Kababaihan kay P-Noy: Kontrolin ang presyo


Magtitipun-tipon sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ang mga babae para igiit kay Pang. Benigno Aquino III ang kagyat na aksiyon sa sumisirit na presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo. Sa isang press conference kahapon, inanunsiyo ng mga lider ng Gabriela at  iba pang organisasyon na tinatayang sampung libong katao ang magmamartsa sa lansangan patungong […]

Mula Marso 1 hanggang Marso 8, magsasagawa ng pagkilos ang kababaihan sa mga komunidad at sentrong lungsod sa buong bansa. Inaasahang 10,000 ang magmamartsa patungong Mendiola sa Araw ng Kababaihan, ayon sa Gabriela. (Ilang-Ilang Quijano)

Magtitipun-tipon sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ang mga babae para igiit kay Pang. Benigno Aquino III ang kagyat na aksiyon sa sumisirit na presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo.

Sa isang press conference kahapon, inanunsiyo ng mga lider ng Gabriela at  iba pang organisasyon na tinatayang sampung libong katao ang magmamartsa sa lansangan patungong Mendiola sa Marso 8, unang komemorasyon ng Araw ng Kababaihan sa ilalim ng bagong administrasyon.

“Matapos ang siyam na buwan, hindi namin nakikita ang sinasabing mga tagumpay ng administrasyong Aquino,” pahayag ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Ayon pa kay Linaban, “Itigil na niya (Aquino) ang pananahimik sa lala ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Kagyat niyang kontrolin ang presyo, at maglagay ng subsidyo sa kinauukulang mga industriya.”

Para sa panawagang ito, isang koordinadong noise barrage ang inilunsad ngayong araw sa mga komunidad at sentrong lungsod sa Metro Manila, Timog Katagalugan, Baguio City, Bikol, Bacolod City, Iloilo, Davao City at iba pang lugar. Magkakaroon din ng araw-araw na pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng bansa hanggang Marso 8.

Tumataas na bilihin, kapos na sahod

Isinalaysay ni Mylene Odias, mula sa isang maralitang komunidad sa Quezon City, ang epekto ng pagtaas ng presyo sa kanilang kalagayan. “Marami ang nagdidildil na lamang ng asin, karamihan ay walang pinagkakakitaan,” aniya.

Presyo ibaba, sahod itaas: Solusyong panukala ng kababaihan para sa matinding kahirapan at kagutuman. (Ilang-Ilang Quijano)

Isa umano sa pinakamabilis na paraan ng pagkontrol ng presyo ay ang pagtanggal sa 12% na Expanded Value Added Tax o EVAT. “Sa P12 na EVAT sa bawat P100 halaga ng bilihin,  makakabili na sana kami ng uling,” ani Odias.

Ayon naman kay Nitz Gonzaga ng Kilusang Mayo Uno-Women, kailangan din sa kagyat ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa. “Napakatagal na itong ipinagkakait,” aniya.

Sa datos ng Bureau of Labor Employment and Statistics (BLES), P290 lamang ang average na sahod ng babaeng manggagawa—kapos sa daily cost of living o kinakailangan ng isang pamilya para mabuhay.

Dagdag pa rito, ani Gonzaga, ang malawakang kontraktuwalisasyon at kawalang-trabaho. Sa datos ng BLES noong Enero, nasa 1.05 milyong kababaihan ang walang trabaho, at nasa 2.05 milyon naman ang underemployed o walang sapat na trabaho.

Pangako ni P-Noy sa mga ina, magsasaka, comfort women

Iginiit din ni Gabriela Rep. Luz Ilagan na dapat itulak ng pangulo ang komprehensibong Reproductive Health (RH) Bill. “Kung tatagalan pa ni P-Noy ang ‘di pagpasa sa RH Bill…mas maraming ina at bata ang mamamatay sa mga kumplikasyon sa kalusugan, at di makakatangap ng maayos na serbisyo,” aniya.

Gabriela Rep. Luz Ilagan (kaliwa) at Lita Mariano (kanan): Pangako ni P-Noy na ipasa ang RH Bill at ipamahagi ang lupain sa Hacienda Luisita, di pa natutupad. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa kabila ng naunang ipinangako, hindi isinama ni Aquino sa kanyang priority bills ang RH Bill bilang kompromiso sa maimpluwensiyang Simbahang Katoliko na tutol dito.

Siningil naman ni Lita Mariano ng Amihan-National Federation of Peasant Women si Pangulong Aquino sa pangakong magkakaroon ng 100% rice self-sufficiency o  nagsasariling industriya ng bigas sa bansa.

Sa halip, lalo pa umanong tumaas ang presyo ng bigas sa merkado. Noong Disyembre 2010, tumaas ng P2 kada kilo ang bigas ng National Food Authority.  “Samantala, bumababa naman ang subsidyo ng gobyerno sa lokal na mga magsasaka ng palay,” sabi ni Mariano.

Sa pag-aaral ng Amihan, kumikita lamang ang karaniwang magsasaka ng palay ng P11 hanggang P33 kada araw. Kababaihan ang gumagawa ng 85% ng trabaho sa mga palayan.

Wala ring tunay na reporma sa lupa na magsisilbing salalayan ng pagsasarili sa agrikultura, ani Mariano.

Rechilda Extramadura ng Lila Pilipina (Ilang-Ilang Quijano)

Samantala, ipinanawagan din ni Rechilda Extramadura ng Lila Pilipina sa pangulo na tupdin ang pangako sa harap ng Japanese community noong Nobyembre 2010 na mabibigyang-hustisya ang mga comfort women noong panahon ng Hapon. “Pero hanggang ngayon, wala pa kahit ang sinabi niyang special envoy para resolbahin ang isyu ng danyos sa amin,” aniya.

Iba pang hinaing, panawagan

Hinaing din ng kababaihan, dumarami ang mga kaso ng karahasan sa kababaihan. Ayon kay Obeth Montes ng Gabriela, isang babae ang binubugbog kada 37 minuto, at isang babae naman ang ginagahasa kada isang oras. “Mas marami—at mas bumabata—ang mga biktima ngayon, kumpara sa datos noong 2008,” aniya.

Inihayag din ni Gina Esguerra ng Migrante, Karla Che Umil ng Salinlahi, at dating bilanggong pulitikal na si Jane Balleta ang kanilang mga panawagan para sa kababaihan.

Hiling ng Migrante ang isang plano para sa repatriation ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Gitnang Silangan na apektado ng mga tunggalian roon gaya ng sa Libya, at mga trabaho pagbalik nila sa bansa. Babae ang karamihan ng OFW sa nasabing rehiyon.

Jane Balleta ng Morong 43 (Ilang-Ilang Quijano)

Para naman kay Balleta, kabilang sa pinalayang mga health worker na Morong 43, dapat palayain na rin ang natitira pang mahigit 300 bilanggong pulitikal. Dapat din umanong panagutin si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Samantala, ayon kay Umil, panahon nang harapin ni Aquino ang usapin ng mga batang biktima ng militarisasyon. Nakakalap ang Salinlahi ng mga ulat ng mga batang ginagamit ng militar sa combat at paniniktik sa mga operasyon sa kanayunan.