Mandatory insurance ng OFW, pag-uusapan
Makikipagpulong si Sek. Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DoLE) kay bise-presidente at presidential adviser on OFW concerns na si Jejomar Binay para pag-usapan ang posibleng pagresolba ng isyu hinggil sa mandatory insurance para sa mga overseas Filipino worker (OFW). Sa nasabing pulong na gaganapin sa darating na linggo, inaasahan na ihahayag ni […]
Makikipagpulong si Sek. Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DoLE) kay bise-presidente at presidential adviser on OFW concerns na si Jejomar Binay para pag-usapan ang posibleng pagresolba ng isyu hinggil sa mandatory insurance para sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Sa nasabing pulong na gaganapin sa darating na linggo, inaasahan na ihahayag ni Baldoz ang kasalukuyang status ng implementasyon ng kontrobersiyal na mandatory insurance .
Lalahok din sa pulong sina DoLE Undersecretary Hans Leo Cacdac, Administrator Jennifer Manalili ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at tagapangulo ng National Labor Relations Commission na si Jose Nograles.
Ang mandatory insurance para sa mga OFW ay isang probisyon ng Republic Act 10022, na nag-amyenda sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.
Iniaatas nito na ang lahat ng umaalis na bagong OFW ay dapat na magkaroon ng insurance para sa aksidente o natural na pagkakamatay, pagkabaldado; pagpapauwi; pagkain at tuluyan; alawans; money claims mula sa pagkakasala ng employer; pagbisita; medikal na ebalwasyon at medikal na pagpapauwi.
Pero tinututulan ito ng mga grupong migrante, na umaasang ipapasa sa kanila ng mga ahensiya at rekruter ang naturang insurance at makakadagdag lamang sa napakarami nang mga bayarin.
Tutol din dito ang mga ahensiya at rekruter na nangangambang kakaunti ang bilang ng mga employer kapag naipatupad ang polisiya, at na magreresulta ito sa maagang terminasyon ng kontrata ng mga OFW.
Samantala sa isang pahayag, nanawagan ang Migrante International sa Insurance Commission na maging bukas sa proseso ng akreditasyon ng mga kompanya ng insurance na gagawing katuwang ng gobyerno sa implementasyon ng mandatory insurance.
Ayon kay Garry Martinez, tinanggap na ng nasabing komisyon ang akreditasyon ng Paramount Life and General Insurance Corporation, Philippine Charter Insurance Corporation, at ng United Coconut Planter’s Life Assurance Corporation bago pa man mailabas ang Implementing Rules and Regulations hinggil sa pagpili ng nasabing mga kompanya.
Hinihiling ng grupo ang pagiging bukas ng proseso ng akreditasyon, pagsasapubliko ng track record ng mga kompanyang pinagpipilian, at ang kasiguruhang wala itong conflict of interest.
Ipinunto ni Martinez na tagapangulo ng board of directors ng Philippine Charter Insurance Corporation si dating DoLE Sek. Bienvenido Laguesma, na siya ring nagtayo ng law firm na kumakatawan sa Philippine Airlines. Inaakusahan ang DoLE ng conflict of interest s sa kasalukuyang labor dispute sa PAL.
Nakatanggap rin umano ang grupo ng impormasyon na isa sa mga kompanya ng insurance na sangkot sa ilegal na rekrutment ng 137 drayber ng bus sa Dubai ay nakipagsosyo sa isa pang kompanya ng insurance para ma-accredit ng Insurance Commision.
“Ang kinakatakot namin, itong bagong polisiya na ito ay hindi lang ginagawang gatasan ang mga OFW kundi source pa ng corruption,” ani Martinez.
May ulat ni Ilang-Ilang Quijano