FEATURED Kapirasong Kritika

Kerima Kabuluhan


Patunay rin ang buhay at kamatayan ni Kerima ng pangunahin sa ugnayan ng Kaliwa kay Duterte: determinadong paglaban, hindi pagsuporta.

Noong Agosto 20, kasama ang isang Ka Pabling, napaslang ng militar si Kerima Lorena Tariman — makata, manunulat, at aktibistang pangkultura na kilala sa hanay ng mga nabanggit — bilang kasapi ng rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) sa Silay, Negros Occidental.

Noong Agosto 22, lumaganap ang balita, at kagyat ang tugon sa social media ng mga kaibigan, kasama, tagahanga at tampok ang tatay niya: ipinagluksa ang kanyang kamatayan, at kinilala ang kanyang husay, sakripisyo at kabutihan — na pawang ipinaglingkod sa pakikibaka para sa paglaya at demokrasya ng bayan.

Matagal nang maalamat si Kerima, at lalo siyang naging maalamat dahil nakilala ang kanyang buhay sa kanyang pagpanaw, lalo na sa paraan nito. Totoo rin sa kanya ang sinabi ng manunulat na si John Berger tungkol sa lider-rebolusyonaryong si Ernesto “Che” Guevarra: “sa ilang madalang na kaso, ang trahedya ng pagkamatay ng isang tao ay lumulubos at nagpapatampok sa kabuluhan ng kanyang buong buhay.”

Isa na sa maraming paraan na napag-uusapan ang NPA ang pagpupugay ng maraming aktibista at rebolusyunaryo sa mga namatay na miyembro nito, lalo na iyung mga kilala rin sa labas ng naturang mga grupo.

Ganito ang nangyari sa pagkamatay ni Kerima: ang maraming nagmamahal, humahanga at rumerespeto sa kanya sa mga nagsasalikop na larangan ng pamamahayag pangkampus, panitikan, sining, aktibismo at rebolusyunaryong kilusan, ay pawang nagpahayag at umabot sa mas marami pa — bitbit ang mensahe tungkol sa tunay namang kahanga-hanga, kung hindi man kaakit-akit, na buhay niya.

Hindi nakakagulat, nagpahayag ang iba’t ibang personalidad tungkol sa buhay at kamatayan niya — syempre pa, mula sa kani-kanyang posisyong pulitikal at ideolohikal.

.

/Bayani/ Ang kilalang nobelista, komentarista at publisher na si F. Sionil Jose, tahasang idineklara sa isang Facebook post na hindi bayani si Kerima at ang kasamahan nitong pinaslang — dahil “lumaban sila para wasakin ang Republikang ito sa pamamagitan ng kanilang matagalang digma.”

Hindi rin daw bayani si dating Sen. Ninoy Aquino, na tila para sa kanya ay pagkakaroon lang ng malaking burol ang nagawa sa buhay — at mahahalata na rito ang pagpanig niya sa diktadurang nagsabing “magliligtas sa republika.” Hindi rin daw bayani ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na tila para sa kanya ay tumatakas lang sa masamang lagay ng bansa.

Lumalabas na ang mga bayani para sa kanya ay ang mga “manggagawang pangkalusugan na nasa frontline” ng paglaban sa pandemyang Covid-19 marahil, “ang mga magsasaka na lumilikha ng ating pagkain,” at ang mga nagtatanggol “sa Republikang ito,” pangunahin marahil ang “mga ordinaryong sundalo” na siyang pinaghambingan niya sa mga magsasaka.

Ang bawat pagkilala sa bayani ay pagkilala sa interes ng bayan sa isang panahon. Sa kaso ni Jose, tinatanggihan niya ang pananaw na kalayaan at demokrasya ang interes ng bayan mula noon hanggang ngayon — na ang dinadakila niyang “Republika,” na inaakala niyang itinuturing ng marami na karapat-dapat ipagtanggol, ay “republikang basahan,” sa mga salita ng historyador ni Teodoro A. Agoncillo, ng imperyalismong US, at tagapagmana ng kolonyal-kolaborasyunistang paghahari sa bansa.

Syempre pa, ang republikang dinadakila niya ang responsable sa mga problemang kinikilala niya: “bansang hindi makabuhay” sa mga OFW at paghihirap ng mga manggagawang pangkalusugan. Malalim na nakaugat ang mga suliraning ito sa kasalukuyang sistema ng lipunan, pero sa pananaw niya marahil, mga problema itong nalalabi mula sa mga naunang paglunas, at kayang lunasan sa hinaharap, ng kanyang pinakamamahal na republika.

