Dekanong Makabayan

Hindi maipaliwanag na yaman, hindi nasusupil na misogyny


Ipinakikita ng Days 30 hanggang 32 ang malinaw na pag-usad ng kaso ng prosecution sa Article II: mula sa business interests at government contracts, patungo sa mga baril at ari-arian, at ngayon ay sa financial records.

Nakatuon ang Days 30 hanggang 32 ng impeachment trial sa Article II at sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman. Sa mga pagdinig noong Set. 28, 29, at Okt. 1, nagharap ang mga prosecutor ng ebidensiyang may kinalaman sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), mga kontrata sa gobyerno, mga baril, ari-arian, at mga transaksiyong pinansiyal.

Malaking bahagi ng Day 30 ang nakatuon sa GenCorp Industries Inc., na idineklara ni Sara Duterte bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 SALNs.

Sinuri ng mga prosecutor ang mga transaksiyon ng GenCorp sa Davao City government at ang mga kontrata nito sa PhilHealth Region 11. Ngunit lumitaw ang isang mahalagang usapin sa ebidensiya: bagama’t nakasaad sa SALNs ni Duterte ang GenCorp bilang business interest, hindi siya nakalista bilang shareholder sa corporate records.

Pagkatapos nito, naghanda ang mga prosecutor na tawagin si Davao City Mayor Baste Duterte upang tumestigo tungkol sa kompanya at sa mga kontrata nito sa gobyerno.

Tampok din sa Day 30 ang direct examination ni San Juan Rep. Bel Zamora, isa sa mga prosecutor ng Kamara.

Tumestigo si Police Maj. Joericson Sangalang, pinuno ng records ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office, na may 51 rehistradong baril si Duterte at ang kanyang asawang si Manases Carpio—22 kay Duterte at 29 kay Carpio—na tinatayang nagkakahalaga ng P7.22 milyon.

Iginiit ng mga prosecutor na hindi lumitaw ang mga baril na ito sa mga naunang SALNs. Ngunit sa halip na sa ebidensiya, malaking bahagi ng atensiyon ng publiko ang napunta kay Zamora mismo.

Nag-viral ang isang clip ng kanyang pagtatanong. Pinagtawanan ng mga kritiko ang kanyang boses at paraan ng pagsasalita, habang inakusahan naman siya ng ilang Duterte supporters na nagpapa-“cute.”

Tinawag ni Zamora na misogynistic ang marami sa mga komentong ito. Aniya, maging ang matatalino at mahusay magsalitang kababaihan ay patuloy na inaatake hindi dahil sa kanilang mga argumento kundi dahil sa paraan ng kanilang pagsasalita at pagpapahayag. Nangako siyang hindi hihingi ng paumanhin sa paraan ng kanyang pagsasalita. At hindi niya dapat gawin iyon.

Umabot sa Senado ang puna noong Okt. 1 nang batikusin ni Sen. Raffy Tulfo ang isang “pa-cute” na prosecutor nang hindi pinapangalanan kung sino. Bilang tugon, binanggit ni prosecution counsel Lorna Kapunan ang Safe Spaces Act.

Ipinapakita ng pangyayaring ito ang isang matagal nang problema sa diskursong pampolitika sa Pilipinas. Mabilis na nalilihis ang debate mula sa mahahalagang usapin tungo sa pag-atake sa boses, hitsura o kilos ng isang babae.

Ridiculous ang pangungutya kay Zamora.

Ngunit mahalaga ang pagiging consistent. Mali ang misogyny kahit sino pa ang target nito. Misogynistic ang ginagawa kay Zamora, kung paanong mali rin ang sexist attacks laban sa mga senador na sina Risa Hontiveros, Loren Legarda, Pia Cayetano, Camille Villar at Imee Marcos.

Maging ang ilang kababaihan, mula sa magkabilang panig ng politika, ay nakikilahok sa ganitong frenzy.

Dalawa lang ang pagpipilian natin: kondenahin natin ang misogyny nang walang pinipili o tanggapin nating katanggap-tanggap ito basta ang target ay taong hindi natin gusto.

Kinokondena ko ang lahat ng misogyny laban kaninuman, saanman at anumang oras.

Sa Day 31, humarap sa witness stand si Davao City Mayor Baste Duterte sa paglilitis ng kanyang kapatid. Idineklara siya ng hukuman bilang hostile witness.

Kinumpirma ni Baste na nakatanggap ang GenCorp ng mga kontrata mula sa city government. Kinilala rin niya ang kanyang ugnayan kay Jaime T. Cruz, isang malaking stockholder ng GenCorp at business associate niya sa isa pang kompanya, ngunit itinanggi niyang alam niya ang sinasabing koneksiyon ng kanyang kapatid sa GenCorp.

Nagkaroon din ng mahalagang procedural ruling sa araw na iyon. Naghain ang mga prosecutor ng 104-item request for admission hinggil sa financial records nina Duterte at Carpio.

Nagpasya ang hukuman na hindi kailangang sagutin ni Duterte ang mga request, batay sa kanyang constitutional right against self-incrimination at sa prinsipyong nasa prosecution ang burden of proof. Tumanggi rin itong mag-subpoena kay dating Sen. Sonny Trillanes bago maiharap ang mismong financial records na pinagbabatayan ng kaso.

Dapat unawain ang desisyong ito ayon sa tunay nitong kahulugan: pagpapatibay ito sa isang pangunahing constitutional protection. Kailangang patunayan ng prosecution ang mga alegasyon nito sa pamamagitan ng admissible evidence.

Sa Day 32, lumipat ang usapin sa pagmamay-ari ng mga ari-arian.

Tumestigo ang mga opisyal ng Register of Deeds tungkol sa dalawang ari-ariang nakuha ni Carpio. Kablang dito ang isang P6-milyong property sa Matina, Davao City noong 2024 at isang P3 milyon property sa Samal, Davao del Norte noong 2018.

Ayon sa mga prosecutor, wala ang dalawang ito sa kaukulang joint SALNs. Iginiit naman ng defense na hindi partikular na tinukoy ang mga ari-ariang ito sa Articles of Impeachment.

Inalis din ng mga prosecutor si Trillanes bilang witness at sa halip ay aasa sa documentary at institutional evidence.

Ang susunod na malaking labanan ay tungkol sa banking records at mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Hiniling ng mga prosecutor ang testimonya ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura tungkol sa covered at suspicious transaction reports na kinasasangkutan nina Duterte, Carpio at iba’t ibang korporasyon. Humingi naman ang defense ng dagdag na panahon upang suriin ang napakaraming dokumento at nagbangon ng mga usapin tungkol sa confidentiality at bank secrecy.

Pumayag ang hukuman at inilipat sa Okt. 5 ang testimonya ni Buenaventura.

Ipinakikita ng Days 30 hanggang 32 ang malinaw na pag-usad ng kaso ng prosecution sa Article II: mula sa business interests at government contracts, patungo sa mga baril at ari-arian, at ngayon ay sa financial records.

Patuloy namang kinukuwestiyon ng defense ang relevance, sufficiency at procedure habang ginagamit ang mga constitutional protections na nakalaan sa akusado.

Mananatiling maingay ang politika sa paligid ng impeachment trial. Ngunit sa huli, ang kaso ay dapat tumayo o bumagsak batay sa ebidensiya, due process at sa kakayahan ng prosecution na patunayan ang mga alegasyon nito.