Patuloy na panawagan sa hustisya ng comfort women
“Hindi sapat ang tulong pinansyal. Kailangan ang opisyal na paghingi ng tawad, reparasyon at pagkilala sa dinanas ng ating mga kababayan,” ani Sharon Cabusao-Silva ng Lila Pilipina.
“Hindi na nakabalik sa pag-aaral, lumaki sila nang hindi nakapag-aral at walang pormal na trabaho.”
Ito ang naging kalagayan ng comfort women ayon kay Lila Pilipina executive director Sharon Cabusao-Silva matapos ang malagim na karanasan sa kamay ng mga sundalong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Patuloy na inaalalayan ng Lila Pilipina, isang grupong nagsusulong ng karapatan ng mga comfort women, ang mga biktima ng pang-aaliping seksuwal ng mga sundalog Hapones at kanilang mga pamilya para igiit ang nararapat na katarungang malaon nang ipinagkakait sa kanila.
Kahit maraming dekada na ang lumipas, sariwa pa rin sa alaala ng mga biktima at kanilang mga pamilya sa mga kuwentong ito. Matanda na rin ang marami sa kanila, habang ang iba naman’y yumaong baon ang mapait na karanasan at hindi man lang nakatikim ang hustisya.
Ayon sa mga tala, mahigit 1,000 Pilipina ang ginawang parausan ng mga sundalong Hapones at nasa 40 hanggang 50 na lang sa kanila ang buhay pa sa kasalukuyan.
Kasaysayan ng abuso
Malupit at marahas ang pananakop ng mga Hapones sa bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nag-iwan ng matinding sugat ang sistematikong pang-aaliping seksuwal sa kababaihang Pilipino na hanggang ngayo’y hindi pa tuluyang naghihilom.
Sa panayam ng Pinoy Weekly kay Cabusao-Silva, sinabi niya na sa kabila ng ilang dekadang kampanya para sa hustisya, nananatili pa rin ang kawalang aksiyon mula sa mga gobyerno ng Japan at Pilipinas.
“Isang pagtatangkang limutin ang kasaysayan dahil sa kasunduan sa reparasyon noong 1956. Walang direktang tulong na napunta sa comfort women. Ginamit ang mga reparations sa imprastraktura na hindi naman nila napakinabangan,” ani Cabusao-Silva.
Iilan na lang sa comfort women ang buhay pa. Para kay Cabusao-Silva, hindi lang para sa kanila ang patuloy na paglaban kundi para sa kasaysayan at pagkilala sa dinanas nilang pagpapahirap at abusong seksuwal.
Ngunit kahit patong-patong ang mga kasalanan ng Japan, buong giliw na niyakap ng pamahalaan ng Pilipinas ang dating mananakop sa kabila ng kawalan ng pagkilala at katarungan sa mga krimen at abuso ng mga Hapones sa mamamayang Pilipino.
Tulong o banta?
Pinirmahan ng Japan at Pilipinas ang Reciprocal Access Agreement (RAA) noong Hul. 8 bilang tugon umano sa lumalaking tensiyon sa rehiyong Asya-Pasipiko, lalo na ang presensiya ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa pamahalaan ng Pilipinas, mahalaga ang kasunduan upang masiguro ang kakayahan ng bansa na makipag tulungan sa Japan sa larangang militar. Ngunit para kay Cabusao-Silva, may mas malalim na isyu sa likod ng kasunduang ito.
“Habang tumatanggap tayo ng tulong mula sa Japan, tila nalilimutan natin ang responsibilidad nilang harapin ang kanyang nakaraan. Sa bawat bagong kasunduan, ang comfort women at iba pang biktima ng digmaan ay nawawala sa diskurso,” ani Cabusao-Silva.
Dagdag pa niya, may panganib din ito sa Pilipinas na dahil umaasa tayo sa ayudang militar at tulong pang-ekonomiya ng Japan, maaari itong magpahina sa posisyon ng bansa sa usapin ng kalayaan, soberanya at karapatang pantao.
Sa nakaraang dekada, nananatiling matatag ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Japan, lalo na sa larangan ng ekonomiya at militar.
