Magsasaka ng Negros, nagprotesta sa Maynila
Dumating na sa Maynila noong Oktubre 17 ang mga magsasaka mula sa Negros para magsagawa ng dalawang linggong protesta para ilantad ang umano’y piyudal na paghahari ng isang Cojuangco sa Visayas. Ayon sa National Federation of Sugar Workers at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Negros, sinasamantala ni Danding Cojuangco, kroni ni dating Pangulong Marcos at kamag-anak ni […]
Dumating na sa Maynila noong Oktubre 17 ang mga magsasaka mula sa Negros para magsagawa ng dalawang linggong protesta para ilantad ang umano’y piyudal na paghahari ng isang Cojuangco sa Visayas.
Ayon sa National Federation of Sugar Workers at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Negros, sinasamantala ni Danding Cojuangco, kroni ni dating Pangulong Marcos at kamag-anak ni Pangulong Benigno Aquino, ang karapatan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng iskema sa lupa (land scheme).
Sinabi pa ng grupo na ang iskema sa lupa tulad ng “corporate scheme” ni Cojuangco ang isa sa mga dahilan kung bakit miserable ang buhay ng mga magsasaka sa Negros.
Sa kabila umano ng potensiyal ng malawak na lupain at iba’t ibang produkto, nananatiling mahirap ang Negros sa nakaraang mga dekada. Isinisi ito ng mga magsasaka sa pagmonopolyo sa lupa ng ilang pamilya sa rehiyon kabilang na si Cojuangco.
Kabilang sa pag-aari ni Cojuangco ang Hacienda Balatong na sumasaklaw sa tatlong munisipalidad ng La Castellana, Isabela at Hinigaran sa Negros Occidental at umaabot sa 12,700,001. Nang mabili ito noong deka ’80, agad umanong pinalayas ang mga magsasaka bagamat nananatili ang daan-daan sa kanilang tirahan at sakahan.
Ang “corporate scheme” ay joint venture sa pagitan ng korporasyon ni Cojuangco at iba pang imbestor at kooperatiba ng Agrarian Reform Beneficiaries. Sa naturang iskema, maglalaan si Cojuangco ng suportang pasilidad at kapital na kailangan sa pagpapaunlad at gamit ng lupa, habang ang mga magsasakang benepisyaryo ay ipagagamit ang kanilang lupa kapalit ng 30% share of stocks.
Halos kahawig ng naturang iskema ang stock distribution option na ginamit ng angkan ni Pangulong Aquino para hindi tuluyang maipamahagi sa mga magsasaka ang Hacienda Luisita sa Tarlac.
Laganap din umano ang hindi makatarungang pasahod sa mga manggagawang bukid na nakatatatanggap lamang ng P40-P50 kada araw.
Sinabi pa ng grupo na pinaglalaruan lamang ni Cojuangco ang umiiral na mga batas sa mahabang panahon. Nagamit pa umano nito ang Comprehensive Agrarian Reform Program para manatili sa kanya ang malawak na lupain.
Sa kabila nito, patuloy na iginigiit ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa sa pamamagitan ng “bungkalan” na tulad ng ginawa ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Simula nang unang hati ng 2010, nakapagbungkal na ang mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng katimugang Negros.
Binatikos naman ng grupo si Pangulong Aquino dahil sa patuloy na pananahimik nito sa usapin ng tunay na reporma sa lupa sa bansa.