Istorya ng Linggo

Obrero sa pribado, pampublikong sektor mag-iingay para sa dagdag-sahod


Inanunsiyo ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM), na maglulunsad ang ibat’t ibang sektor ng isang metro-wide noise barrage sa Abril 14 upang ipanawagan ang pagtaas ng dagdag sahod.

Kalderong walang laman. Kinalampag ng mga lider ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) ang mga kalderong walang laman na may larawan Pang. Benigno Aquino III bilang pagkondena sa pagtanggi ng gobyerno sa makabuluhang dagdag-sahod. (Macky Macaspac)
Kalderong walang laman. Kinalampag ng mga lider ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) ang mga kalderong walang laman na may larawan Pang. Benigno Aquino III bilang pagkondena sa pagtanggi ng gobyerno sa makabuluhang dagdag-sahod. (Macky Macaspac)

Inanunsiyo ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM),  na maglulunsad ang ibat’t ibang sektor ng isang metro-wide noise barrage sa Abril 14 upang ipanawagan ang makabuluhang  dagdag-sahod.

Ang nosie barrage at kilos protesta na tinaguriang “Kalampagan para sa Dagdag-sahod na Makabuluhan at Laban sa  Presyong  Nagtataasan,”  umano ay tugon ng iba’t ibang sektor sa pagtanggi ng  gobyernong Aquino sa dagdag-sahod ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor. Kanilang ipinanawagan ang kagyat na pagpasa sa P125 at P6,000 wage across the board wage increase na nakabinbin sa Kongreso.

Ayon kay Larry Tan, tagapagsalita ng KPMM, bahagi  umano ang nasabing protesta’t nosie barrage sa Abril 14  sa mga pagkilos ng mga manggagawa na tatampok sa malaking kilos-protesta sa araw ng paggawa sa Mayo uno na kanila naman tinaguriang “Workers and People’s Outrage.”

“May dahilan ang mga mamamayang at mangagawang Pilipino na magngitngit  sa pagtanggi ng gobyernong Aquino na magpatupad  ng makabuluhang sahod, habang pinapayagan nito ang walang patumanggang pagtaas ng mga presyo ng petrolyo at batayang mga bilihin,” ani Tan.

Binatikos naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, ang pagbatay nang anumang dagdag-sahod ng gobyerno sa inflation rate, na sa kasalukuyan ay nasa 4.3 porsiyento lamang.  Batay sa pahayag ng Malakanyang kailangan munang umabot sa 5 porsiyento ang inflation rate bago magpatupad ng dagdag sahod.

Ngunit ayon kay Labog, hindi dapat naka-angkla ang sahod sa inflation rate ang dagdag sahod,  “ang barometro dapat ay ang pagkalam ng sikmura ng mamamayan.”  Kamakailan lamang, inilabas ng SWS ang sarbey na 51 porsiyento ng mga mamamayan ang mahirap.

“Kung mga kompanya ng langis ang magtataas ng presyo, ang gobyerno pa ang naglilinaw na kailangang taasan ang presyo ng mga produktong petrolyo, ngunit kung kaming mga manggagawa ang hihingi ng dagdag sahod, sasabihin ng gobyerno, pag-aaralan pa,” ani Labog.

Idinagdag pa ni Tan na ang nakaambang pagpapatupad ng dagdag sahod sa mga kawani ng gobyerno, na bahagi diumano ng 3rd tranch sa ilalim ng Salary Standardization Law, at ang pahayag ni Sek. Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employement (DOLE) sa karagdagang Emergency Cost of Living Allowance (Ecola) ay pagpapahupa sa ngitngit ng mga manggagawa.

“Sa halip na pahupain kami, makakadagdag lamang sa pagpro-protesta namin ang mga nakakainsulto at hindi sapat na mga dagdag na ito.  Hindi kami nanlilimos ng mga dole-out sa gobyerno at employer.  Ang hinihingi namin ay mas malaking bahagi nang halagang nilikha namin upang makapagpatuloy kaming makaligtas sa matinding kahirapan ngayon,” aniya.