Gayunpaman, sa kabila ng positibong aspekto ng kooperasyon, kontrobersiyal ang RAA na naglalayong pahintulutan ang pagpapadala ng mga tropa at armas mula Japan sa Pilipinas para sa mga ehersisyong militar, humanitarian mission at iba pang aktibidad ng militar.
Habang ibinabandila ito bilang isang hakbang sa pagpapalakas ng depensa laban sa mga banta sa rehiyon, lalo na sa West Philippine Sea, maraming tanong kung paano nito maaapektuhan ang kasaysayan ng Pilipinas at Japan, lalong-lalo na ang usapin ng comfort women at ang pananagutan ng Japan.
Ugnayang Pilipinas-Japan
Sa kabila ng kasunduan ng Japan at Pilipinas, nananatiling tanong kung paano nito maaapektuhan ang pananaw ng mga Pilipino sa kasaysayan.
Sa pagtingin ng Lila Pilipina, mahalagang isama ang kuwento ng mga war crime ng Japan, tulad ng kaso ng comfort women sa pambansang diskurso.
Noong 1956, nilagdaan ang Reparations Agreement sa pagitan ng Japan at Pilipinas para ibalik ang magandang ugnayan ng dalawang bansa matapos ang digmaan. Kasama na rito ang pagbibigay ng Japan ng reparasyon bilang kabayaran sa mga pinsala sa imprastruktura dulot ng digmaan.
Sa kasamaang palad, hindi man lang binanggit sa kasunduan ang pagkilala, paghingi ng tawad at reparasyon sa mga kasalanan at krimen ng Japan sa kababaihang kanilang pinagsamantalahan sa panahon ng kanilang pananakop sa Pilipinas.
Sa isang banda, pagkakataon daw ang RAA para mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas na depensahan ang sarili mula sa mga bantang panlabas. Sa pamamagitan umano ng kasunduan, nagiging mas madali ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa larangang militar.
Ngunit tila nagiging dahilan ang kasunduan upang mas lalo pang ilayo ang pansin mula sa mga isyung pangkasaysayan, partikular sa mga karumal-dumal na krimen ng Japan sa mamamayang Pilipino noong panahon ng digmaan.
Maaaring magpalakas sa posisyon ng Japan bilang kaalyado ang patuloy na pagsalig ng Pilipinas para sa ayudang militar at tulong pang-ekonomiya, ngunit nanganganib ding mabura ang alaala ng kanilang mga kasalanan sa kababaihan at taumbayan.
Hamon at panawagan
Pangunahing hamon na kinakaharap ng comfort women ang patuloy na atake mula sa mga Kanang grupo sa Japan at kawalang malasakit ng gobyerno ng Pilipinas. Binabaliwala ang mga panawagan para sa reparasyon at opisyal na paghingi ng kapatawaran.
Ayon kay Cabusao-Silva, dapat manindigan ang gobyerno ng Pilipinas at itulak ang Japan na harapin ang kanilang pananagutan.
“Hindi sapat ang tulong pinansyal. Kailangan ang opisyal na paghingi ng tawad, reparasyon at pagkilala sa dinanas ng ating mga kababayan,” wika niya.
Nagbukas lang aniya ng bagong kabanata ang paglagda sa RAA sa relasyon ng Pilipinas at Japan na isang huwad na pagtutulungan.
Para sa mga tulad ni Cabusao-Silva na nagsusulong ng karapatan ng kababaihang biktima ng abuso, huwag sana aniyang kalimutan ang nakaraan bilang paalala na tuloy ang laban para sa karapatang pantao at dignidad ng bawat Pilipino.
Hindi lang tungkol sa kasaysayan ng pang-aabuso ng Japan ang kuwento ng comfort women, ito’y patuloy na paglaban ng sambayanang Pilipino para sa karapatang pantao at katarungan para sa lahat ng Pilipino.
Habang ipinagkakait ng mga gobyerno ng Japan at Pilipinas ang katarungan sa comfort women at kanilang mga pamilya, patuloy na magiging paalala ng kanilang mapait na karanasan sa paglaban para sa isang makataong lipunan.