Pangangamkam na ala-Hacienda Luisita, reklamo ng kababaihang magbubukid


Sa pagdiriwang ng International Rural Women’s Day, kababaihang magbubukid na inagawan ng lupa ng katambal noong eleksiyon ni Pangulong Aquino ang nanawagan ng tunay na reporma sa lupa.

Inapakan ng kababaihang magbubukid ang mga larawan ni Pangulong Aquino, habang sila ay nagsasayaw ng "caracol". (Macky Macaspac)
Inapakan ng kababaihang magbubukid ang mga larawan ni Pangulong Aquino, habang sila ay nagsasayaw ng "caracol". (Macky Macaspac)

Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan (International Rural Women’s Day) ngayong araw, nagmartsa patungong Mendiola ang mga kababaihang magbubukid na katatapos lamang ng limang-araw na kampuhan sa harapan ng Department of Agrarian Reform.

Sa kilos-protesta na pinangunahan ng Amihan (Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid), aabot sa 50 kababaihang magbubukid mula sa Brgy. Mascap, Montalban, Rizal ang nagsayaw ng “caracol” (isang katutubong sayaw ng mga Pilipino) habang inaapakan ang mga imahe ni Pang. Benigno Aquino III.

Ipinanawagan nila ang kagyat na pamamahagi sa 1,644 na ektaryang lupaing agrikultural sa Brgy. Mascap na pag-aari ng pamilya ni dating Sen. Manuel “Mar” Roxas. Si Roxas ay katambal ni Pangulong Aquino sa kampanyang elektoral.

“Dapat itaguyod ni Ginoong Aquino ang kolektibong karapatan ng mga magsasaka ng Mascap, at ang pambansang interes ng 94 milyong Pilipino sa kabuuan,” pahayag ni Zen Soriano, pangalawang tagapangulo ng Amihan.

Ayon sa Amihan, tulad ng kaso ng Hacienda Luisita, na pagmamay-ari naman ng pamilya ni Aquino, ang kaso ng pangangamkam ng lupa sa Brgy. Mascap. Nakabinbin ang nasabing kaso sa Korte Suprema, matapos baligtarin ng Court of Appeals ang desisyon ng Department of Agrarian Reform Adjudicatory Board, na pumapabor sa mga magsasaka.

Gamit ang bao ng niyog, nagsagawa ng noise barrage ang mga kababaihang magbubukid bilang pagkondena sa kapabayaan ng gobyerno sa sektor ng agrikultura. (Macky Macaspac)
Gamit ang bao ng niyog, nag-noise barrage ang kababaihan bilang pagkondena sa kapabayaan ng gobyerno sa sektor ng agrikultura. (Macky Macaspac)

“Ang kapasidad bilang pangulo ni Ginoong Aquino ay dapat pumigil sa kanyang kaibigan at alyado sa pulitika na si Roxas at kanyang pamilya sa pagtrato sa mga magsasaka sa Mascap, Montalban bilang makabagong alipin at mga iskuwater. Ang mga magsasaka ay matagal nang nandoon bago pa pumasok ang pamilyang Roxas,” ani Soriano.

May kabuuang 998 na magsasaka, kabilang ang 300 kababaihan, sa nasabing lupain. Kalakhan sa mga magsasaka ay benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program at may hawak na mga emancipation patent (EP) at certificate of land transfer (CLT). Karamihan din ay nakapagbayad na nang buo sa amortisasyon. Ngunit nais pa rin ng pamilyang Araneta-Roxas na kanselahin ang mga EP at CLT, ayon sa Amihan.

Kaisa ang grupo sa mga magsasaka ng Hacienda Luista, na makikibahagi naman sa isang Lakbayan simula sa Lunes, Oktubre 18 hanggang sa Oktubre 21, anibersaryo ng Presidential Decree 27, ang umano’y bogus na programa sa repormang agraryo ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Naniniwala silang nananatiling bogus ang pinalawig na CARP (CARP Extension with Reforms) sa ilalim ng gobyernong Aquino.