Para sa republikang ito, gusto ni Jose na ang mga Pilipino ay maging bayani — “magsikhay, magdusa at magsakripisyo ng kung anong mahalaga” para sa “Filipinas.”

Walang duda, esensyal sa buhay ng bansa ang mga magsasaka at manggagawang pangkalusugan, gayundin ang mga OFW, at napakalaki ng kanilang ambag dito. Iyan ang malaking butil ng katotohanan na nasasapul ng paggamit ng salitang “bayani” para ilarawan sila.

Pero sa paggamit ni Jose, ang makaisang-panig na pagpuri sa kanila bilang mga bayani — na para bang kusa at wagas silang nagbibigay sa bayan — ay pagbubulag-bulagan sa kanilang kalagayan: paano sila nasadlak sa kanilang ikinabubuhay, gaano sila pinagsasamantalahan, at ano ang pananagutan ng gobyerno at mga naghahari sa kanila. Nakapokus si Jose sa indibidwal na pagpapasya, bulag sa paghubog ng mga istrukturang panlipunan.

Mapanganib ang konsepto ni Jose ng pagiging bayani: kung hindi pagtatanggol sa abstraktong republika, gaya ng ginagawa ng mga sundalo, ay ang pagpapailalim sa pagsasamantala at pagpapahirap, gaya ng paglalarawan niya, at gusto niyang mangyari, sa mga magsasaka at manggagawang pangkalusugan.

Hindi talaga bayani sa ganyang pakahulugan sina Kerima at Ka Pabling. Pero hindi iyan kabawasan nila, kundi ni Jose. Naghahanap siya ng mga bayani para sa kanyang republika; sina Kerima at Ka Pabling ay bayani ng katunggali nitong sambayanan.

/Rebolusyon/ Sa kanya namang Facebook post, sinabi ni Ruben Carranza, kilalang abogado at dating punong patnugot ng Philippine Collegian — opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman kung saan nagsulat din si Kerima — na “hindi kinakailangan” ang pagbubuwis ng buhay ng huli. Kumbaga sa wikang Filipino, sinasabi niyang “sayang” ang buhay ni Kerima.

Ang kanyang batayan: “hindi rebolusyunaryo,” aniya, “ang kanilang armadong pakikibaka” — bagay na hindi umano matanggap ng mga matatandang demagogo na namumuno sa isang kilusan, at siguradong ang Communist Party of the Philippines at NPA ang tinutukoy, “matapos ang mahigit 50 taon.” Na para bang sapat na batayan ang dami ng taon sa paghatol kung rebolusyunaryo o di-rebolusyunaryo ang isang porma ng pakikibaka.

Nakaugat ang kamaliang ito, aniya, sa “makitid na dogmang Maoista.” Totoo, itinuro ng lider-rebolusyunaryong si Mao Zedong ang matagalang armadong pakikibaka, gayundin ang matagal na pagpapanday ng sosyalismo. Pero may paliwanag siya rito: bagamat tiyak ang tagumpay ng pakikibaka, hindi ito isang tuwid na linya, kundi may liko’t ikid (twists and turns), pag-abante at pag-atras. Hindi lang ang bilang ng mga taon ang magtatakda ng tagumpay nito, kundi ang aktwal na tunggalian ng mga uri at pwersang panlipunan.

Pero hindi totoong itinuro ni Mao na “ang pagpatay at ang mamatay… ang tanging paraan para maging progresibo at radikal,” lalo na kung pag-iibahin at ibabangga ito sa mga pagsisikap na “na magbuo ng mga progresibong koalisyon at lantarang labanan ang mga pasista imbes na tulungan sila.”

Para kay Carranza, tila gawaing kriminal lang ang armadong pakikibakang isinusulong ng NPA, na walang kabuluhang “pagpatay at pagkamatay.” Isa itong simplistikong paninira sa isang organisasyon na ang gawain ay inilalarawan lagi na naglalaman ng “rebolusyong agraryo, pagbubuo ng baseng masa, at armadong pakikibaka” — at napakarami pang aral at alituntunin sa huli. Kasama pa nga rito ang paggalang sa makataong batas sa digma at pag-iwas sa di-kinakailangang sakripisyo.

