Karapatang Pantao

Paglalakbay para sa katotohanan 


Nagpursigi ang lahat para makamit ang mga layunin ng fact-finding mission. Isinantabi ang personal na kaba at mga agam-agam at inunang pakinggan at bigyang-tinig ang nakakabinging katahimikan ng pagbusal.

Isinapubliko ng Karapatan Southern Tagalog nitong Mar. 5 ang resulta ng kanilang isang linggong fact-finding mission sa mga munisipalidad sa isla ng Mindoro. Matapos makatanggap ng mga ulat ng pambobomba, strafing o pagpapaulan ng bala mula sa helikopter, at tumitinding pagkakampo ng mga tropa ng Philippine Army sa mga komunidad sa isla, nagpasya ang 30 kataong grupo na maglayag at bisitahin ang mga residente.

Sa pitong araw ng team sa isla, nakita, narinig at naranasan nila ang pag-iral ng isang de facto martial law o ang paghahari-harian ng militar sa isla. Sinalubong sila ng mga komunidad na binabalot ng takot at pangamba na inuusap ng kanilang mga mata, salita at kilos. Nakaharap ng team ang ilang mga punong barangay na nagbubulag-bulagan sa kalagayan ng komunidad, binulag ng takot sa militar.

Nagpursigi ang lahat para makamit ang mga layunin ng fact-finding mission. Isinantabi ang personal na kaba at mga agam-agam at inunang pakinggan at bigyang-tinig ang nakakabinging katahimikan ng pagbusal.

Unti-unting binigyang-mukha ng team ang mga biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao, inarmasan sila ng kaalaman tungkol sa batas at sa kanilang karapatan, at hinubaran ang panlilinlang at pagsasamantala ng armadong puwersa ng estado sa ngalan ng interes ng mga malalaking dayuhang negosyo.

Para kina Carla Padilla, Erbel Borreta at Ida Palo, mga kabataang sumama sa fact-finding mission, hindi naging mahirap ang magpasyang sumama. Ani Palo, leader ng buong fact-finding team, kung hindi pa ngayon, kailan pa.

“It’s high time. Being a [human rights] worker, working [on human rights] campaigns, malala na ang atake, at malala na din ang development aggression [sa Mindoro],” aniya.

Sa pagbabahagi ng tatlo, hindi pa man sila nakakaalis ng pier ng Batangas City, nakabuntot na ang mga ahenteng nagsasarbeylans. Hindi sila tinantanan ng mga ito hanggang sa kanilang pag-uwi.

Ayon kay Padilla, lider-kabataan ng Anakbayan Southern Tagalog, “Sa amin hindi sya ‘yong primary reason para ‘di magtuloy. Alam naming suportado [kami ng mga] lokal, nagpapasalamat sila kasi kami lang ang nangumusta. At nagpapasalamat [kami] sa kanila na hindi natakot magbahagi. Sana maramdaman ng komunidad na may sumusuporta sa kanila.”

Press conference noong Mar. 5 ng fact-finding team na nagtungo sa Mindoro upang alamin ang kalagayan ng mamamayang apektado ng militarisasyon. Altermidya

Sa kabila ng mga inilabas na paninira ng 203rd Infantry Brigade (IB) ng Philippine Army sa kanilang Facebook page, tumatak sa karanasan ng fact-finding team ang mainit na pagtanggap ng mga komunidad na kanilang pinuntahan.

Sa salaysay ni Palo, may mga lider ng barangay na bagaman takot na sumama sa kanila, binigyan naman sila ng mapa ng lugar para hindi maligaw ang team. May mga residente rin  na kahit may pangamba’y ibinahagi ang kanilang mga danas, at mga katutubong binukas ang kanilang tahanan at hapag para sa team.

Anila, ang ganitong mga karanasan ang nagpatibay ng kanilang loob at nagpatunay ng kawastuhan ng kanilang ginagawa. 

“Maliwanag sa Maynila, dito sa amin, madilim,” ganito naalala ni Padilla ang mga kataga ng isang lider sa isang sitio ng Brgy. Tumadong sa bayan ng Bulalacao, Oriental Mindoro.

Para sa mga lokal, ang paghahari-harian ng militar sa kanilang lugar ay katumbas ng kadiliman at kalungkutan. Totoo ito lalo para sa pamilya Maligday mula sa tribong Mangyan-Hanunuo.

“Noong April 7, alas-4:45 ng umaga, nireyd ng mga puwersa ng militar mula sa 4th IB ng Philippine Army ang bahay namin, si Jay-el ay naiwan sa loob, ilang minuto matapos [kami] palabasin, nakarinig kami ng putok ng baril sa loob ng bahay. Pinalabas nilang namatay sa engkuwentro si Jay-el, pero hindi ito totoo,” pag-alala ni Louiejie Maligday, nakatatandang kapatid ni Jay-el.

Pinakilala ni Louijie ang kapatid bilang isang matulungin na anak, masipag na estudyante at mabuting taong simbahan.

Aniya, nakitira ang kapatid niya sa kanyang bahay sa Sitio Suryawon dahil doon malakas ang signal para sa kanyang online class, gusto niyang maging guro, pero hindi niya sukat akalain na doon din aagawin ng estado ang pangarap ni Jay-el.

