Gumagamit daw ng bawal na gamot
Talamak sa ating lipunan ngayon ang paggamit ng bawal na gamot. Maraming pamilya na ang nawasak dahil sa bisyong ito. Ito ang dahilan kung bakit sa ilalim ng Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Law ay maaaring ipa-drug test ng isang kompanya ang kanyang mga empleyado.
Talamak sa ating lipunan ngayon ang paggamit ng bawal na gamot. Maraming pamilya na ang nawasak dahil sa bisyong ito. Ito ang dahilan kung bakit sa ilalim ng Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Law ay maaaring ipa-drug test ng isang kompanya ang kanyang mga empleyado.
Sa kasong “ Jeffrey Nacague vs. Sulpicio Lines, Inc.” (G.R. No. 172589) na hinatulan ng Korte Suprema nitong nakaraang buwan lamang, ay nakatanggap ng sulat ang kompanya tungkol sa paggamit ng droga ng mga tripulante sa isang barkong pag-aari nito. Nang dumaong ang nasabing barko sa Maynila ay inutos ng kompanya sa mga tripulante nito ang pagsagawa ng random drug test.
Dinala sila ng kompanya sa S. M. Lazo Medical Clinic kung saan sila dinaan sa drug test. Sa isinagawang drug test, lumabas na positibo itong si Jeffrey, isang opisyal ng nasabing barko, sa paggamit ng shabu. Gumawa ng pormal na imbestigasyon ang kompanya. Mahigpit namang itinanggi ni Jeffrey ng akusasyon laban sa kanya. Upang patunayan na hindi siya gumagamit ng bawal na gamot, nagpatingin si Jeffrey sa Chong Hua Hospital, isang malaking ospital sa Cebu. Dito, negatibo ang naging resulta sa kanya.
Ganun pa man, tinanggal ng kompanya si Jeffrey sa kanyang trabaho. Ang paggamit ng bawal na gamot diumano ay paglabag sa mga alituntunin ng kompanya at ang sinumang manggagawang lumabag dito ay matatanggal sa kanyang trabaho.
Dahil dito, nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya itong si Jeffrey.
Nanalo sa tanggapan ng Labor Arbiter si Jeffrey ngunit nang i-apela ng kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kaso, binaliktad ng NLRC ang hatol at pinanalo ang kompanya. Dinala ni Jeffrey sa Court of Appeals ang kaso pero ganun pa rin ang naging desisyon . Napilitan siyang dalhin ang kaso sa Korte Suprema.
Binaliktad ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals at pinanalo si Jeffrey.
Sinasabi ng RA 9165 na para maging katanggap-tanggap ang isang drug test, ito ay kailangang isagawa ng isang ospital o laboratoryo na accredited sa Department of Health (DOH), paliwanag ng Korte Suprema. Sa kasamaang palad, ang S. M. Lazo Medical Clinic ay hindi accredited ng DOH. Kung gayun, hindi katanggap-tanggap ang ginawang drug test nito at hindi maaaring gamiting batayan upang sabihin na gumagamit ng bawal na gamot itong si Jeffrey.
Pangalawa, iniuutos din ng RA 9165 na kailangang dumaan sa dalawang proseso ang drug tests ng isang ospital o laboratoryo para ito maging kapani-paniwala.
Una ay ang tinatawag na screening test. Kung positibo ka sa screening test, kailangang dumaan ka sa confirmatory test. Kung maging positibo ka sa lahat ng test na ito, saka lamang pwedeng sabihin na gumagamit ka nga ng bawal na gamot.
Sa kaso ni Jeffrey, screening test lamang ang ginawa ng S. M. Lazo Medical Clinic sa kanya. Hindi siya nito dinaan sa confirmatory test. Kung ganun, hindi pa tiyak sa drug test na isinagawa kung talagang gumagamit nga ng bawal na gamot si Jeffrey.
Inutusan ng Korte Suprema ang kompanya na bayaran ang backwages nitong si Jeffrey. Dahil sa sira na ang relasyon ng dalawang panig, hindi na pinabalik ng Korte Suprema sa kanyang trabaho si Jeffrey kungdi pinabayaran na rin sa kompanya ang kanyang separation pay.
Nawa’y maging aral sa mga kompanya ang kaso ni Jeffrey. Maaari nga silang magtanggal ng manggagawa dahil sa paggamit ng bawal na gamot, ngunit kailangang sundin nila ang mga alituntuning nabanggit sa batas laban sa bawal na gamot.