Ang guro sa ekonomiya ng paaralan
Ang guro ay manggagawa rin. At ang katotohanang iyon ay dapat seryosohin.
May kakaibang ekonomiya ang isang araw ng trabaho ng guro. Alam ng lahat na hindi ito nagtatapos sa oras na nakalagay sa class schedule, pero bihira nating bilangin ang mga oras na ginugugol upang matapos ang lahat ng kailangang gawin.
Maagang pumapasok ang guro. Buong araw siyang nagtuturo, humaharap sa higit 30 magkakaibang personalidad, nag-aangkop ng aralin para sa iba’t ibang antas ng pagkatuto, sumasagot sa mga magulang, dumadalo sa mga meeting, nangongolekta ng datos, nagche-check ng papel, nag-a-update ng online systems, nagsasagawa ng kung anu-anong documentation, naghahanda para sa susunod na araw, umaalalay sa nahihirapang mag-aaral at nagbibigay ng dagdag na hamon sa mabilis matuto.
Kapag may absent na katrabaho, maaaring siya rin ang sumalo. Kapag may programa, maaari siyang maatasan. Kapag may bagong “inobasyon”, siya ang kailangang matutong gumamit. Kapag nagloko ang teknolohiya, maaari siyang maging technician. Sa pagitan ng lahat ng ito, inaasahan din siyang maging nurse, counselor, social worker, tagapamagitan at pangalawang magulang.
Tapos, matatapos ang klase. Pero madalas, hindi natatapos ang trabaho. Sanay na tayong ilarawan ang pagtuturo bilang propesyon, o bokasyon na may panata sa bayan. May katotohanan ang mga paglalarawang ito. Nangangailangan ng kaalaman at kasanayan ang pagtuturo. May pananagutang panlipunan ang isang guro na hindi kayang tumbasan ng suweldo lang. Pero may isang mas payak na katotohanang kailangang balikan: ang guro ay isang manggagawa.
Ipinagbibili niya ang kanyang paggawa kapalit ng sahod. May pinaglilingkurang institusyon, oras ng trabaho, mga superbisor, pamantayan sa pagganap at mga tungkuling itinatalaga sa kanya. Nililikha ng kanyang paggawa ang isang edukadong mamamayan, isang bagay na kailangan ng lipunan.
Mahal ng guro ang kanyang mga mag-aaral. Hangad niyang matuto ang kanyang mga estudyante, makapagtapos at magkaroon ng mas magandang buhay. Bahagi ito ng dahilan kung bakit niya pinili ang pagtuturo. Pero hindi nangangahulugang walang hanggan ang kapasidad ng isang manggagawa.
Tulad ng ibang manggagawa, napapagod ang guro kapag patuloy na nadaragdagan ang kanyang mga tungkulin nang walang sapat na tauhan, panahon para maisagawa ang mga ito at kaukulang sahod. Kasabay nito, inaasahan siyang umunawa at umagapay sa emosyon ng mga batang nasa harap niya. Kailangang maging matiisin kahit pagod, mahinahon kahit naiirita at maalaga kahit ubos na ang sariling lakas.
Mahirap ang klase? Kailangang maging masigla pa rin. Galit ang magulang? Kailangang manatiling mahinahon at magalang. May batang dumaranas ng problema? Kailangang may panahon pa rin para makinig.
At sa paligid ng pagtuturo ay lumalaki ang isang buong mundo ng forms, reports, monitoring, documentation at data. Bawat programa ay may report; bawat intervention ay kailangang idokumento; bawat aktibidad ay kailangang i-record; bawat bagong platform ay may bagong account, bagong password, at bagong kailangang matutuhan.
Ito ang tinatawag na labor intensification kung saan parami nang parami ang trabahong ipinapagawa sa parehong manggagawa sa loob ng halos parehong suweldo at oras ng trabaho. Maaaring hindi nadagdagan ang opisyal na teaching load ng guro, pero patuloy namang nadaragdagan ang lahat ng gawaing nakapaligid dito. Kasabay ng pagtuturo ang paperwork, assessment, communication, reporting, intervention at care work. Hindi man makita sa class schedule, trabaho pa rin ang mga ito.
Kung regular nang gumagawa ang guro ng counseling, clerical work, health-related work, technical support at administrative tasks, hindi maaaring ang sagot sa bawat kakulangan ay “mag-adjust” ang guro. Ang bawat tungkulin ay nangangailangan ng manggagawa, ang paggawa ay nangangailangan ng oras, at may halaga ang oras. Kung kailangan ng isang paaralan na limang trabaho ang gawin ng isang tao, may problema sa staffing ang paaralan. Kahit gaano kaganda ang mission statement nito.
Mahal ng guro ang kanyang mga mag-aaral. Hangad niyang matuto ang kanyang mga estudyante, makapagtapos at magkaroon ng mas magandang buhay. Bahagi ito ng dahilan kung bakit niya pinili ang pagtuturo. Pero hindi nangangahulugang walang hanggan ang kapasidad ng isang manggagawa.
Marahil, hindi na kailangang itanong kung bakit pagod ang mga guro. Alam na natin ang sagot. Ang mas mahalagang tanong ay bakit ang isang sistema ng edukasyon na sinasabing nakasentro sa pangangailangan ng mga bata ay patuloy na umaasa sa mga manggagawang kailangang mag-unat ng sarili lampas sa makatuwirang kayang ibigay ng isang tao?
Ang guro ay manggagawa rin. At ang katotohanang iyon ay dapat seryosohin.