Malabong ugnayan sa subcontracting sa mga warehouse at sorting center

,

Numero unong pasakit sa mga manggagawang nagsosort ng ating parcels ang hindi pagkilala sa kanila ng mga kompanya bilang empleyado. Hanggang guniguni na lang ba ang kanilang katiyakan sa trabaho?

“Alipin era.” Ganito inilarawan ni Rosemarie Lamarosa, 53, processing staff sa isang logistics hub sa Cabuyao City, Laguna noong 2021, ang naging karanasan niya sa trabaho. 

Sa kasagsagan ng pandemya, habang lumalago ang online shopping at patuloy na dumadagsa ang mga parcel sa mga warehouse, kabaligtaran naman ang dinaranas ng mga manggagawang pundasyon ng industriyang ito. 

Araw-araw hinaharap ni Rosemarie ang mga abusadong supervisor, sapilitang overtime na walang bayad at kawalan ng malinis na banyo sa warehouse. Sa kabila ng pagiging mahalagang bahagi ng operasyon ng logistics company, pakiramdam niya ay madali lang siya palitan.

“Sunud-sunuran kami. Kapag sinabi nila na hindi pwedeng umuwi, hindi uuwi. Minsan may ‘TY’ na over time. 30-45 minutes thank you ‘yon. ‘Di ka puwede umuwi, kasi ‘pag umuwi ka tatanggalan ka nila ng schedule,” aniya.

Hindi nag-iisa si Rosemarie sa ganitong karanasan. Sa Bulacan, isang mapait ang sinapit ni Jenilyn, hindi niya totoong pangalan, dating stock clerk sa isang maliit na bodega na nagpoproseso rin ng mga parcel para sa Lazada.

Papasok ang mga delivery truck sa SPX Express Sorting Center 5 (SOC 5) sa Barangay Paciano, Calamba City, Laguna. Ayon sa kompanya, mahigit 25,000 square meters ang lawak ng pasilidad at may kakayahang magproseso ng 3 milyong parcels kada araw. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Mahigit isang buwan pa lang siyang nagtatrabaho nang walang kontrata. Napansin niya ring paiba-iba ang natatanggap niyang arawang sahod. “May P400, may P420, may P450, may P520, may may P530,” aniya.  Noong 2025, P550 ang itinakdang minimum na sahod sa Central Luzon.

Nang tanungin niya ang kanyang supervisor tungkol dito, ang tugon sa kanya, “Ikaw lang ang malakas ang loob magreklamo ng ganito.” Matapos noon, hindi na siya pinabalik sa trabaho.

Hindi ninais nina Rosemarie at Jenilyn ang magtrabaho sa warehouse. Pero pinili nila dahil malapit sa kanilang tahanan at isa sa kakaunting trabahong kayang mapasukan. Magkaiba man ang kanilang mga karanasan, iisa ang ipinapakita nito: sa likod ng mabilis na paglago ng e-commerce sa Pilipinas ay isang sistemang nakasalalay sa murang lakas-paggawa, kontraktuwalisasyon at kawalan ng pananagutan.

Paano nga ba nakakaiwas sa pananagutan ang mga dambuhalang e-commerce platforms sa mga suliranin ng mga kababaihang nagtatrabaho sa sorting hubs?

Sa mga nagdaang taon, mabilis na nagbago ang tanawin ng maraming probinsiya sa Luzon. Ang dating mga palayan at bakanteng lupain ay napalitan ng malalawak na warehouse at logistics hubs na nagsisilbi sa lumalaking industriya ng e-commerce.

Sa bayan ng Marilao, Bulacan, mahigit-kumulang 66 bodega at sorting centers para sa parcels ang nakarehistro. Nakakalat din ang mga hubs na ito sa iba’t ibang bahagi ng probinsiya at mga karatig na lugar.

Kasabay ng pag-usbong ng mga pasilidad ng e-commerce ang pagdami ng mga manggagawang kinakailangan sa pag-sort, pack, scan at delivery ng milyon-milyong parcels araw-araw.