Bagamat itinutulak ni Mao ang armadong rebolusyon, itinutulak din niya ang pagbubuo ng mga progresibo at mas malawak na koalisyon para labanan ang mga pasista. Hindi magkabangga ang dalawa, sa teorya ni Mao. At kahit sa kasaysayan ng bansa: nag-ambag sa pagpapabagsak sa diktadurang US-Marcos kapwa ang armadong pakikibaka at mga progresibong koalisyon, at nag-ambagan din ang dalawa.

At ang argumento ni Carraza tungkol sa rebolusyunaryong estratehiya ay nakatuntong sa resulta nito matapos ang isang tagal ng panahon. Sa gitna ng pasistang diktadura ni Rodrigo Duterte ngayon, nasaan ang tagumpay ng ilang taong pagbubuo ng mga “progresibong koalisyon” at lantarang paglaban umano sa mga pasista? Sa hindi nito pagtatagumpay sa pakahulugan ni Carranza, ibig bang sabihin ay hindi rin ito tunay na rebolusyunaryo, radikal at progresibo?

Labu-labo ang sinasabi ni Carranza tungkol sa estratehiya. Pilit din niyang pinag-iiba at hinahati ang “matatanda” at “kabataan” sa kilusang rebolusyunaryo. Tiyak na naiiba ang karanasan niya sa pagkakaibang ito, bilang dating miyembro ng organisasyon ng aktibistang kabataan na nasa labas ng pambansa-demokratikong Kaliwa, na minsang naging assistant secretary ng Department of National Defense. Sa huling katungkulan siya tumulong sa pagpapalaya kay Kerima nang unang makulong ito noong 2000, at marapat na siya’y pasalamatan para rito.

Pero taliwas sa karanasan niya, nagpapatuloy sa pakikibaka ang marami sa henerasyong nagtatag ng CPP at NPA, at tuluy-tuloy na isinusulong ang pakikibaka ng magkakasunod na henerasyon ng kabataan.

.

/Kilusan/ Sabi naman sa Twitter ng isang dating mamamahayag at ngayo’y kawani ng isang pandaigdigang NGO, pinagtaksilan si Kerima ng mga lider ng kilusang rebolusyunaryo dahil sa pagsuporta ng huli sa kandidatura ni Duterte noong 2016. Hindi na siya papangalanan dito, binura naman ang tweet at mga kasunod pa, at kaisa siya sa pagkondena sa mga paglabag sa karapatang pantao ng rehimeng Duterte. Katunayan, diyan nagmumula ang kanyang pananaw: simula’t sapul, ayaw at galit siya kay Duterte dahil sa mga pagpaslang nito sa Davao.

Interesanteng suriin ang sinasabi niya. Ipinagpapalagay niyang may pagkakaiba ang pamunuan ng rebolusyunaryong kilusan at si Kerima pagdating sa tindig sa usapin. Higit pa diyan, parang nagpapasya ang pamunuan at nagsisilbing tagasunod at tagapagpatupad lamang si Kerima — sa kabila ng kanyang matalas na paggagap sa mga prinsipyo ng rebolusyunaryong kilusan gaya ng ipinapakita ng mga sulatin niya.

Magkaiba man sa ibang usapin ang pamunuan at kasapian ng rebolusyunaryong kilusan, pinagbubuklod sila ng mga prinsipyo sa maraming bagay, kasama na ang pagharap sa malalaking pulitiko, lalo na’t tumatakbong presidente. Sabi nga ng maraming tagamasid, iisa lang ang tunay na partido pulitikal sa Pilipinas, sa pakahulugang may malinaw at mahigpit na tinatanganang prinsipyo, at iyan ay ang CPP. At sa pagharap sa mga kandidatong presidente, ang batayan nito sa pagsuporta o di-pagsuporta ay ang mga pahayag tungkol sa kapakanan ng sambayanan, bukod pa sa pakikitungo rito bilang pwersang pampulitika.

