Hindi uubra ang artipisyal sa tunay na sining
Ang pag-iisip at pagiging malikhain ang esensiya na nagbibigay-hugis sa kaluluwa at kamalayan ng sangkatauhan.
Mas mahirap nang makatagpo ng tunay na likhang-tao ngayong dinodomina na ng artificial intelligence (AI) ang digital at pisikal na espasyo ng sining.
Tila inubos ng AI ang mga balakid na humahadlang sa malikhaing paggawa, kaya hindi kataka-taka na maraming nahumaling dito. Kung dati kinakailangan pang magbuhos ng pera, oras at pagod, ngayon sapat na ang kaunting segundo at iilang click sa laptop o tap sa cellphone upang makapag-generate ng mga larawan, bidyo at awit.
Ngunit nagiging kabayaran sa mapanlinlang na biyaya ng AI ang malubhang pinsala sa kalikasan at walang habas na pagnanakaw at pagsira sa pinagpagurang likha ng iba’t ibang artista.
Sa halip na yumukod na lang sa kontrol ng AI, nagpupumilit ang ilang content creator na harapin ang proseso upang makapagluwal ng tunay at makabuluhang likha at ibida ang kanilang mariing pagtutol sa gawang artipisyal.
Resiping walang AI
Gamit ang talento sa musika at hilig sa pagluluto, ihinahain ni Ralph Novero o mas kilala bilang raprap sa Tiktok, ang nakakaakit at nakakaindak na mga tutorial video sa paghahanda ng mga putaheng Pilipino.
Taliwas sa nakagawiang bidyo kung saan ipinapaliwanag lang ang isang resipi, nagiging entablado ni Novero ang pagluluto upang ipamalas ang kanyang galing sa pagsusulat ng lirika sabay sa saliw ng mga popular na kanta.
Halimbawa nito ang isang bidyo ni Novero tungkol sa pagluluto ng sinigang na pumalo sa 12.4 milyong views. Pinalitan niya ang mga titik ng “Beauty And A Beat” nina Justin Bieber at Nicki Minaj ng mga hakbang sa paghahanda ng paboritong ulam ng mga Pinoy at nagbuhos ng effort sa pagkanta.
“Pagkatapos karne naman ay chop-chopin. Kangkong, sitaw at okra ihanda na rin. Kulang sa’men talong, gabi at sili na green. Kung meron ka niyan, isama mo na. ‘Cos, all you need is the gulay and the meat, which can make the sinigang complete,” pagkanta ni Novero sa kaniyang bidyo.
Naging patok at umani ng pagbati at positibong reaksiyon mula sa publiko ang bidyo ni Novero hanggang sa inaabangan at humihiling na ang ibang mga netizen ng mga ulam na ibibidyo at mga kantang aayusin upang matampok ang resipi.
Bukod sa nakakaaliw na pagkanta at pagluluto ni Novero, lagi niyang idinidiin at isinesentro ang kaniyang mensahe ng pagtutol sa AI.
“Dapat suportahan natin ang mga taong lumilikha ng sining sa halip na gumamit ng AI,” ani Novero sa isang panayam sa One PH.
Kalimitan niya ring sinasama ang pariralang “Walang AI!!!” sa pamagat ng kaniyang mga bidyo. Inuumpisahan niya rin ang mga kanta sa pagbibida na hindi AI ang kanyang likhang awitin at tutorial.
Sa pagtatampok ng mga ulam na naging bahagi na ng kulturang Pinoy, ipinamamalas ni Novero ang isang uri ng likhang hindi basta-basta magagaya ng hungkag na artipisyal—ang sining na naka-ugat sa kongkretong karanasan, praktika at tradisyong Pilipino.
Kahit pa pagtagpi-tagpiin ng AI ang tunay na likha ng mga artista, papalya ito na makuha ang esensiya at diwa na humuhulma at bumubuhay sa identidad at gawi ng mga Pinoy.
Musikang hatid ng Genius Poetry of a Toddler (GPT)
Musika rin ang naging tuntungan ng musikerong si Stephen Spencer upang irehistro ang kanyang pagpuna sa pagkalat ng mga AI-generated na kanta.
Tulad ni Novero, higit na pinipili ni Spencer ang umasa sa kaniyang angking galing sa halip na magpagawa sa AI. Inaayos niya ang mga kuwento ng kanyang tatlong taong gulang na anak upang maging lirika at saka niya lalapatan ng sariling gawang komposisyon.
Ipinapakita ni Spencer na kayang-kaya ninuman ang gumawa ng kanta. Kailangan lamang ang dedikasyon at pagsisikhay sa proseso ng paglikha.
Mababatid din sa musika ni Spencer ang katangian ng musika na winawaksi ng AI-generated na mga awitin—ang pagiging kolektibo nito. Pinuputol ng AI ang gawi ng sama-samang pagtitimpla ng nota at pagtatanghal upang maiparinig sa iba ang kagandahan ng musika.
Nagiging daan pa nga ang paggawa ng musika ni Spencer upang tumibay ang ugnayan nilang mag-ama.
Ilan lang sina Novero at Spencer sa mga artista at content creator na hayagan at mariing kumokundena sa pagkalat at paggamit ng AI upang mag-generate ng likhang sining.
Nakalulungkot isipin na dumating na ang lipunan sa puntong naging bukod-tanging katangian ang pagiging likhang-tao ng isang obra. Isa itong sintomas ng lumalalang krisis ng kapitalismo kung saan itinatapon at isinasantabi ang mga gawaing hindi episyente at tinatanaw na walang halaga sa ilalim ng atrasadong kalakaran.
Ngunit, ang pagtindig nina Novero at Spencer ay tanda pa rin ng paglaban.
Nagsisilbing kontra-agos ang mga tulad nilang dalawa sa sumisidhing dominasyon ng AI at sa gitna ng lumalalang banta na hatid nito sa kalikasan, trabaho, komunikasyon at sining.
Sabi nga nila, hindi kailanman mahihigitan ng isang pekeng kopya ang orihinal. Gano’n din ang AI at sining. Hindi uubra ang pira-piraso at tagpi-tagping produktong nai-generate ng AI sa makabuluhan, malalim at makataong sining na nagmula sa dugo at pawis.
Panahon na para sagutin ang hiling nina Novero at Spencer na talikuran ang bulagang paggamit sa AI at manumbalik sa tunay na proseso ng paglikha. Dahil ang pag-iisip at pagiging malikhain ang esensiya na nagbibigay-hugis sa kaluluwa at kamalayan ng sangkatauhan.