Lider-aktibista sa Cebu, inaresto sa gawa-gawang kaso
Inaresto si John Ruiz III sa mga walang batayan at gawa-gawa ang mga paratang ng tangkang pagpatay noong 2023 at paglabag sa Batas Pambansa 880 sa isang protesta noong 2025.
Kinondena ng Bayan Muna Partylist at Karapatan ang pag-aresto sa lider-aktibista na si John Ruiz III noong Ago. 31 sa Cebu City matapos ang protesta laban sa panghihimasok ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas.
Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Cebu City Field Unit si Ruiz dahil sa mga umano’y gawa-gawang kaso na tangkang pagpatay. Si Ruiz ang pangalawang pangulo para sa Visayas ng Koalisyong Makabayan at coordinator at dating nominado ng Bayan Muna Partylist Central Visayas.
“Isang walang habas na gawain ng pampolitikang persukusyon ang pag-aresto kay John Ruiz na isang desperadong hakbang para ikriminalisa ang lehitimong pagtutol at pagpapatahimik sa matapang na kritiko ng patuloy na pagpapaalipin ng administrasyon sa mga dayuhang kapangyarihan,” ani dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares sa wikang Ingles.
Ayon kay Colmenares, inaresto si Ruiz sa mga walang batayan at gawa-gawang mga paratang ng tangkang pagpatay noong 2023 at paglabag sa Batas Pambansa 880 sa isang protesta noong 2025.
Tinawag ni Colmenares na pawang kalokohan ang mga bintang sa kanilang kasamahang lider-aktibista sa Cebu.
“Si John Ruiz ay isang community organizer at hindi kriminal,” sabi ni Colmenares.
Paliwanag naman ni Karapatan secretary general Cristina Palabay, isa si Ruiz sa apat na pinangalanang indibidwal sa mandamyento de aresto ng Regional Trial Court Branch 55 sa Himamaylan City, Negros Occidental noong Ene. 22, 2024 kaugnay ng kasong tangkang pagpatay.
Nag-ugat ang kaso sa isa umanong engkuwentro sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 6, 2023. Naninindigan si Ruiz na nasa Cebu City siya noong panahong iyon kaya’t imposible na kasama siya sa engkuwentro.
“Ilang imbentong kaso pa ba ang ipupukol ng gobyerno kay John Ruiz at iba pang aktibista sa Central Visayas? Mariin naming kinokondena ang mga paratang na ito,” wika ni Palabay sa Ingles.
Dagdag ni Palabay, dalawa pang tanggol-karapatan ang pinagbibintangan sa kaso. Nauna na rin aniyang kinasuhan ng Armed Forces of the Philippines ng frustrated homicide si Ruiz noong 2023 kung saan nakapagpiyansa siya.
Sa kaso naman ng paglabag sa Batas Pambansa 880, kasama si Ruiz sa mga aktibistang sumugod at nagprotesta noong Set. 5, 2025 sa Department of Public Works and Highways Cebu City District Engineering Office dahil sa malawakang korupsiyon sa mga proyektong flood control.
Pinag-aaralan na ng grupo ni Colmenares ang pagsasampa ng mga kasong kriminal sa mga elemento ng pulisya at mga umano’y saksi na nagbigay ng maling testimonya laban sa mga aktibista. Kasama rin dito ang mga piskal na hindi ipinagbigay alam sa inirereklamo ang isinampang kaso na dahilan para hindi makadalo sa paunang imbestigasyon.
“Namimihasa na sila sa [pagsasampa ng] mga gawa-gawang kaso [laban sa mga aktibista],” ani Colmenares.
Iniuugnay ni Colmenares ang kaso ni Ruiz sa mas malawakang padron ng paggamit sa pulisya at mga hukuman para puntiryahin ang mga progresibong organisasyon.
“Nananawagan kami sa Commission on Human Rights, Integrated Bar of the Philippines at lahat ng demokratikong sektor na imbestigahan ang malinaw na kaso ng arbitraryong detensiyon at suportahan ang lahat ng mga bilanggong politikal,” sabi ni Colmenares.
Pansamantalang nakalaya si Ruiz nitong Set. 2 matapos magpiyansa ng P120,000. Naninindigan siya na walang batayan ang mga paratang at tinawag na “katawa-tawa” ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sa isang press conference nitong Set. 3, sinabi ni Ruiz na binansagan umano siyang “most wanted” ng pulisya sa kabila ng pagiging aktibo sa kulisang masa sa Cebu at patuloy na paglahok sa mga aktibidad sa komunidad at kilos-protesta.
“Mayroon bang ‘most wanted’ na maglalakad-lakad lang sa lansangan sa Cebu City? O ideneklara ba akong ‘Cebu’s most wanted’ dahil lang isa akong aktibista?” ani Ruiz sa wikang Cebuano.
Patuloy naman ang panawagan ng Karapatan-Central Visayas at iba pang grupo na ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban kay Ruiz at sa iba pang aktibista na pinangalanan sa mandamyento de aresto kasama si Dyan Gumanao at Jhonggie Rumol.