Walang reporma, kung walang pananagutan sa AFP
Ipinakita ng mga alegasyon nina dating Lt. Col. George Rabusa, dating COA Auditor Heidi Mendoza, at iba pa, na talamak at sistematiko ang korupsiyon sa loob ng Armed Forces of the Philippines. Bulok na ang institusyong ito, at walang maaasahang reporma kung di masisimulan sa pagpapanagot sa pinakamatataas na opisyal ng AFP noon at ngayon.
Batid ni Sen. Alan Peter Cayetano na maaaring ilan sa publiko ang nagdududa kung may patutunguhan ang mga pagdinig hinggil sa korupsiyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
“The general sentiment of the people is, sawa na sila sa sistema. Pero minsan may mga nangyayari at nagkakaroon ng momentum para sa reporma,” ani Cayetano, nang kapanayamin ng Pinoy Weekly sa huling pagdinig ng Senado hinggil sa P303-Milyong kasong plunder ni Ret. Maj. Gen. Carlos Garcia, dating comptroller ng AFP.
Nagsimula lamang ang mga pagdinig sa pag-uusisa sa kontrobersiyal na plea bargain na ipinagkaloob ng Office of the Ombudsman kay Garcia. Ngayon, umalingasaw na ang iba pang mga bahong itinatago ng institusyong militar. Ibinunyag nina Col. Rabusa, dating budget officer ng AFP; kanyang deputy na si Col. Antonio Lim; at dating auditor ng Commission on Audit (COA) na si Heidi Mendoza ang pagkawala ng milyun-milyong piso mula sa pondo ng militar at pagbulsa rito ng mga chief-of-staff. “Pasalubong” at “pabaon” ang tawag sa pabuya sa pag-akyat at pagbaba sa posisyong hindi lamang isa sa pinakamakapangyarihan—kundi pinakalukratibo rin—sa bansa.

Pabaon, pasalubong, at ‘for the boys’
Mula sa Provisions for Command-Directed Activities o PCDA, isa sa mga pondong kontrolado ng chief-of-staff, ang “pasalubong” at “pabaon.” Dapat nakalaan ito para sa pangangailangan ng mga sundalo, pero ayon kay Rabusa, sa pamamagitan ng “conversion” ay nagiging salapi ito at tinatayang 10 porsiyento lamang ang napupunta sa mga sundalo. Ang malaking bahagi, ibinubulsa ng chief-of-staff. Nakatanggap umano ng P50-M si Ret. Gen. Angelo Reyes, P80-M si Gen. Roy Cimatu, at P160-M si Gen. Diomedio Villanueva, mga chief-of-staff mula 2000 hanggang 2002 o panahong comptroller si Garcia at budget officer naman si Rabusa.
Para sa isang chief-of-staff, mahahalagang “posisyon ng tiwala” ang posisyon nina Garcia at Rabusa, kaya tatlong araw pa lamang sa puwesto si Villanueva, ipinatawag nito ang dalawa sa isang closed-door meeting. Dito ibinigay ang unang installment ng kanyang “pasalubong” na P10-M. Ipinakita ng dating budget officer ang serye ng mga withdrawal ng tig-sampung milyong piso hanggang sa umabot sa P160-M at nasimot ang nasabing account sa Security Bank.
Si Lim ang tagakamada ng salapi sa dalawang long expandable folder, na idinadala naman nina Rabusa at dating AFP comptroller (bago si Garcia) na si Lt. Gen. Jacinto Ligot kay Reyes sa White House, opisina ng chief-of-staff sa Camp Aguinaldo. “Ang P5-M (na ipinapalit sa dolyar), kapag maganda ang pagkakamada mo, kasya doon,” aniya. Dagdag pa niya, may apat na vault o taguan ng salapi sa opisina ni Reyes.
Kasama rin sa pinakahuling mga alegasyon ang walang bidding na pagbili ng US$2-Milyong halaga ng unmanned aerial vehicles (UAVs) mula sa kompanyang Israeli na EMIT Aviation Consultants Ltd. Inutusan umano siya ni Cimatu na ilikom ang nasabing halaga sa loob lamang ng isang linggo. Sa kalaunan, pumalpak din ang UAVs. Maging ang refund ng buwis na binayaran ng AFP sa Bureau of Customs—nagkakahalagang mahigit dalawang milyong piso—ibinalik pa kay Garcia. Bago nito, binawasan muna ito ng isang kumander ng Philippine Navy. “Pwede ba kaming kumuha ng for the boys?” sabi umano ng kumander.