Noong eleksyong 2016, walang duda, ang may pinakamaraming progresibong pangako sa sambayanan at Kaliwa ay si Duterte — dahilan para mahatak ang marami sa Kaliwa mula sa nauna nang pagsuporta kay Grace Poe. Totoo, marami ring masasahol na pangako si Duterte noon, pero marami rin siyang ipinangako na mismong kahilingan ng masang anakpawis at sambayanan na ipinaglaban ng Kaliwa. Ang pulitika sa bansa, kahit ang eleksyong 2016, ay laging usap-usapan sa loob ng rebolusyunaryong kilusan, kalahok si Kerima. Hindi iyan basta-basta ipinataw sa kanya o sa buong kilusan.

Bukod pa diyan, walang dudang malaki ang pananagutan ni Duterte sa pasistang panunupil sa rebolusyunaryong kilusan. Pero siya lang ba ang may kasalanan dito? Kung isasantabi, para sa mas malinaw na pagsusuri, ang “gera kontra-droga” at pagpaslang sa iba pang personalidad, hindi ba’t ang panunupil ngayon sa Kaliwa ay pagpapatuloy-pagpapaigting din ng mga programang kontra-insurhensya ng mga naunang rehimen? At hindi ba’t may mahalagang usapin din sa nagpapatuloy na lakas ng militar sa gobyerno, sinuman ang maupong pangulo?

Kakatwa rin itong akusasyon ng pagtataksil. Nauna ang baha-bahaging pagsuporta kay Duterte bago ang pagpaslang ng rehimen nito kay Kerima. Masasabi bang si Kian delos Santos, ang batang pinaslang sa “gera kontra-droga” noong 2017, ay pinagtaksilan ng mga bumoto kay Duterte pero kumondena sa pagpatay sa kanya? May problema ba sa pagpanawagan ng mga mamamayang bumoto kay Duterte ng katarungan para kay Kian?

Sa dulo, masasabi sigurong kauna-unawa ang pagtatanong, at kahit pagiging kritikal, sa Kaliwa dahil sa naging baha-bahaging pagsuporta kay Duterte noong eleksyong 2016. Pero hindi na sana ito tumawid pa sa galit at pagtuligsa sa Kaliwa mismo. Ang pangunahing kalaban ngayon ay ang rehimen ni Duterte, at ang laging pag-ungkat ng akusasyong sumuporta kay Duterte noong eleksyon ay nagpapalalim lang ng pagkakahati sa hanay ng mga lumalaban sa kanya, at gumagatong sa mga sentimyentong anti-Kaliwa sa naturang hanay.

Patunay rin ang buhay at kamatayan ni Kerima ng armadong paglaban ng sambayanan, sa pamamagitan ng NPA, sa rehimeng Duterte — gayundin sa mabibigat na sakripisyo nito para sa naturang paglaban. At iyan ang pangunahin sa ugnayan ng Kaliwa kay Duterte: determinadong paglaban, hindi pagsuporta.

/Linya/ Marami sigurong pwedeng paghahambing ng mga pahayag at posisyon ng tatlo. Interesante, halimbawa, na para kay Jose, tagapagtanggol ng status quo, nagsisikap ang NPA na ibagsak ang republika — habang para kay Carranza, kritiko ng rebolusyunaryong estratehiya ng NPA, ay hindi ito rebolusyunaryo.

Anu’t anuman, ang pahayag ng tatlo tungkol kay Kerima — hindi bayani, sayang ang buhay, at pinagtaksilan ng pamunuan — ay ilan lang sa madalas nang linya ng mga pwersang anti-Kaliwa at maging di-Kaliwa, hinggil sa mga kamatayan ng mga NPA. Bukod pa diyan ang akusasyong terorista galing sa Estado.

Naglalabasan at pinapalakas ang ganyang mga paninira kapag ang namatay na NPA, gaya ni Kerima, ay nagpapakita na mayroon pa rin, katunaya’y marami, na mga kabataang mahuhusay at matatalino, nagmamahal sa kapwa at bayan, ang sumusuong sa iba’t ibang kahirapan at sakripisyo para isulong ang armadong pakikibakang gustong palabasin ng mga naghaharing uri na lipas na.

“Mainam,” sabi ni Mao, “kung tayo ay inaatake ng kaaway, dahil patunay ito na nakaguhit tayo ng malinaw na linya ng pagkakaiba sa pagitan ng kaaway at ng ating hanay.” Makakahalaw sa pahayag na ito, hindi man kaaway ang lahat ng pinaksa.

Hanggang kamatayan, gumuguhit ng linya ng pagkakaiba si Kerima.

02 Setyembre 2021