Sakripisyo’t hanapbuhay sa lumulutang na tambakan
Nagsisikap ang mga residente sa isang saradong dumpsite sa Meycauayan City, Bulacan na kumita sa pangangalakal, ngunit mismong pamahalaang lokal pa ang pumipigil na magkaroon sila ng marangal na ikabubuhay.
Walang sino man ang pipiliing manirahan sa tambakan ng basura, pero para sa ilan, ito na ang makakayanan.
Sa ibabaw ng naiwang basura na singtaas na ng dalawang palapag na gusali matapos ang 16 taon na pagpapasara sa open dumpsite sa tabing-ilog ng Barangay Caingin, Meycauayan City, Bulacan, naroon ang 90 tagpi-tagping bahay na tahanan ng mahigit 150 pamilya. “Floating” ang tawag nila sa kanilang lugar dahil lumulutang-lutang ang tambak ng basura.
Noong 2023, bumalik ang may-ari ng lupa para itulak ang relokasyon ng mga residente. Pero hindi kayang mawalan ng tahanan at kabuhayan ng mga pamilya roon.
Binuo nila ang Samahang Nagkakaisang Magkakapitbahay Home-based Workers Association sa Floating Dumpsite (SaNaMaKa-Flo) sa pag-asang magkaroon ng legal na karapatang mangupahan sa lupang tinatayuan ng kanilang tahanan.
Pirmado na ng may-ari ng lupa na si Alicia Geronimo ang kasunduan na gawing rent-to-own ang 5,331 square meter mula sa kabuuang 25,331 square meter ng dumpsite—may 30 square meter ang bawat tahanan. Ayon sa kontrata na pinirmahan ng magkabilang panig noong Hunyo 6, may paunang bayad ng P5,000 ang mga residente at buwanang P1,250 sa loob ng limang taon.
“Hanggang ngayon hinihintay pa rin namin kung ano talaga ang desisyon ng may-ari ng lupa. Kahit sa totoo lang, nakapirma na talaga siya sa kontrata,” sabi ni SaNaMaKa-Flo president Cristy Hernandez.
Taya na naman

Pangatlong beses na haharap sa relokasyon sina Cristy. Galing siyang Valenzuela. Lumipat sila sa Meycauayan noong 2014 dahil naaksidente ang kanyang mister na si Noli at inabutan sila ng tulong ng kanyang kapatid na may-ari ng bodega sa loob ng Floating.
Nabali ang mga buto sa braso at hita ni Noli matapos mabangga ng sasakyang Ford Everest. Gamit ang mga pinong kawad at turnilyo na nakaangkla sa kanyang buto, kinabitan ng bakal ang kanyang mga bali.
Para sa panggastos ng kanyang pamilya, pumasok si Cristy bilang labandera at tagatastas ng polyethylene (PE) plastic na galing sa CDO Foodsphere Inc. sa bodega ng kanyang kapatid.
“Ang baho. Tiniis ko talaga. Nagsisiksik dito [sa kuko ang dumi]. Tapos ‘yong mga uod ang dami-dami napapatalon ako, ang dami-daming langaw. Tiniis ko lahat ‘yon,” kuwento ni Cristy.
Bukod sa trabaho, inalagaan din niya ang kanyang mister, “Babalikan ko siya, pamimeryendahin ko. Basta aalagaan ko siya, para nga siyang baby noon e.”
Tatlong taon bago tuluyang naalis ang mga bakal sa katawan ni Noli, pero matapos ang saglit na ginhawa, nakulong siya mula 2020 hanggang 2023 sa isang pekeng buy-bust operation.
“Pinasok [ng mga pulis] ‘yong bahay namin tapos may hinahanap na tao. E hinarap ni Noli tapos hinuli na siya,” kuwento ni Cristy. “Bale, gumawa sila ng istorya, ‘yong senaryo, nahuli siya na bumibili [ng droga] sa bakanteng lote.”
Maaga siyang nakalaya dahil sa pagiging trustee at kamakailan lang lumabas na “No Record on File” sa National Bureau of Investigation ang kanyang kaso.
Taong 2025, pinaalis sila sa dati nilang inuupahan sa labas ng Floating dahil gagamitin na ng may-ari ang lugar kaya lumipat sila sa looban. Tagpi-tagpi nilang binuo ang kanilang tahanan mula sa binili nilang bulok at lubog sa tubig na kubo.
“Hindi namin alam kung saan kami pupunta, ayaw din naman naming lumayo dito [sa Caingin] ba,” sabi ni Cristy.
Nagsariling sikap si Cristy. Nagsimula siyang mangalakal ng pambalot ng parcel sa Lazada at maging live seller ng mga produkto galing Japan na ibinibenta ng kanyang kapatid. Nagtayo rin siya ng igiban ng tubig ngunit nahinto rin agad dahil sa taas ng bayarin. Suma-sideline naman bilang mekaniko ang kanyang mister.
“Ngayon ko lang talaga naranasan ang walang pera e, dito [sa Floating],” ani Cristy. Kamakailan lang ay tinanggalan sila ng kuryente dahil hindi na nila ito mabayaran. Sabi niya, nakalaya nga ang kanyang mister sa bilangguan, utang naman ang bago nilang kulungan.
Ang pinaghirapan pa nilang dalawang palapag na bahay, unti-unti nang tumatagilid dulot ng sunod-sunod na pag-ulan. Sumasabay kasi sa pagtaas ng katabing ilog ang basura na tinatauyan nito. Madalas, nakalubog ang unang palapag ng kanilang tirahan at ang repair shop ni Noli.