Sa kabila ng mahalagang papel nila sa paggana ng sektor, karamihan sa mga manggagawa ay hindi kinikilalang empleyado ng mismong mga kompanya. Sa halip, nakapailalim sila sa masalimuot na sistema ng labor subcontracting.

Nakapila sa labas ng SPX SOC 5 ang ilang mga manggagawang mag-aapply bilang sorter. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Ito ang isiniwalat ni Mariel, hindi niya tunay na pangalan, dating recruitment officer ng isang manpower agency na nagsusuplay ng manggagawa para sa Lazada at Shopee.

Ayon sa kanya, halos walang direktang ugnayan ang mga manggagawa sa mismong e-commerce platforms. Pinangangasiwaan ang buong proseso ng hiring ng mga third-party manpower agency na mabilis ding nagpapalit ng bilang ng manggagawa depende sa kahingian ng mga kompanya kada araw.

Kapag matumal ang operasyon, maaari lang umabot sa 15 ang irekwes na manggagawa para sa araw na iyon. Ngunit pagsapit ng malalaking online sale gaya ng 9.9 o 10.10, umaabot ng tatlong shift sa isang araw ang operasyon at biglang dumarami ang kinakailangang tao.

Sa kanyang karanasan bilang recruiter, 5% hanggag 10% lang ng mga na-hire niya ang aktuwal na nakatanggap ng pirmadong kontrata. 

Nang tanungin kung itinuturing ba nilang empleyado ang mga trabahante, sumagot si Mariel, “Employed sila [sa amin], pero ang tawag namin sa kanila ay ‘customer.’” 

Tila transaksiyon lang ang turing sa manggagawa sa loob ng malaking supply chain ng e-commerce.

Bunga ang subcontracting ng mas malawak na sistema ng digitalisasyon ng paggawa. Ayon kay Professor Cheryll Ruth Soriano ng De La Salle University at principal investigator ng Resilient Platform Work Philippines, hindi lang binago ng digitalisasyon ang paraan ng pagtatrabaho, binago rin nito ang mismong organisasyon ng paggawa.

Aniya, sa pamamagitan ng teknolohiya at mga algorithm, binago at pinalawak nito ang depinisyon ng “trabaho” at kung paano inaayos ang ugnayan ng manggagawa at ng kompanya.

Malaking bahagi ng gastos at panganib ang ipinapasa sa manggagawa, habang inilalarawan ng mga digital platform ang kanilang sarili bilang mga kompanyang “nagbibigay lamang ng opportunity.”

Patapos na ang konstruksiyon ng bagong J&T Express sorting center sa Barangay Pulo, Cabuyao City, Laguna. Dalawang kilometro lang ang layo nito sa main hub sa Barangay Banaybanay sa Calamba City. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Sa depinisyon ng International Labour Organization (ILO), ang “platform worker” ay isang manggagawang nakakakuha ng trabaho mula sa mga digital platforms. Ngunit dahil ang mga packer, sorter, at maging mga delivery driver at rider ay nakakakuha ng trabaho mula sa manpower agencies o e-commerce platforms mismo, inilalarawan sila ni Soriano bilang mga “platform-adjacent workers.” Gayunpaman, nais pa niyang suriin ang terminong ito dahil limitado pa ang mga pag-aaral dito sa kasalukuyan.

“Kung ang pagpa-pack ng parcel ang mismong dahilan kung bakit umiiral ang kompanya, paanong hindi sila regular na empleyado nito?” ani Soriano. 

Tumutugma ang tanong ni Soriano sa mga salaysay nina Rosemarie, Jenilyn, Mariel at iba pang manggagawa sa iba’t ibang warehouse. Lahat sila’y nakapaloob sa sistemang gumagamit ng labor subcontracting upang hindi mapuwersa ang mga malalaking kompanya sa pagtiyak ng karapatan at kapakanan ng manggagawa.

Ganito rin ang obserbasyon ni Albert Hardinero, mula sa pederasyong Organized Labor Associations in Line Industries and Agriculture (Olalia-KMU) sa Timog Katagalugan.

