Operasyong militar sa Mindoro, dagdag pasanin sa mga residente
Sinabi ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng New People’s Army-Mindoro, iniimbestigahan pa nila ang mga pangyayari noong Hulyo 29, kabilang ang ulat sa mga nasawi at nadakip.
Nagbabala ang New People’s Army (NPA)-Mindoro na lalo pang pahihirapan ng pinaigting na operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga magsasaka, katutubo at mangingisda sa Naujan, Oriental Mindoro kasunod ng engkuwentro sa Barangay Del Pilar noong Hulyo 29.
Ayon sa NPA-Mindoro, umiikot sa lugar ang mga gerilya at nakikipag-usap sa mga magsasaka at katutubo upang alamin ang kanilang kalagayan at maghatid ng serbisyo nang makasagupa ang mga tropa ng 203rd Infantry Brigade (IBde) ng Philippine Army.
Iniulat naman ng 203rd IBde na napatay ng 76th Infantry Battalion at 5th Scout Ranger Battalion ang dalawang babaeng Pulang mandirigma sa 30 minutong labanan. Isa pang babae ang nadakip umano ng militar.
Matapos ang engkuwentro, naglunsad ng operasyong pagtugis ang militar at inatasan ang Philippine National Police na magtayo ng mga tsekpoynt sa bayan. Ipinasuspinde rin ang mga klase sa ilang barangay ng Naujan.
Sinabi ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng NPA-Mindoro, iniimbestigahan pa nila ang mga pangyayari, kabilang ang ulat sa mga nasawi at nadakip.
“Agad kaming magpapabatid sa madla sa magiging resulta nito,” ani Gasic.
Dagdag niya, kinakaharap ng mga magsasaka sa Naujan ang mababang kita habang kapos sa kagamitan ang mga mangingisda. Dumaranas din aniya ang mga residente ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa kahit sa mahinang ulan dahil sa mga palpak at pekeng proyektong flood control.
Binalaan niyang lalo pang bibigat ang kalagayan ng mga komunidad dahil sa pagdagsa ng mga sundalo at pulis.
“Ang pagdagan ng AFP-PNP sa lugar para tugisin ang napalabang yunit ng NPA ay bahagi ng desperasyon ng rehimen na kamtin ang huwad na deklarasyong ‘insurgency-free’ sa isla at hanggang sa buong Mimaropa,” ani Gasic.
Nanawagan ang NPA-Mindoro sa mga Mindoreño na palakasin ang kanilang hanay at tutulan ang mga operasyong militar na nakaaapekto sa kanilang kabuhayan at kaligtasan at nagpapalala sa dati nang kahirapan doon.