lagi kaming lugi, magpapatuloy pa rin kami sa pagsasaka kasi umutang kami sa mga disposer,” aniya.

Kahit palugi, napipilitan na ang maraming magsasaka na ituloy ang pagsasaka at pagbenta sa bagsakan para lang mabayaran ang mga utang.

Ani Christina, naaapektuhan din ang kanilang pamumuhay dahil sa pangungutang tuwing wala na silang puhunan, na tinataya niyang umaabot sa mahigit P200,000 kada taniman.

“Minsan matatalo ka sa puhunan, minsan mananalo. Kung minsan malugi ka, hindi mo makuha ‘yong puhunan mo sa garden, pag nabagyo o mababa ang gulay kasi mahal din ang transportasyon,” aniya. 

Pabago-bagong presyo

Binawasan na ni Ray Still, 25 taong nang tindero ng gulay sa palengke, ang binibili niyang gulay sa LTVTP dahil sa pabago-bagong presyo. Kahit kasi ang mga mamimili niyang galing pa ng Maynila, dumidiretso na sa trading post para doon direktang bumili. 

“Mabiling mabili ‘yong mga gulay noon [1990s]. Dati 25 tons pa ang mga gulay namin, ngayon 10 tons na lang,” aniya.

Pagdating sa Baguio Public Market (BPM), malaki na ang agwat ng pagtaas ng presyo ng mga gulay gaya ng romaine lettuce at bokchoy. Ang romaine lettuce na P250 kada kilo sa LTVTP ay naging P350 na pagdating sa BPM dahil sa iba’t ibang salik gaya ng irigasyon.

“Mas mura kasi rito kaya lagi kaming bumibili ng mga gulay kumpara doon sa amin na halos triple ang patong,” sabi ni Bill Stil, turista mula sa Eastern Samar na laging namimili ng gulay tuwing bumibista sa Benguet.

Kahit ang mga mamimili mula sa Baguio City gaya ng estudyanteng si Hannah Ballecer, sa LTVTP na rin namamalengke para makatipid.

“‘Nung nagcheck kami ng mga universities, naisipan naming pumunta sa La Trinidad kasi mas mura ang mga gulay dito since dito binabagsak ‘yong mga gulay,” aniya. 

Magkahalong galit at pagkadimasya naman ang nararamdaman ng ilang mamimili gaya ni Loida Allawan dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo sa BPM.

Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

“Syempre, nagagalit ako sa ganun kasi naghihirap ‘yong family… I feel helpless kasi I cannot do something anything about it kasi kung ‘yong mga government officials, wala ngang ginagawa. Helpless ang ordinary citizens just like me,” ani Allawan.

Ilang mga turista naman ang kinailangang baguhin ang kanilang gastusin dahil sa pabago-pabagong presyo ng mga bilihin.

“May mga times na kapag pumupunta kami dati dito may mataas, may mababa. Since nagbudget ka para sa bibilhin mong gulay, [sa] pasalubong ganoon tapos naiiba na siya, nasisira ‘yong budget ko,” ani Joyce Cervera, turistang mamimili mula sa Alaminos, Pangasinan.

Nagbigay ang Department of Agriculture-CAR (DA-CAR) ng Php2.856 milyong halaga ng kagamitang pang-agrikultura sa mga magsasaka sas Benguet noong Enero 2024. Kabiblang Dito ang 24 na hand tractor at 12 na power sprayer na ipinamahagi sa 21 magsasaka para mapalakas ang produksyon ng high-value crops. Itinayo noong 1989 ang LTVTP bilang ang pangunahing sentro ng importasyon at transportasyon ng mga highland vegetables sa Benguet. Ginamit na pondo para dito ang P7.2M grant at loan mula sa U.S. Agency for International Development (USAID). /May ulat nina Marfy John Kasim, Joyce Lorraine Mina, Joana Marie Viray