Dekanong Makabayan

Negosyo ng VP at two-thirds threshold


Malinaw ang accountability rationale sa likod ng flexible interpretation.

Sa Senate impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nagbigay ng mahahalagang testimonya sina dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Atty. Karen Batu ng Office of the Ombudsman para sa presentasyon ng prosecution sa Article II. Nakatuon ang artikulong ito sa mga alegasyon tungkol sa unexplained wealth, mga deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at business interests.

Si Justice Tang, na tumestigo noong Set. 14, ay iniharap pangunahin para ipaliwanag ang mga legal principles tungkol sa unexplained wealth at SALN. Ayon sa kanya, kailangang tingnan ang unexplained wealth kaugnay ng legal na kita ng isang public official, mga idineklarang ari-arian at mga pangyayari kung paano nakuha ang mga ito.

Hindi porke tumaas ang net worth ay masasabi na agad na ilegal ang pinanggalingan ng yaman. Kailangang tingnan kung saan ito nanggaling at kung ano ang ebidensiyang sumusuporta rito.

Binigyang-diin din ni Tang na mahalaga ang tapat, kumpleto at tamang SALN bilang instrumento ng transparency at public accountability. Tinalakay niya ang constitutional restrictions sa president at vice president pagdating sa direkta o hindi direktang pakikilahok sa negosyo habang nanunungkulan. Ipinaliwanag din niya ang konsepto ng beneficial ownership. Ibig sabihin, hindi sapat na tingnan lang kung kaninong pangalan nakalagay ang isang asset o negosyo. Kailangang alamin kung sino talaga ang may economic interest dito.

Sa cross-examination, kinuwestiyon ng defense ang independence at credibility ni Tang, pati ang umano’y political affiliations niya. Itinanggi niyang politically motivated o anti-Duterte siya. Itinanggi rin niyang may natanggap siyang anumang benepisyo o pangako kapalit ng kanyang testimonya. Iginiit niyang nakabatay lang ang kanyang sinabi sa kanyang pagkaunawa sa batas.

Ibang klase naman ng ebidensiya ang dinala ni Atty. Batu noong Set. 15. Bilang Officer-in-Charge ng Records Division ng Ombudsman, kinilala at in-authenticate niya ang mga opisyal na SALN ni Duterte na nasa kustodiya ng kanilang tanggapan.

Ayon sa mga SALN na iniharap sa trial, tumaas ang declared net worth ni Duterte mula P7.25 milyon noong 2007 hanggang P98.66 milyon noong 2025. Kabilang dito ang mga dagdag na P65.31 milyon noong 2021, P71.66 milyon noong 2022, P77.51 milyon noong 2023 at P88.51 milyon noong 2024.

Tumestigo rin si Batu na may idineklarang cash on hand or in bank si Duterte sa mga naunang SALN, kabilang ang P2 milyon noong 2007 at 2008, at P4.32 milyon noong 2012. Pero mula 2019 hanggang 2025, wala nang hiwalay na deklarasyon ng cash on hand or in bank sa kanyang mga SALN.

Tinukoy din ni Batu ang ilang business interests kung saan walang nakalistang corresponding shares of stock o acquisition costs sa iba’t ibang SALN. Pero malinaw siya sa limitasyon ng kanyang testimonya. Wala siyang personal na kaalaman tungkol sa aktuwal na assets o financial circumstances ni Duterte. Ang kanyang testimonya ay nakabatay sa mga opisyal na rekord na hawak ng Ombudsman.

Kaya magkaiba pero nagtutugma ang papel ng dalawang testigo. Ibinigay ni Tang ang legal framework para suriin ang ‘di maipaliwanag na kayamanan, mga SALN, at mga business interest. Si Batu naman ang naglatag ng documentary record na maaaring suriin gamit ang mga legal standard na iyon.

Ang testimonya ng alinman sa kanila, kung mag-isa lamang, ay hindi pa sapat para patunayang labag sa batas ang pagkuha o pagkalap ng anumang partikular na asset. Kailangang timbangin iyon ng impeachment court batay sa kabuuan ng ebidensiya.

