Nang kainin ng makina ang P100 ko
Kapag pumalya ang sistema, hindi lang pera ang kailangang habulin. Minsan, pati oras na pilit nating pinagkakasya sa isang araw.
Nakausli pa ang P100 ko sa beep card loading machine nang mapansin kong hindi nito tuluyang tinatanggap ang pera ko.
Papunta ako sa internship ko noong araw na iyon at nagmamadali akong mag-load ng student beep card. Akala ko mas makakatipid ako ng oras kaysa pumila sa counter. Ipinapasok ko ang P100 at hinintay na kunin ito ng makina, pero naipit ito. Hindi ko rin basta mahila dahil baka mapunit.
Ilang segundo akong naghintay, umaasang gagana pa ito, hanggang sa mapansin kong nauubos na ang oras ko. Tinawag ko ang guard para may makasaksi sa nangyari.
Sinamahan niya ako sa counter para i-report ang problema. Sinabihan akong tingnan ulit ang makina kung may lalabas na resibo. Bumalik ako at tiningnan ang pera, pero ganoon pa rin. Pinapirma ako sa isang form para sa claim ng P100 at sinabihang bumalik kinabukasan.
May pera pa naman ako noong araw na iyon, kaya kaya ko pang maghintay. Pero habang nagpapatuloy ang araw ko, hindi ko maiwasang isipin ang ibang estudyanteng maaaring nasa parehong sitwasyon. Paano kung iyon na ang natitirang pera niya para sa pamasahe at pagkain?
Makalipas ang dalawang araw, bumalik ako dala ang form. Akala ko mabilis na lang ang proseso at makukuha ko na ang pera. Mula sa counter, pinapunta ako sa opisina para tingnan ang claim ko. Doon sinabi sa akin na “negative claimed” ang nasa form. Wala raw record na nakain ng makina ang P100 ko.
Hindi ko agad maintindihan kung paano nangyari iyon. Hindi naman tuluyang pumasok ang pera ko at nakausli pa ito nang mapansin kong may problema.
Sa bawat balik, umaasa akong iyon na ang huling araw na kailangan kong asikasuhin ang P100. Habang tumatagal, mas nararamdaman kong hindi lang pera ang hinihintay kong maibalik kundi ang oras na paulit-ulit kong ginugugol para rito.
Paano magkakaroon ng record kung hindi naman nito nakuha nang buo ang pera? Sinabi ko iyon sa staff, pero sinabihan akong bumalik muli kinabukasan. Paglabas ko ng opisina, nakita kong inaayos ang mismong makina na pinaglagyan ko ng pera. Sira na naman.
Bigla kong naisip kung ilang komyuter pa kaya ang maaaring maabala kapag hindi gumagana nang maayos ang isang kagamitang dapat sana ay nagpapadali ng biyahe.
Hindi pa rin doon natapos ang paghihintay. Kinailangan ko pang bumalik sa mga sumunod na araw dala ang form at ang parehong claim.
Sa bawat balik, umaasa akong iyon na ang huling araw na kailangan kong asikasuhin ang P100. Habang tumatagal, mas nararamdaman kong hindi lang pera ang hinihintay kong maibalik kundi ang oras na paulit-ulit kong ginugugol para rito.
Makalipas ang limang araw, nakuha ko rin ang P100. May ginhawa nang maibalik ito sa akin dahil pera ko iyon at kailangan ko rin itong pagkasyahin para sa mga gastusin sa araw-araw. Pero kasabay ng ginhawa ang pag-iisip sa limang araw na lumipas. Limang araw para sa perang dapat ay hindi ko na kailangang habulin.
Noong araw na iyon, ang akala ko ay makakatipid ako ng oras sa paggamit ng loading machine. Sa halip, mas marami pa akong oras na ginugol para mabawi ang perang hindi naman dapat nawala sa akin.
Doon ko nakita na hindi lang isang makina ang maaaring pagmulan ng abala sa pampublikong transportasyon. May mga biyahe ring naaantala dahil sa problema sa tren o bagon, signal at iba pang kagamitan, maintenance o siksikan ng mga pasahero. Kapag pumalya ang isang bahagi ng sistema, may komyuter na kailangang maghintay.
Hindi ko sinisisi ang mga taong tumulong sa akin. May mga proseso silang kailangang sundin at ginawa nila ang kanilang bahagi para maasikaso ang claim ko. Pero mas malaki kaysa sa isang empleyado o isang makina ang sistemang kailangang gumana para sa mga komyuter.
Nabawi ko ang P100 makalipas ang limang araw. Pero sa mga araw na iyon, naisip ko na kapag pumalya ang sistema, hindi lang pera ang kailangang habulin. Minsan, pati oras na pilit nating pinagkakasya sa isang araw.

Kuwento ka naman, bhie! Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.