Maysakit sa OFW sa Gitnang Silangan, pinababayaan?
Naghihintay pa rin ng repatriation ang isang matanda at maysakit na babaing Overseas Filipino Worker (OFW) na mahigit isang dekada nang undocumented sa Saudi Arabia. Samantala, ang isa pa ay namatay kamakailan sa United Arab Emirates dahil tatlong buwang hindi nabigyan ng karampatang medikal na atensiyon. Noong Enero 25, namatay sa isang opsital sa Al […]

Naghihintay pa rin ng repatriation ang isang matanda at maysakit na babaing Overseas Filipino Worker (OFW) na mahigit isang dekada nang undocumented sa Saudi Arabia. Samantala, ang isa pa ay namatay kamakailan sa United Arab Emirates dahil tatlong buwang hindi nabigyan ng karampatang medikal na atensiyon.
Noong Enero 25, namatay sa isang opsital sa Al Ain, UAE ang OFW na si Alma Cadauan dahil sa sakit na anemia. Ini-repatriate kahapon ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Association ang kanyang mga labi.
Pero ayon kay Nhel Morona, pangkalahatang kalihim ng Migrante-UAE, matagal nang hinihiling ni Cadauan na makabalik ng Pilipinas para makapagpagamot at makapiling muli ang pamilya, ngunit umano’y hindi pinakinggan ng mga opisyal ng embahada.
“Friends and concerned fellow OFWs brought her case to the attention of the PHL embassy in Abu Dhabi and requested that she be given assistance as she wished to be home when she could still managed to travel back home in the Philippines; but such request had fallen on deaf ears of our Embassy officials,” ani Morona.
Samantala, ang 74-anyos na si Irene Sto. Domingo, dalawang buwan nang naghihintay ng repatriation sa Bahay Kalinga sa Riyadh, Saudi Arabia.
Taga-Sta. Cruz, Maynila, unang dumating sa Saudi Arabia si Sto. Domingo noong 1984 para magtrabaho bilang domestic helper. Dahil inabuso ng amo, tumakas siya at simula noo’y naging isa sa mga undocumented o walang papeles na migranteng manggagawa.
Noong Disyembre 17, idinulog ng Migrante-Middle East ang kanyang kaso sa embahada para sa kagyat na repatriation. Sa ilalim ng Sek. 7 ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act, maaaring ituring na nangangailangan ng emergency repatriation ang matatanda at maysakit na gaya ni Sto. Domingo. May P100-Milyong emergency repatriation fund and OWWA para dito.
Ngunit sagot umano ng POLO-OWWA, idudulog na lamang nila sa Saudi Social Welfare Administration ang pagpapauwi kay Sto. Domingo.
Dismayado rito ang grupo, na nagsabing dapat awtomatikong pinapauwi ang mga OFW na lampas 70 anyos at maysakit.
“The reply of the PHL embassy on the status of her repatriation was very disappointing as it did not provide us any hope or even indication that she will be repatriated as soon as possible considering her present condition,” sabi ni John Leonard Monterona, tagapagsalita ng Migrante-ME.