Kasong libelo vs brodkaster sa CDO, ibinasura ng piskalya
Para sa National Union of Journalists of the Philippines, tuloy ang laban para sa dekriminilasisyon ng libelo at para sa tunay na malayang pamamahayag.
“Tagumpay para sa kalayaan sa pamamahayag,” ayon sa National Union of Journalists of the Philippines-Cagayan de Oro (NUJP-CDO), ang dismissal ng isinampang kaso ng cyberlibel at paglabag sa Data Privacy Act laban kay Menzie Montes, news director ng RMN/iFM CDO para sa balita tungkol delay sa pagbibigay ng allowance at tuition para sa mga iskolar ng lungsod.
Sa resolusyon noong Hunyo 11 mula kay Assistant City Prosecutor Robbie James Yparraguirre, sinabi nito na walang sapat na batayan para ituloy ang paglilitis base sa mga kasong isinampa ni Richel Petalcurin-Dahay, acting head of the City Education and Development Department.
Sinampahan ng kaso ni Dahay ang broadcast journalist na si Montes matapos siya magpost tungkol sa anonymous na reklamo sa delay ng benepisyo ng mga iskolar. Ayon sa city prosecutor, hindi ito sapat na batayan para sabihing may pinararatangan ng korupsiyon.
Sinabi rin ng piskalya na ang pag-post ni Montes ng usapan nila ni Yparraguirre tungkol sa ‘di pagdalo ng opisyal sa interbyu ay hindi sapat na batayan para sabihing lumabag sa Data Privacy Act si Montes dahil may kinalaman naman sa panunungkulan bilang opisyal ng gobyerno ang kanilang naging pag-uusap.
“Tuloy ang paggamit ng lawfare laban sa mga peryodista,” sabi ng NUJP CDO, “pero pinapakita ng dismissal ng mga complaint na kaya namin manalo sa legal battle.”
Pinasalamatan ng NUJP CDO ang La Viña Zarate and Associates para sa tulong legal na susi sa dismissal ng kaso.
Para sa NUJP, tuloy ang laban para sa dekriminilasisyon ng libelo at para sa tunay na malayang pamamahayag.