Kung tuluyang paaalisin sa Floating sina Cristy, baka hindi na makabangon ang kanyang pamilya. Kaya buo ang loob ni Cristy bilang presidente ng SaNaMaKa-Flo na magkaroon ng karapatan sa lupa—hindi lang ang pamilya niya, kundi pati ang iba pang residente.
“Inaaway niya kami, bakit hindi siya gumawa ng mabuti para sa amin?” sagot ni Cristy sa sunod-sunod na pagharang ng kapitan sa negosasyon.
Kalam ng sikmura

Tubong Valenzuela din ang pamilya ni Analyssa Dela Torre o Ana na mahigit isang dekada nang naninirahan sa Floating. Naiba lang ang lugar pero dumpsite din ang dati niyang tirahan.
Isang palapag ang kanyang tahanan, walang asawa at may apat na anak. Dalawang taong gulang pa lang ang kanyang panganay noong una silang napadpad sa Floating, ito na ang kinalakihang buhay ng kanyang mga anak.
Maliit para sa edad na 17 ang isa sa mga anak ni Ana. Ipinanganak naman daw na walang kapansanan ang kanyang anak, pero dahil madalas walang makain, nagkaroon siya ng komplikasyon sa baga na hindi agad naagapan.
Nagkaroon ng permanenteng pinsala sa kalusugan ang anak ni Ana. “Kaya huminto ako sa trabaho kasi wala na nag-aalaga sa kanya. Masakit sa akin ‘yon.”
Bagama’t nakakalapit sa Rural Health Unit ng Meycauayan ang mag-ina, tingi-tinging vitamins at supplements lamang ang kanilang nabibili dahil kulang ang kanilang pambili ng resetang gamot.
“Sabi nga nila, ‘Isuko mo na lang ‘yang anak mo kung ganyan,’” kuwento ni Ana. Ibigay na lang daw niya sa Department of Social Welfare and Development ang kanyang anak. “Hindi, ayoko. Kasi mas lalo akong nasasaktan,” sabi ni Ana..
Sa kabila ng hirap, pursigido si Ana na itaguyod ang pag-aaral ng dalawa niya pang mga anak at masiguradong kahit isang beses sa kada araw, may nakahain sa kanilang hapag-kainan. Tuwing magtatrabaho, nakikiusap ang ina sa kanyang mga kapitbahay na kung puwede silipin, kahit saglit, ang kanyang mga anak na naiiwan sa bahay.
“Kinakayod ko na hangga’t kaya ng katawan ko na may ipapakain ako sa kanila. Naglalaba ako kada Linggo imbis na ipahinga ko, hindi ko mapapahinga kasi naglalabada ako na tuloy-tuloy kung may mapapasukan ako,” ani Ana. Tulad ni Cristy, naglalaba din ng PE si Ana at sa kada araw umaabot lang ng P200 hanggang P300 ang kanyang nauuwing kita.
Nangangalakal din si Ana, pero hindi niya araw-araw nagagawa. Sa isang linggo, halos dalawang beses lang siya nakakapagbenta ng kanyang naiipon na kalakal. “Kahit ano, basta puwede ikalakal, kinukuha ko, kahit umabot lang ng singkuwenta [pesos]. Kung ano lang mabenta mo, ‘yon lang makukuha mo,” aniya.
Kulang pa rin ang kita at madalas pumapasok ang kanyang mga anak na walang baon. Buti na lang mabait ang mga kaklase at guro ng mga bata, hinahatian sila ng pagkain kapag makakaya.
Tulad ng ibang ina, nangangamba si Ana sa kinabukasan ng kanyang mga anak, lalo na pag dumating ang panahong wala na siya. Gustuhin man ng ina na maghanap ng maayos na trabaho, hindi niya magawa dahil walang mag-aalaga sa mga bata.
“Kaya sabi ko nga, kung pewede lang, kung meron lang akong malalapitan para may sarili akong hanapbuhay dito sa bahay,” sabi niya. Nakakahiya man para kay Ana na humingi ng tulong, nilalamon ng pangangailangan ang kanyang alinlangan. Lahat para sa kinabukasan ng mga anak.
Pero imbis na biyaya, lalo silang itinutulak ng may kapangyarihan.
Pinuntirya ni Alcantara ang kabuhayan ng SaNaMaKa-Flo na dahilan kung bakit ayaw nilang umalis sa lugar. Tatlong araw hinarang ng kapitan ang L300 na nagdadala ng kalakal sa loob ng Floating.
“Kapitan, ginugutom mo na kami,” “Wala na kaming masaing,” at “‘Wag mong gipitin ang aming hanapbuhay,” mga nakasulat sa mga karatulang bitbit ng SaNaMaKa-Flo habang kinakalampag ang barangay hall ng Caingin.
Ngunit consuelo de bobo ang nangyaring usapan sa pagitan ng SaNaMaKa-Flo at mga opisyal ng barangay. Gusto lang daw ng kapitan na iwasan ang pagdami ng basura sa Floating, dagdag pa na maaari lang magpasok ng kalakal kung ihihiwalay nila ito sa labas ng Floating.
Samakatuwid, kontrolado pa rin ng pamahalaang lokal ang transaksiyon at negosyo sa loob ng Floating kahit hindi ito aktibong dumpsite. Ikinabahala ni Herrera ang kinalabasan ng usapan, lalo pa at hindi siya pinayagang sumama kina Cristy.
“Walang malinaw na classification ng basura at kalakal. Kaya ‘pag ipinasok ‘yong kalakal nila, ‘pag sinabing basura, wala ka nang magagawa,” ani Herrera.
Nanindigan din ang obispo na walang basura na pumapasok sa Floating dahil tanging pambalot ng parcel ng Lazada at mga karton lang ang laman ng L300.