Maliit lamang ang detalye iyon sa kuwento ni Rabusa, ngunit ipinakita nito ang pagiging talamak ng korupsiyon sa militar, mula sa mabababa hanggang matataas na puwesto. Hindi rin ito ispesipiko sa iisang administrasyon.

Sa Kamara noong Enero 30, napilitang umamin ang nagdaang mga chief-of-staff—habang inaabsuwelto ang kanilang mga sarili—na may korupsiyon na sa AFP bago pa man sila naupo sa puwesto. Samantalang kahapon, nang tanungin si Ligot kung alam na niya ang hinggil sa sistemang “pabaon” at “pasalubong.” Matapos tumangging may iniabot siya kay Reyes, heto ang kanyang sagot: “Palagay ko, may cash na rin na ipinamimigay noon…simula pa ng administrasyong Cory Aquino. Kasi kapag pumupunta ako sa field units may binibigay na noon ‘yung aking commander.”
Noong 2005, inireklamo rin si Ligot ng P207-M na unexplained wealth dahil sa ‘di-maipaliwanag na halaga sa bank account ng mga kamag-anak at kaibigan. Ngunit hindi pa rin siya nakakasuhan ng Ombudsman. Ipinapakita nito—at ng naunang reklamo ni Mendoza hinggil sa pagbubulag-bulagan ng COA—na gaya sa AFP, may sistematikong problema rin sa mga institusyong kumokontra dapat sa korupsiyon.
Ano ang ginagawa ni Aquino?
Naniniwala si Cayetano na hindi sapat na itinigil lamang ang kontrobersiyal na PCDA. Isa lamang ang PCDA sa daan-daan milyong pondong kontrolado ng chief-of-staff, bukod pa sa regular at mga espesyal na pondo ng militar. Nariyan, halimbawa, ang Additional Operation Enhancement Fund (AOEF), na may kaparehong silbi ng PCDA. Ayon kay Rabusa, itinayo ang AOEF noong 2002 dahil nangailangan ng pondo ang operasyong militar sa Basilan ngunit ayaw ipagalaw ng nakaupong chief-of-staff ang kanyang pondo.
Nakaabang ngayon ang lahat sa kahihinatnan ng kaso ni Garcia, na tsansa ng gobyernong mapatunayan na posibleng managot ang mga mandarambong sa AFP. Para kay Cayetano, ito ang “unang hakbang” sa malayo pang lalakbayin ng reporma sa nasabing institusyon. Nasa kamay ito hindi lamang ni Ombudsman Merceditas Gutierrez, kundi mismong ni Pang. Benigno Aquino III. Aniya, “Paano ipapatupad ng pangulo ang reporma na kanyang ipinangako? Ano ang buwelo niya?”
Naiinip na rin ang Kadamay o Kalipunan ng Damayang Mahihirap. Bilang isa sa mga sektor na lubhang nangangailangan ng rekursong kinakain ng badyet sa militar, kinastigo ng grupo si Aquino sa kabiguan nitong panagutin si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, commander-in-chief ng mga heneral na sangkot sa eskandalo. Pahayag ni Carlito Badion, bise-presidente ng Kadamay, “Ni hindi pa tinatanggal ni Aquino sa puwesto ang 40 heneral na appointee ni Arroyo, na ngayo’y nasa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.” (Isa na rito si Cimatu, na ngayo’y envoy ng gobyernong Aquino para sa Middle East)
Maaaring ang kawalang-pananagutan, sa kabila ng pagbabago ng administrasyon, ang umano’y isang dahilan kung bakit mayroong mga nagdududa sa kahihinatnan ng mga rebelasyon, gaano man katotoo at kaeksplosibo. At sa haba ng panahong umiral ito, hindi rin maiwasang makuwestiyon kung iilang tao at kalakaran nga lang ba sa AFP ang bulok, o ang mismong institusyong umaalingasaw na sa korupsiyon.