Noong Set. 16, day 26 ng trial, walang regular na witness na tumestigo. Sa halip, apat na retiradong Supreme Court justice ang humarap bilang amici curiae, o “friends of the court,” para talakayin ang isang constitutional question na maaaring maging napakahalaga sa kahihinatnan ng kaso: ilang boto ba talaga ang kailangan para sa conviction?

Ang apat ay sina dating Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno, at dating Associate Justice Adolfo Azcuna. Nagsumite ng written memorandum si Davide, habang personal namang humarap ang tatlo.

Sinasabi ng Constitution na kailangan ang “two-thirds of all the Members of the Senate” para sa conviction. Ang tanong: palagi bang ibig sabihin nito ay two-thirds ng 24 senador, kaya 16 votes ang kailangan? O maaaring magbago ang denominator depende sa bilang ng mga senador na legal at aktuwal na kayang lumahok? Sa ngayon, nananatili ang naunang ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero na na 16 boto ang kailangan, maliban kung baguhin ito ng impeachment court.

Magkakaiba man ang kanilang reasoning, sina Davide, Panganiban at Puno ay pumabor sa interpretation na maaaring magbago ang denominator sa ilang sitwasyon. Si Azcuna lang ang nanindigan na lahat ng sitting senators ay dapat manatili sa denominator, maliban kung may permanent vacancy dahil sa kamatayan, resignation, o removal.

Para kay Davide, hindi dapat awtomatikong bilangin ang mga senador na hindi kayang gampanan ang kanilang tungkulin. Para kay Panganiban, hindi lang simpleng arithmetic ang impeachment. Bilang senator-judges, dapat silang makinig sa testimonya at personal na timbangin ang ebidensiya. Binigyang-diin naman ni Puno na fraction ang sadyang ginamit ng Constitution, hindi ang fixed number na 16, kaya dapat itong basahin sa mas contextual at functional na paraan.

Iba ang pananaw ni Azcuna, ang tanging Mindanawon sa apat na amici. May bigat ang kanyang argumento. Ang fixed denominator ay maaaring magsilbing proteksiyon laban sa posibilidad na manipulahin ng isang temporary majority ang bilang na kailangan para sa conviction. Sa ganitong pananaw, ang two-thirds requirement ay mahalagang safeguard laban sa partisan removal ng isang elected official.

Pero may isa pang mahalagang constitutional value na hindi natin dapat kalimutan: accountability.

Ang mas flexible na interpretation nina Davide, Panganiban at Puno ay umiiwas sa sitwasyon kung saan ang absence, incapacity, o sinasadyang hindi paglahok ng isang senador ay nagiging parang boto laban sa conviction. Sa rigid na interpretation, maaaring magkaroon ng parehong epekto ang isang senador na hindi nakilahok at isang senador na nakinig sa lahat ng ebidensiya at bumotong acquit. Iyan ang problemang gustong iwasan ng flexible interpretation, habang pinananatili pa rin ang mataas na two-thirds requirement ng Constitution.

Mas malaki rin ang responsibilidad na inilalagay ng ganitong interpretation sa mga senator-judges. Hindi dapat nadedesisyunan ang impeachment sa pamamagitan ng strategic absence. Isa itong constitutional mechanism para malaman, batay sa ebidensiya, kung dapat bang panagutin ang isang impeachable official. Ang mga pinagkatiwalaang humatol ay dapat lumahok, makinig, mag-deliberate at bumoto.

Kaya hindi lang tungkol sa magic number na 16 ang constitutional debate na ito. Ang mas malalim na tanong ay kung ano talaga ang ibig sabihin ng “two-thirds of all the Members” kapag may mga senador na hindi kaya, o ayaw, gampanan ang kanilang responsibilidad bilang mga judge.

Ang Senate impeachment court ang kailangang magpasya sa constitutional question na ito. Pero malinaw ang accountability rationale sa likod ng flexible interpretation. Dapat manatiling mataas ang two-thirds requirement bilang proteksiyon laban sa hindi makatarungang removal, pero hindi dapat maging paraan ang absence o nonparticipation para mabigo ang mismong proseso ng impeachment.

Mataas dapat ang threshold para sa accountability. Pero ang threshold na iyon ay dapat nakabatay sa mga senador na kayang gampanan ang kanilang constitutional duty na humatol, hindi sa mga bakanteng upuan.