Naka-medical leave, buntis na NPA, binaril, dinakip sa Tagum
Si Arnida Cuaton Maguiguilid ay naka-medical leave nang barilin sa likod habang papasok sa tinutuluyang boarding house sa Barangay Visayan, Tagum City, Davao del Norte.
Binaril ng mga ahente ng militar ang isang walang armas at pitong buwang buntis na kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Tagum City, Davao del Norte noong Set. 19, na nagdulot ng pagkaparalisa niya mula baywang pababa.
Si Arnida Cuaton Maguiguilid ay naka-medical leave nang barilin sa likod habang papasok sa tinutuluyang boarding house sa Barangay Visayan sa nasabing lungsod.
Kumplikado ang kanyang pagbubuntis kaya kailangan ng tuloy-tuloy na pagpapatingin sa doktor. Dinala siya ng kanyang kasamahan sa bahay sa ospital, kung saan kinuha umano siya ng mga sundalo bago iharap sa midya bilang “sumuko” noong Set. 24.
Iginiit ni Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule na paglabag sa internasyonal na makataong batas ang pamamaril. Aniya, hors de combat o walang kakayahang lumaban si Maguiguilid. Isinapanganib din ng pag-atake ang sanggol sa kanyang sinapupunan ayon kay Taule.
Pinabulaanan din ng National Democratic Front-Far South Mindanao Region ang paratang ng militar na mga kasamang NPA ang bumaril kay Maguiguilid. Anila, ginagamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paratang upang pagtakpan ang pananagutan nito sa pamamaril sa isang hindi armadong buntis.
Itinanggi naman ni Maj. Ruben Gadut, tagapagsalita ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, ang pagkakasangkot ng militar sa insidente. Tumulong lang umano sila sa pagsuko at pagpapagamot ni Maguiguilid.
Sa hiwalay na insidente, ginamit ng 93rd Infantry Battalion ng Philippine Army na nakahimpil sa Leyte ang mga larawan ng pagdiriwang ng ikapitong kaarawan ng isang bata upang gipiting sumuko ang kanyang inang mandirigma ng NPA.
Pagsasamantala at maitutumbas sa pag-hostage ang pagsasapubliko ng pangalan, larawan at lokasyon ng bata kasabay ng ultimatum sa kanyang ina giit ni Taule.
Kinondena ng Karapatan ang mga paglabag at nanawagan sa mga tanggol-kababaihan at mga bata na tulungan ang mga biktima na makamit ang hustisya at panagutin ang AFP sa mga naiulat na insidente.