Walang batang likas na masama
Magpapasko noon, naalala ko pa kung paano ko sila tinanong isa-isa kung ano ang wish nila para sa Pasko.
Aaminin ko, natakot ako noong una akong pumunta sa Bahay Pag-asa.
Puro lalaki ang mga batang naroon at hindi ko alam kung paano ako lalapit sa kanila, kung paano ko sila kakausapin o kung paano ko sila pakikitunguhan nang hindi iniisip kung bakit sila naroon. Siguro, dahil bago ko pa sila makilala, may nauna nang kuwento sa isip ko tungkol sa children in conflict with the law (CICL).
Bago ko sila personal na makaharap sa Malolos, Bulacan, aaminin kong mababaw ang pagtingin ko sa usapin ng juvenile justice. Nakakahon lang ang aking pag-unawa sa mga nakikita at naririnig ko sa media at sa mga label na agad ibinibigay sa mga batang nasasangkot sa krimen.
Kalaunan, nalaman kong karamihan sa kanila’y mas bata pa sa akin. Doon naging mas madali para sa akin na isipin kung anong papel ang dapat kong gampanan sa harap nila—ate muna.
Nagkaroon kami ng iba’t ibang aktibidad. Nag-drawing kami ng kanilang mga pangarap. May ilan na gustong maging pulis, engineer o musikero. May iba naman na simple lang ang gusto: ang maging malaya muli.
Noong una, akala ko ang kalayaan ay simpleng makalabas sa Bahay Pag-asa, makauwi at makasama ang pamilya. Pero habang mas nakikilala ko sila, naisip kong baka gusto rin nilang maging malaya sa mga matang mapanghusga. Malayang mangarap. Malayang magsimula muli.
Magpapasko noon, naalala ko pa kung paano ko sila tinanong isa-isa kung ano ang wish nila para sa Pasko. Pinagsulat ko sila sa papel na para bang Santa Claus ako. Nagbiro pa ako na iyong mga kaya ko lang naman tuparin ang maaari nilang hilingin.
Doon ko mas binigyan ng espasyo ang sarili kong makinig sa kanilang mga kuwento, mas nakita kong may mga bagay sa buhay ng isang bata na hindi natin agad nakikita kapag ang alam lang natin ay ang kasong kinasasangkutan niya.
Isa-isa kong binasa ang kanilang mga sagot. Hanggang sa mabasa ko ang isinulat ni Junel.
“Sana mabigyan ng linaw ang kaso ng bawat isa sa amin.”
Huminto ako sandali dahil sa lahat ng humiling sa kapirasong papel, sa kaniya lang ang naiiba. Kaya tinanong ko siya kung bakit at doon niya ikinuwento kung paano nila ginugugol ang Pasko at mga kaarawan sa loob ng Bahay Pag-asa.
May sariling pamilya ang mga social worker na nag-aalaga sa kanila kaya kapag may mga okasyon, umuuwi rin ang mga ito sa kani-kanilang bahay. Sila naman, naiiwan sa loob at bihirang bisitahin ng kanilang pamilya. May ilan pa na simula nang makarating doon ay hindi pa nabibisita, kahit sa kanilang birthday.
Binasa ko ulit ang papel at nakita ang salitang umagaw ng atensiyon ko.
Linaw.
Doon ko naisip kung ilang araw, buwan o Pasko ang maaaring lumipas habang naghihintay silang mabigyan ng linaw, hindi lang sa kasong kinasasangkutan nila kundi pati na rin kalinawan sa sistemang kinapapalooban nila.
Doon ko mas binigyan ng espasyo ang sarili kong makinig sa kanilang mga kuwento, mas nakita kong may mga bagay sa buhay ng isang bata na hindi natin agad nakikita kapag ang alam lang natin ay ang kasong kinasasangkutan niya.
Hindi ko sinasabing walang pananagutan ang mga batang nakagawa ng mali. Ngunit hindi rin natin maaaring ihiwalay ang kanilang mga pagkakamali sa mga kalagayang maaaring nakaimpluwensya sa kanilang buhay—kahirapan, kakulangan ng suporta at sistemikong pagkukulang na dapat sana’y gumagabay at pumoprotekta sa kanila.
Dahil dito, mas nanaig sa akin ang paniniwalang kailangan silang tingnan mula sa lente ng pag-unawa at pag-aaruga bilang mga batang may emosyonal, sosyal at pang-edukasyong pangangailangan, hindi lang batay sa kanilang nagawa.
Pumasok ako sa Bahay Pag-asa na may bitbit na gamit, pagkain at regalo para sa kanila ngunit sa bandang huli sila ang may pabaon na aral na bibitbitin ko saan man ako mapadpad.
At iyon ang kagustuhang itampok ang tunay na realidad at mga kwento ng mga batang ito at tuluyang putulin ang mga hindi mapagpalayang naratibong matagal nang nakakabit sa kanila.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.