Aniya, habang lumalawak ang e-commerce, sistematikong nawawasak ang lokal na produksiyon dahil mas nagbibigay ng puwang ang merkado ng e-commerce sa mga inaangkat na produkto.

“[Kung] ang produkto ay galing na sa China, ang kailangan na lang ay magde-deliver ng parcel, maghahakot at magso-sort. Iyon na ang kabuuang manpower na makukuha nila dito,” aniya.

Dagdag ni Hardinero, higit na napapalaki ng ganitong sistema ang tubo ng mga malalaking dayuhang kompanya na nagmanupaktura, nag-angkat at nagbenta ng mga produkto online.

Burado ang logo ng Shopee Express sa lahat ng orange delivery trucks na nagkakarga ng mga parcel nito sa Calamba City, Laguna. Kat Catalan/Pinoy Weekly

Halimbawa niya ang isang pabrika sa Laguna na may mahigit-kumulang 300 manggagawa noon ngunit umaabot na lang sa 26 ang direktang empleyado ngayon habang ang iba’y on-call workers.

Sa ganitong kaayusan, lalong nakakaiwas ang mga kompanya sa mga obligasyon nila sa manggagawa kaugnay ng sahod, benepisyo, regularisasyon at pag-uunyon.

Hindi pare-pareho ang mga pinsala ng sistemang ito sa mga manggagawa.

Ayon sa mga nakapanayam ng Pinoy Weekly, may malinaw na paghahati ng trabaho sa e-commerce hubs batay sa kasarian. Karaniwang nakatalaga ang kababaihan sa packing, sorting at conveyor belt operations, kung saan sila ang humahawak ng maliliit hanggang katamtamang laki na mga parcel.

Samantala, ang mga lalaki ay nakatalaga sa pagbubuhat ng mabibigat na kargamento at iba pang gawaing nangangailangan ng pisikal na lakas. Kalakhan din ng kalalakihan ay mga delivery truck drivers at riders.

Sa ilalim ng ganitong sistema, hindi lang pagtitiis ang naging tugon ng mga manggagawa. Tulad ng kuwento ni Rosemarie, ang pagtatrabaho sa e-commerce hubs ay naging praktikal na desisyon sa gitna ng kakulangan ng disenteng trabaho sa kanilang lugar. Hindi nila hinangad na maging alipin na nag-iimpake at nagsasalansan ng sandamakmak na produkto sa pang-araw araw.

Kaya naman, buhat ng mga naranasang abuso sa J&T Express, nagpasya siyang sumama sa kanilang welga noong 2022.

Isa si Rosemarie Lamarosa sa mga unang nagtrabaho sa hub ng J&T Express sa Barangay Banaybanay, Calamba City, Laguna at nagtatag ng kanilang unyon noong pandemya. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Kami ang unang batch ng strike. Kami ang humarang sa gate,” kuwento niya. Sa loob ng tatlong araw na tigil-paggawa, ipinakita nilang hindi aandar ang buong operasyon kung wala ang mga manggagawang nag-aayos, nagbubuhat at nagpoproseso ng bawat parcel.

Nagbunga ito ng pagtaas ng sahod mula sa dating minimum na P600 kada araw, pagbayad sa mga naantalang sahod at pangkalusugang benepisyo, at regularisasyon ng higit 70 na mga manggagawa.

Para kay Rosemarie, ipinakita ng karanasang ito na kahit gaano man kalaganap at kasalimuot ang sistema ng subcontracting, may puwang pa rin para sa kolektibong aksiyon ng manggagawa. 

Sa pangkabuuan, hindi lang pinabilis ng digitalisasyon ang pagdaloy ng mga produkto mula mga pabrika hanggang sa pintuan ng mamimili. Binuo rin nito ang isang supply chain na nakasalalay sa maseselang trabaho ng manggagawang kababaihan at kalalakihan na nagpapatakbo ng buong sistema.

Basahin ang unang bahagi