Hanggang sa burol at libing ng kapatid, hindi sila tinantanan ng militar. Tinapatan lang ng ilang pirasong tinapay ang buhay na nawala. Hanggang ngayon, hindi alam ni Louijie bakit pinatay si Jay-el. Sa kabila nito, patuloy ang panawagan ng kanilang pamilya ng hustisya.

Sa opisyal na ulat ng fact-finding team, isa lang ang lugar ng pamilya Maligday sa apektado ng militarisasyon. Limang barangay sa mga bayan ng Pola, Mansalay at Bulalacao sa Oriental MIndoro at isang barangay sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro ang apektado ng pagkakampo ng militar.

Mga katutubong Mangyan ang kalakhan ng populasyon sa mga barangay na apektado ng militarisasyon.

Malaki umano ang pinsala ng presensiya ng militar, lalo na sa mga komunidad ng mga katutubong Mangyan na nakatira sa kabundukan at umaasa sa paglinang sa kalikasan. Liban sa kaso ng pagpatay kay Jay-el Maligday, patuloy din ang pananakot sa iba pang katutubo sa lugar.

“Pasensiyahan na lang,” panakot ng mga sundalo sa mga Mangyan na mahuhuling naglalakad sa gabi, walang flashlight at hindi nakasuot ng tradisyonal na kasuotan, kuwento ng isang lokal kay Padilla.

Ang fact-finding team sa Mindoro na binubuo ng mga aktibista at tanggol-karapatan para imbestigahan ang mga ulat ng mga paglabag sa mga karapatang pantao sa isla. Karapatan Southern Tagalog

Mahigpit ang pagpapatupad ng karpyu sa mga sitio ng Gatol, Tamadong at Agong sa Brgy. San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro, kaakibat ng pananakot na ang anumang asosasyon sa New People’s Army (NPA) ay susuklian ng pagpatay.

Liban sa matitinding kaso ng pambobomba, strafing at pagpatay, nakapagtala rin ang grupo ng mga kaso ng pagsira ng mga pananim, pagsunog sa mga bahay-pahingahan ng mga magsasaka, puwersahang paglikas at pagsasara ng mga eskuwelahan, panggugutom at pagkontrol sa paglabas-masok ng pagkain at iba pang supply.

May military lockdown din sa hangganan ng Socorro at Pola, checkpoint sa Pinamalayan, sapilitang pagpapakamatay ng isang pamilyang Mangyan-Hanunuo, at mga pag-abuso ng militar sa mga karapatan ng kababaihan.

Ayon sa militar, ang presensiya nila’y para sugpuin ang NPA sa isla, pero para sa grupong Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), ang sinusugpo ng militar ay ang pagtutol ng mga lokal na residente sa mga mapaminsalang dayuhang proyekto sa mayamang isla ng Mindoro. 

Ang Mindoro ang ikapito sa pinakamalaking isla sa bansa, ang pangalan at kasaysayan ng nito’y nakaugat sa mayabong nitong likas na yaman at mga mineral. Sa pagdating ng mga Espanyol, naging daungan ang Mindoro na unang tinawag bilang “Mina de Oro” o “minahan ng ginto” sa paniniwalang puno ng ginto ang isla. 

Sa ulat ng pamahalaang lokal ng Oriental Mindoro, ang probinsya ay mayaman sa ginto, iron, copper, nickel, chromite, marmol at iba pang non-metallic minerals. 

“Sa Bulalacao, kung saan umano nangyari ang engkuwentro [sa pagitan ng militar at NPA], mayroon nang anim na mining [operations] at renewable energy projects,” ani Borreta. 

Ilan sa mga malalaking kumpanyang sumasamantala sa yaman ng Mindoro ang DMCI, FF Cruz, Pitkin Petroleum Limited at ang panunumbalik ng kompanyang Intex na minsan nang napalayas ng mga katutubo sa kanilang lugar. 

Liban sa pagmimina at quarrying, target din ang Mindoro para sa mga proyektong eco-tourism, renewable energy at imprastraktura ng gobyerno. 

“Igagayak (ng rehimen) ang Calabarzon as new Metro Manila. Kakailanganin ng malakasang supplier ng enerhiya at isa ang Mindoro na itinatakdang supplier ng enerhiya. Kaya, magpapatuloy ang coal-fired powerplant, sumusulpot ang usapin ng wind power plant at NLG (natural liquified gas),” ani Enjo Sarmiento ng Kalikasan PNE.

Para sa tatlong kabataang bahagi ng fact-finding mission, ang tungkulin nila ngayon na ipalaganap ang mga kuwento at aral na napulot mula sa isla at hikayatin ang mas marami na sumuporta sa panawagang ipagtanggol ang Mindoro. 

“If sa first wave, 30, sa pagbalik sana nasa 100 na [kami],” ani Padilla. 

Ayon kay Palo, simula pa lang ang mga nakalap na impormasyon sa fact-finding mission.

Balak ng Karapatan Southern Tagalog na makapagpadala ng mas malaking solidarity mission sa isla at makasama ang iba pang mga organisasyon ng magsasaka, pambansang minorya, taong simbahan at iba pang personalidad.