Editoryal

Kultura ng karahasan, tagos hanggang paaralan


Hindi nararapat na maging kalakaran ang takot sa tuwing papasok sa mga paaralan.

Hindi likas sa mga bata ang maging marahas. Natutuhan nila ito sa lipunang nahubog sa pagnormalisa sa karahasan.

Sa dalawang school shooting, sa Tacloban City noong Hunyo at sa Zamboanga City ngayong Agosto, magkahalintulad na nakuha ng mga bata ang baril sa nakatatandang miyembro na pamilya na puwersa ng estado.

Kung dati’y nababalitaan lang natin ang mga ganitong pangyayari sa United States dahil sa maluwag na akses sa mga baril at armas, nangyayari na rin ito sa ating bansa na kung saan mas mahigpit ang mga patakaran sa pagmamay-ari at pagdadala ng mga ito, lalo na sa pampublikong lugar.

Matapos ang mga insidente sa Tacloban City at Zamboanga City, pilit itinuturo ng mga awtoridad na natutuhan umano ng mga bata ang karahasan sa ilang salik tulad ng bullying, mental health, paglalaro ng video games o paggamit ng social media.

Sukdulan namang sinumbatan ng tagapagsalita ng Palasyo ang mga guro sa pagtuturo umano sa mga bata para maging “walang modo” na mariing tinuligsa ng Alliance of Concerned Teachers. Habang totoong may kabiguan ang sistema ng edukasyon, kalabisan at ‘di makatarungang ipukol lang sa mga guro ang sisi sa asal ng mga mag-aaral.

Maraming salik ang nakapalibot ayon sa mga eksperto sa sikolohiya na dahilan ng marahas na asal ng mga bata at kabataan. Hindi anila dapat tingnan ito na usapin lang ng bullying, mental health, paglalaro ng video games o paggamit ng social media. Nakaugat sa namamayaning kalagayang panlipunan ang karahasan.

Ayon sa Philippine Psychological Association, karaniwang nagmumula ang matinding karasahan ng mga bata at kabataan sa mga magkakaugnay na kalagayan na kinasasangkutan ng bata, pamilya, mga kapwa bata, paaralan, komunidad, mga online na espasyo at mas malawak na mga kondisyong panlipunan.

Sa panahon ng rehimen ni Rodrigo Duterte, pinatindi nito ang mga kondisyong pampolitika at pangkultura ng mga naunang rehimen para gawing katanggap-tanggap ang karahasan at takot bilang tugon sa mga suliraning panlipunan.

Mula sa mga talumpating nag-uutos sa pulisya na “patayin” ang mga gumagamit ng ilegal na droga hanggang sa pagsasabing “barilin” sa maselang bahagi ng katawan ang mga babaeng rebelde, ibayong ipinalaganap ng nagdaang rehimen ang kultura ng karahasan at impunidad.

Nang mapatay ang tatlong taong gulang na bata sa isang buy-bust operation na bahagi ng giyera kontra droga, sabi ni noo’y police chief at ngayo’y nagtatago na Senador Bato dela Rosa, “Shit happens.” Protektado pa siya ng Senado bago ang paglaho.

Laman rin ng balita ang mga imahen ng karahasan sa mga operasyon ng pulisya, usap-usapan sa mga komunidad ang mga patayan at naging normal na bahagi ng araw-araw na buhay sa lipunang Pilipino ang karahasan o ang paggamit sa dahas.

Ika nga ng kasabihan, “Kung ano ang ginagawa ng matatanda ay siyang ginagaya ng mga bata.”

Sa ganitong mga kalagayang panlipunan lumaki, namulat at uminog ang buhay ng maraming bata at kabataang Pilipino ngayon.

Kung tutuusin, malay kahit pa ang mas matandang henerasyon sa imahen ng karahasan bilang sandata para sa “disiplina” at pagpapatahimik ng lehitimong kritisismo. Kada administrasyong nagdaan, gumamit ng dahas laban sa mga Pilipino—magsasaka, manggagawa, kababaihan at kabataan.

Mahirap na madaliang iwaksi ang kultura ng karahasan at impunidad na nakaukilkil na sa kamalayan ng mamamayang Pilipino dahil sa kagagawan ng mga nakaraang rehimen na ipinagpapatuloy ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. sa patuloy na paglabag nito sa mga karapatang pantao mula kalunsuran hanggang kanayunan.

Likas sa mga Pilipino ang pagiging mapagkalinga sa kapwa, lalo na sa ating pamilya, ngunit naging kalakaran ng mga nasa poder ang maghasik ng takot, mandahas ng mamamayan at gawing normal ang pagmamalupit upang makapanatili sa kapangyarihan.

Sa ganitong mga kondisyon, tumatagos sa mga pamilya, komunidad, paaralan at online na espasyo ang karahasan at pasismo ng estado.

Matapos ang mga insidente, iba’t ibang patakaran na ang ipinatutupad sa mga paaralan tulad ng mga safety drill, mas mahigpit na seguridad, paggamit ng mga transparent bag at iba pa. Hindi dapat ang mga paaralan, guro at estudyante ang pumasan ng suliraning bunga ng kultura ng karahasan.

Taliwas ito sa layunin ng mga paaralan na maging ligtas na espasyo para sa pagkatuto at paglinang sa mga bata at kabataan. Hindi nararapat na maging kalakaran ang takot sa tuwing papasok sa mga paaralan.

Hindi lang ito usapin lang kung naituturo ba sa tahanan at paaralan ang mabuting ugali at asal, kung patuloy itong nakikita ng mga bata at kabataan sa mga mismong lider ng pamahalaan, hindi malabo na gagayahin nila ang mga ganoong uri ng kilos.

Habang dapat maging ehemplo ng mabuting ugali at asal ang mga magulang at guro, kasama rin dapat dito ang mga pinuno, mula sa barangay hanggang sa Malacañang.