Renewable energy projects sa Negros, lumobo sa panahon ni Marcos Jr. 

Sa mga lugar kung saan may pagdami ng mga clean energy project, kapansin-pansin din ang pagtaas ng mga kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao at karahasan sa lokalidad.

Dumami ang bilang ng mga renewable energy project sa isla ng Negros at paligid nito sa nakaraang apat na taon.

Gamit ang maps ng mga awarded contract para sa mga debeloper mula sa Department of Energy, listahan ng mga proyekto sa kada taon sa website ng ahensiya at iba pang pampublikong datos, sinuri ng Pinoy Weekly ang biglang pagdami ng mga proyekto sa isla. 

Sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naidagdag ang 31 na mga bagong proyekto. Halos kasing dami ito ng naabot sa nakaraang tatlong dekada na 34 sa kabuuan.

Sa ikalawang State of the Nation Address ng pangulo, idiniin niya na gagawing priyoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapalawak ng renewable energy sa bansa. Pinahihintulutan na rin sa ilalim ng kanyang panunungkulan ang 100% na foreign ownership sa mga renewable energy project. 

Sa mga lugar kung saan may pagdami ng mga clean energy project, kapansin-pansin din ang pagtaas ng mga kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao at karahasan sa lokalidad.

Binansagang “massacre capital” ang Negros ng mga tanggol-karapatan dahil sa mga masaker na nangyari sa isla sa loob ng ilang dekada. Pinakabago ang masaker sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19 na kumitil ng 19 na buhay. Pangamba nila, baka tumindi ang karahasan sa pag-arangkada ng mga proyekto.

Bago ang administrasyong Marcos Jr., nakapangkat ang mga renewable energy project sa hilagang Negros at Guimaras Strait at sa timog-silangang bahagi ng isla. Binubuo ang mga ito ng 12 hydropower projects, siyam na biomass, walong wind, tatlong solar at dalawang geothermal projects.

Sa ilalim ni Marcos Jr., kumalat ang mga bagong renewable energy project mula sa hilagang Negros at Guimaras Strait hanggang sa gitna at timog ng isla, kabilang ang mga baybayin at dagat na nakapalibot dito. Sa 31 bagong proyekto, 22 ang wind energy, limang hydropower, dalawang biomass at may tig-isang solar at geothermal project.

Sa naitalang total capacity na lilikhain ng mga renewable energy project sa panahon ni Marcos Jr. (80%), mas malaki ang total potential capacity (12,745.85 megawatts) kumpara sa total installed capacity (49.38 megawatts). Ibig sabihin, mas marami at mas malalaki ang power generation ng mga proyektong naaprubahan na pero hindi pa natatapos.