Aktibistang Igorot, inabsuwelto sa kasong terrorism financing
Inabsuwelto ng isang itinalagang anti-terrorism court sa probinsiya ng Pangasinan ang katutubong aktibista na si Sarah Abellon-Alikes sa kasong terrorism financing dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Inabsuwelto ng isang itinalagang anti-terrorism court sa probinsiya ng Pangasinan ang katutubong aktibista na si Sarah Abellon-Alikes sa kasong terrorism financing dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Pinagbigyan ng Urdaneta Regional Trial Court (RTC) Branch 73 ang isinampang demurrer to evidence ng depensa ni Abellon-Alikes sa isang resolusyong inilabas noong Hunyo 23. Epektibo nitong ibinasura ang kaso nang hindi na kinakailangang magpresinta ng ebidensiya ang aktibista.
Kinasuhan si Abellon-Alikes sa ilalim ng Section 8 ng Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
Ayon sa korte, nabigo ang prosekusyon na patunayang lampas sa makatuwirang pagdududa (beyond reasonable doubt) na sadyang nagbigay ng pondo, ari-arian, serbisyo o anumang materyal na suporta si Abellon-Alikes para sa mga aktibidad ng terorista. Wala ring nakitang patunay ang korte ng aktuwal na paglipat ng pondo, sadyang pagbibigay ng tulong o kinakailangang layuning kriminal (criminal intent).
Dagdag pa ng korte, nakabatay ang mga testimonya ng mga saksi mula sa pulisya sa mga nakalap na impormasyon (secondhand information) at hindi nagpakita ng personal na kaalaman sa mga materyal na katotohanang kailangan para suportahan ang paratang.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y pagbibigay ni Abellon-Alikes ng pinansiyal at lohistikal na suporta sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagsunog ng dalawang trak ng Philex Mining Corporation noong Pebrero 2017. Ibinasura na noong 2018 ang hiwalay na mga kasong arson at pagnanakaw kaugnay ng parehong insidente.
Isa si Abellon-Alikes sa mga tagapagtatag ng Cordillera Peoples Alliance (CPA), isang pederasyon ng mga organisasyong nagsusulong ng karapatan ng mga katutubo, sariling pagpapasya at proteksiyon ng mga lupaing ninuno. Anak siya ng yumaong si Bishop Richard Abellon, ang unang prime bishop ng Episcopal Church of the Philippines.
Kinondena ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang kaso bilang anyo ng judicial harassment.
Bukod sa inabsuweltong kaso, itinalaga rin ng Anti-Terrorism Council (ATC) si Abellon-Alikes, kasama ang iba pang lider ng CPA na sina Windel Bolinget, Jennifer Awingan-Taggaoa at Stephen Tauli, bilang mga terorista noong Hunyo 2023.
Nagresulta ito sa pag-freeze ng kanilang mga bank account at iba pang ari-arian. Inihayag ng mga aktibista na nalaman na lang nila ang pagtatalaga sa pamamagitan ng diyaryo noong Hulyo 2023.
Ibinasura ng Baguio RTC Branch 78 ang petisyon ng apat na lider laban sa kanilang pagkakatalaga bilang terorista sa isang desisyon noong Abril 30 at kasalukuyan na nila itong inaapela sa Court of Appeals.
Iginiit nina Abellon-Alikes at iba pang lider ng CPA na hindi magiging hadlang ang mga kinakaharap nilang kaso upang ipagpatuloy ang kanilang adbokasiya para sa mga pamayanang katutubo sa Kordilyera.