Blackboards

Walang himagsikang nagwawagi sa isang bukang-liwayway lang


Hindi sapat na sukatin ang kabuluhan ng pakikibaka batay lang sa mga agarang resulta nito.

May mahalagang aral sa pagsubaybay sa isang himagsikan mula sa pananaw ng isang taong hindi pa batid na magiging bahagi siya nito.

Sa “Sunrise on the Reaping” ni Suzanne Collins, makikilala natin ang mas batang Haymitch Abernathy, bago siya naging mapangutya at lasenggerong mentor sa orihinal na “The Hunger Games” trilogy. Isa siyang karaniwang kabataang may pamilyang inaalagaan, babaeng minamahal at kinabukasang pinapangarap. Hindi siya nagsisimula bilang rebolusyonaryo.

Sa katunayan, una niyang ipinagwawalang-bahala ang mga radikal na kaisipan ni Lenore Dove, kanyang kasintahan, na nangangarap ng mundong higit sa mga hangganang itinakda ng Capitol.

Magbabago ang lahat nang sapilitan siyang isabak sa Hunger Games at unti-unti niyang maunawaan na ang paghihirap na kanyang dinaranas ay bahagi ng mas malawak na sistemang nagpapahirap sa buong distrito.

Hindi basta paligsahan ang Hunger Games. Isa itong institusyon ng karahasan ng estado, na ginagawang palabas ang pagpatay sa mga kabataan upang supilin ang mga distrito at ipaalala sa mamamayan ang kaparusahan sa paglaban. Bahagi mismo ng pagpapanatili ng kapangyarihan ng Capitol ang ganitong kalupitan.

Kalauna’y lalawak ang pag-unawa ni Haymitch sa kalagayan ng mga taong dumaranas ng kaparehong pang-aapi. May pagkakaiba ang paghihiganti sa mga taong nanakit sa atin at ang pagkilala sa sistemang nagpapahintulot sa kanilang karahasan. Maaaring humantong sa indibidwal na paglaban ang una. Ang ikalawa ang maaaring maging simula ng sama-samang pakikibaka para sa pagbabago ng lipunan.

Isa sa pinakamahalagang ideya sa pelikula ang pahayag ni Plutarch Heavensbee na maaaring abutin ng maraming salinlahi ang pagbabago at bahagi lang ng isang tuluy-tuloy na pakikibaka ang ambag ng bawat taong nakikibahagi rito.

Madalas ilarawan ng popular na kultura ang himagsikan bilang isang mapagpasyang tagpo. Ngunit ang pagbagsak ng diktador, paglusob sa palasyo, at pagtatagumpay ay bunga ng pinagsama-samang gawain at pagsisikap sa mahabang panahon, hindi lang ng kasalukuyang henerasyon kundi maging ng mga naunang lumaban at nagapi, ng mga nag-organisa, nagprotesta, naglantad ng mga pang-aabuso, at nagpaabot ng kanilang mga karanasan sa susunod na salinlahi.

Hindi maiaatang kay Haymitch lang ang pagbagsak ng Capitol, gayundin kay Katniss Everdeen na naging mukha ng rebolusyon. Bahagi sila ng mas mahabang kasaysayan ng paglaban. Walang iisang taong may-akda ng isang himagsikan.

Kaya hindi rin sapat na sukatin ang kabuluhan ng pakikibaka batay lang sa mga agarang resulta nito. Maaaring durugin ang isang pag-aalsa, patahimikin ang isang organisador, o mapaurong ang isang kilusan. Ngunit inilalantad ng bawat paglaban ang mga kontradiksiyon ng lipunan, nagpapalawak ng kamalayang pampolitika, at nag-iiwan ng mga aral na maaaring ipagpatuloy ng susunod na salinlahi.

Sa Pilipinas, mahaba rin ang kasaysayan ng pakikibaka para sa tunay na pagbabago. Hindi ito natatapos sa pagpapalit ng mga opisyal o sa pagbabago ng mga nakaupo sa Malacañang. Kailangang harapin ang mga estruktura ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo na nagpapanatili sa dominasyon ng dayuhan, kawalan ng lupa, pagsasamantala, at pagkakait sa mamamayan ng kapangyarihang magpasya para sa sarili.

Hindi awtomatikong winawakasan ng pagbagsak ng isang diktador ang sistemang nagluwal dito. Hindi rin ginagarantiya ng pagpapalit ng mga pinuno ang paglaya ng mamamayan mula sa pagsasamantala.

Samakatuwid, mahalagang itanong kung anong uri ng lipunan ang itinatayo matapos ibagsak ang lumang kaayusan. Nakakamit ba ng mamamayan ang kapangyarihang magpasya sa kanilang kabuhayan, likas na yaman, at kinabukasan? O nananatili ang mga dating estruktura ng pagsasamantala sa ilalim ng mga bagong namumuno?

Marahil ay hindi lahat ay aabot sa panahong masasaksihan ang bunga ng mga sakripisyong inialay sa loob ng maraming dekada. Ngunit ipinapaalala ng “Sunrise on the Reaping” na hindi isinisilang ang mga himagsikan sa isang iglap. Bunga ang mga ito ng pinagsama-samang pakikibaka, sakripisyo, at paglaban ng maraming salinlahi, kabilang ang mga hindi na umabot upang masaksihan ang tagumpay.

Kung minsan, ang pinakamahalagang ambag sa kinabukasang maaaring hindi na natin makita ay ang pagtitiyak na hindi magtatapos sa atin ang pakikibaka.