Kaanak ng Morong 43, dismayado sa pakikipag-usap sa Malakanyang


Hinarap sa wakas ng mga opisyal ng Malakanyang ang mga kaanak ng mga mangagagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43, noong Nobyembre 15, matapos ang limang pagtatangkang makaharap si Pangulong Benigno Aquino III.

Hinala ng mga kaanak ng Morong 43, natatakot si Pangulong Aquino sa militar kaya laging iwas-pusoy siya sa pagpapalaya sa Morong 43. (Macky Macaspac)
Hinala ng mga kaanak ng Morong 43, natatakot si Pangulong Aquino sa militar kaya laging iwas-pusoy siya sa pagpapalaya sa Morong 43. (Macky Macaspac)

Hinarap sa wakas ng mga opisyal ng Malakanyang ang mga kaanak ng mga mangagagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43, noong Nobyembre 15, matapos ang limang pagtatangkang makaharap si Pangulong Benigno Aquino III.

Pero wala umanong nangyaring makabuluhang pag-uusap na namagitan sa kanila at ng mga kinatawan ng pangulo sa katauhan ni Senior Deputy Executive Secretary Jose Amorado at Atty. Ronaldo Geron.

Sa isang press conference, inihayag ng mga kaanak ng Morong 43 ang pagkadismaya nila sa nangyaring pag-uusap. Sa halip diumano na bigyan sila ng update ni Sek. Amorado hinggil sa rekomendasyon ni Justice Sec. Leila de Lima na matagal ng naipadala sa Malakanyang, sila pa umano ang hiningan ng development sa kaso.

“Dismayado ako dahil sa ilang beses na hindi pagtugon sa aming request. Noong Lunes (Nob. 15), hinarap kami ng hindi pa handa ang humarap sa amin. Kami pa ang hiningan ng detalye ng kaso. Tinanong pa kami kung ano ang nangyari sa Morong 43, ano ang nangyari sa kaso sa korte, ano ang istatus nito sa Korte Suprema. Anong klaseng kaharap yan,” pahayag ni Roneo Clamor, tumatayong pangkalahatang kalihim ng Karapatan at asawa ni Dr. Mary Clamor isa sa tinaguriang Morong 43.

Ayon pa sa mga kaanak ng Morong 43, dismayado din sila sa ginawang pagsalang muli sa  isang rebyu ng legal team ng Malakanyang, sa ginawang rebyu sa kaso ng Department of Justice

“Isinalang uli sa isang rebyu ang ginawang rebyu ni Sek. de Lima. Puro na lang rebyu. Hindi namin kailangan ang rebyu; ang kailangan nami’y aksiyon ng Malakanyang. Aksiyon na pagpapalaya sa Morong 43,” ani Clamor.

Idinagdag pa ni Clamor na ang hinihingi umano nila sa pangulo ay ang pagsang-ayon sa rekomendasyon ng DOJ.

“Ang hinihiling namin sa pangulo’y sang-ayunan niya ang rekomendasyon ni Sek. de Lima. Bagamat hindi niya binanggit sa amin (de Lima), naniniwala kami na ito ay patungo sa pagpapalaya ng Morong 43,” aniya.

Ayon pa sa grupo, diumano’y tapos na ang ginawang pagrebyu ng legal team ni Aquino sa rekomendasyon ni  Sek. De Lima, at anumang araw ay ibibigay na ito sa pangulo para sa kaukulang desisyon.  “Nakabatay ang pakikipag-usap namin sa Malakanyang, sa pahayag ni Pangulong Aquino na maraming ilegalidad na nangyari,“ ani Carlos Montemayor, tagapagsalita ng Free the 43 Health Workers Alliance.

Ayon kay Montemayor, kung kinikilala umano ni Aquino na mayroong ilegalidad na nangyari, walang dahilan upang hindi magpalabas ng direktiba ang Pangulo sa DOJ upang iatras ang kaso.

Idinagdag pa ni Montemayor na hindi sila pumunta sa Malakanyang upang humingi ng awa upang palayain ang Morong 43. “Nagtungo kami roon upang ipakita at muling igiit ang dapat sana’y makatwirang hakbang ng gobyerno sa kaso ng Morong 43,” aniya.

Nangangamba din umano sila sa maaaring kahihitnan ng mga rebyu dahil sa malaking konsiderasyong ibinibigay diumano ng Malakanyang sa militar. “Ang pangamba namin sa pakikipag-usap namin kay Sek. Amorado, ay ang binanggit niyang kailangang konsultahin muna ang security sector, na siyempre tumutukoy sa militar,” ani Montemayor.

“Hanggang ngayon, nagpapalabas ng mga statement ang militar na nasa batas lahat ng ginawa nila. Puro kasinungalingan ito dahil si (Aquino) na nga ang nagsabing mayroong ilegalidad,”aniya.

Ayon pa kay Montemayor, dapat umanong magdesisyon ang Aquino batay sa merito ng kaso at hindi sa kung ano ang sasabihin ng militar.

Binatikos din ng grupo ang pahayag ng tagapagsalita ng Pangulo na si Sek. Edwin Lacierda, na hindi dapat ikumpara kay Aung San Suu Kyi ang Morong 43.

Ayon sa grupo, parehong ikinulong ng mapanupil na gobyerno ang mga ito at aminado umano ang kasalukuyang gobyerno na mapanupil din ang nakalipas na adminsitrasyon.