Balik-Tanaw

Kerima, makata’t rebolusyonaryo 


Tumatak si Kerima hindi lang bilang isang lider-rebolusyonaryo sa Negros, kung hindi bilang isa ring makata at artista ng bayan.

Umaga ng Ago. 20, 2021, pumutok ang balitang nabuwal sa isang “engkuwentro” ng New People’s Army  (NPA) at 79th Infantry Battalion ng Philippine Army si Kerima Lorena “Ka Ella” Tariman, 42, sa Silay City, Negros Occidental. 

Bulok na gobyerno, laganap na korupsiyon at walang habas na pamamaslang, ani Pablo Tariman sa panayam sa Digicast Negros, ang dahilan kung bakit pinili ng kanyang anak na sumapi sa NPA.  

Sa kabila ng pagbabansag kay Kerima ng militar bilang isang terorista at “dahilan ng paghihirap ng mga Negrense,” ibang naratibo ng pagkilala at pagpupugay ang kumalat. Tumatak si Kerima hindi lang bilang isang lider-rebolusyonaryo sa Negros, kung hindi bilang isa ring makata at artista ng bayan.  

Simula bata, nakita na ang angking husay ni Kerima sa malikhaing pagsulat. Pumasok at nagtapos siya sa Philippine High School for the Arts bilang isang iskolar ng malikhaing pagsulat. Sa edad na 16, nailimbag na ang unang koleksiyon niya ng mga tula, ang “Biyahe”. Umani ng pagkilala ang kanyang mga akda at nalimbag din sa iba’t ibang mga pahayagan. 

Sa kolehiyo, nahasa ni Kerima ang kanyang husay sa pagsusulat pati ang talas niya sa politika. Dito lalong lumalim ang kanyang pag-unawa sa lipunan at ang kanyang umaapaw na pagmamahal para sa bayan. Kaya matapos ang kanyang panunungkulang bilang managing editor ng Philippine Collegian noong 1999, pinili niyang bagtasin ang kabundukan ng Isabela at makipamuhay sa mga magsasaka. 

Taong 2000, nakulong si Kerima sa Ilagan, Isabela dahil sa gawa-gawang kaso at akusasyong bahagi siya noon ng armadong kilusan. Sa kanyang paglaya, muli niyang inilaan ang kanyang oras para tumulong sa pagtatayo ng pangkulturang organisasyong Kabataan para sa Tunay na Kalayaan (Karatula) at makibahagi sa pagpapatalsik kay noo’y Pangulong Joseph Estrada.

Malaki rin ang naging ambag ni Kerima sa pagpapalakas ng kilusang magsasaka. Sa inilabas na parangal ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), kinilala nila ang naging signipikanteng ambag ni Kerima sa muling pagpapasigla sa kampanyang bungkalan at okupasyon at sa gawaing pangkultura sa Hacienda Luisita simula 2013.

Ginamit ni Kerima ang natural niyang talento sa sining para maging daluyan ng mga materyal sa pagmumulat at pagpapalaganap ng aping kalagayan ng mga magsasaka.  

Ngunit sadyang masikip ang legal na kilusang masa sa kalungsuran para sa nag-uumapaw na ahitasyon ni Kerima. Tangan ang lapis sa isang kamay at baril sa isa, tumungo siya sa malalawak na asyenda at kabundukan ng Negros Occidental.

Nabuwal man si Kerima mula sa labanan, hinawan niya ang daan na susundan ng susunod na salinlahi ng mga artista ng bayan. Sa ikalimang taon ng kanyang pagkabuwal, muling ipinapaalala sa atin na ang sining ay pinaka epektibo kung nakasanib sa kilusang mapagpalaya.